Kuwento ng inspirasyon si Aldrin Pawa, 24, mula sa Palawan.
"Putol" kung tawagin si Aldrin dahil sa kanyang kondisyon na putol ang mga kamay at mga paa.
Isa itong birth defect na kung tawagin ay phocomelia syndrome.
Pero sa kabila nito, nagtapos si Aldrin bilang honor student sa senior high school sa Palawan National High School noong June 28, 2022.
Sabi ni Aldrin sa kanyang Facebook post noong June 28 (published as is), “Hindi sukat sa PHYSICAL o APPEARANCE ng tao kung makakapag tapos ka o hindi ang mahalaga ginawa mo ang best mo para sa mga taong naniniwala sa kakayahang meron ka.”
Aniya pa sa ABS-CBN News, “Umulan man o mainit...minsan sa sobrang init nagkakaroon ako ng nana sa tuhod kakalakad.
“Lahat yan tiniis ko, pinagtiyagaan ko para mapatunayan ko sa sarili ko na itong ‘PUTOL’ na tinatawag nila ay makakapagtapos ng pag-aaral."
Si Aldrin ay isa ring SK Kagawad at Vice President ng Persons with Disabilities sa Brgy. San Pedro, Puerto Princesa, Palawan.
Ang plano ni Aldrin ay kumuha ng kursong edukasyon sa kolehiyo.

VIRAL TIKTOKERIST
Pero hindi ito ang unang beses na naging laman ng balita si Aldrin.
Naibalita na rin siya sa media noong nakaraang taon dahil naging viral siya sa TikTok.
Ang mga videos ni Aldrin ay umani ng daan-daang libong views. Ang ibang dance videos ay umabot pa sa ilang milyong views.
Sa kasalukuyan, si Aldrin ay may 2 million followers at halos 23 million likes sa TikTok.
Samantala, sa kanyang YouTube channel, wala siyang agam-agam na talakayin ang tungkol sa kanyang kapansanan.
Sa vlog na inilabas niya noong August 2021, ibinahagi niya ang kanyang sentimyento sa pambabatikos sa kanya sa social media.
“Sa bawat pamba-bash sa akin ng tao, nasasaktan ako, parang naapektuhan ang confidence ko.
“Nada-down ako sa sarili ko, pero hindi dahilan iyon para ma-down ako or sumuko ako.”

Aniya, humuhugot siya ng lakas mula sa mga magulang, mga kaibigan, at sa kanyang pananampalataya.
Ang hangad naman daw niya sa buhay, “Gusto ko lang naman po na maipakita sa buong mundo na kahit ganito ako—wala akong kamay, wala akong paa—pinapakita ko lang ang talento na meron ako.
“Gusto ko pong magbigay inspirasyon sa mga taong katulad kong may kapansan na kung ano man ang kapansanan nila, maging motivation ito sa kanila.”
Read also: Meet Grace Anne Cadosales, PWD, cum laude: “Sinasabi nila, ‘Bakit pa ako nag-aral?’”
