May kakaibang twist ang pagsorpresa ni Marie Louise Corpuz sa kanyang mga magulang.
Imbes na simpleng anunsiyo kasi, may dramatic effect ang pagbabalita niyang magtatapos siya sa kolehiyo bilang magna cum laude.
Natanggap ni Marie, 22, ang Latin honors para sa kursong Bachelor of Science in Tourism and Management sa Saint Louis University sa Baguio City.
Para sorpresahin ang kanyang nanay at tatay, gumamit si Marie ng money cake at nagpanggap na regalo ito para sa belated Father's Day celebration.
Noong June 27, 2022, ipinost ni Marie sa TikTok ang video ng kanyang sorpresa.
Makikita sa video na habang sila ay nasa hapag-kainan, inabot ni Marie sa kanyang ama ang money cake.
Nang hilahin ng kanyang ama ang simula ng money cake ay mababakas na ang laman ng plastic ay tig-PHP20.
May kasamang dedication ito mula kay Marie na binabasa ng kanyang ama't ina habang hinihila ang mga naka-plastic na hibla ng tig-PHP20.
"Wala akong pera...” malakas na pagbigkas ng ina habang binabasa ang dedication.

Nang mabasa ang dulo ng mensahe na magna cum laude ang kanilang anak ay napasigaw ang ina ni Marie at napahalakhak naman ang ama nito.
At saka sila tumayo para yakapin si Marie. Maririnig ang mga magulang na sinabihan nila ng “thank you” ang anak dahil sa regalo nito.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marie tungkol sa kanyang achievement sa kolehiyo.
Aniya, “Yung disappointments ko sa sarili ko, napawi ng award ko kasi I finally proved myself wrong.
“Lahat ng hirap ko worth it kasi ito na yung result.”
Ano naman ang next step niya?
“Inaantay ko po matapos itong braces ko para maka-apply ako sa airlines.
“Then habang ganoon po, inaayos ko din po yung civil service licensure po.”
BEST GIFT TO HER PARENTS
Sa kanyang Facebook post noong June 24, ibinahagi ni Marie ang kanyang college journey.
Aniya, sulit ang hard work at dedikasyong ibinuhos niya sa pag-aaral.
Pagbubunyi niya, “Sleepless nights and tears of frustration to unending school works NO MORE!”
Wala raw mas sasaya pa na makaakyat siya ng entablado kasama ang mga magulang para kunin ang diploma.
“Education is indeed the greatest treasure our parents could ever give.
“That’s why in return, I give you my medal mama and papa, may Magna Cum Laude na kayo.”

Read also:
