Meet Jesus Tiwan Fuentas, 41, a chicharon vendor.
Nagtapos siya ng Bachelor of Elementary Education sa Talisay City College sa Cebu ngayong 2022.
Breadwinner din si Jesus na may apat na anak. Nakatira sila sa isang barong-barong sa Barangay Labangon, Cebu City.
Kaya naman lubos-lubos ang pasasalamat ni Jesus sa kanyang mga suki sa pagbili ng kanyang mga chicharon.
Gamit ang salitang Cebuano, isang appreciation post ang ginawa ni Jesus via Facebook noong July 5, 2022.
Bahagi ng kanyang post, “Sa aking mga suki sa chicharon, maraming salamat sa pagsuporta ninyo sa aking maliit na paninda, kahit maliit basta palagi. Mainit, umulan, pupunta ako sa inyong mga tahanan isa-isa para lamang makasustento ako sa aking mga anak at aking pamilya.”
Dahil sa pang-unawa at tiwala ng kanyang mga suki, ginanahan daw si Jesus na lalong magpursige sa hangad na makatapos.
“Kasama kayo sa aking achievement sa buhay,” aniya sa kanyang mga suki.
Biro pa niya, “Kahit na nagsasawa na kayo sa aking mukha sa pagbalik-balik ko sa inyong mga tahanan, bumili pa din kayo sa akin. Maraming salamat mga suki.
“Bili pa din kayo chicharon ko, ha,” sundot niya.

STALLED GOING TO SCHOOL
Pahinto-hinto sa pag-aaral noon si Jesus dahil sa kahirapan.
Nagtapos siya ng high school sa edad na 22. Si Jesus ang bunso sa anim na magkakapatid, ulat ng Cebu Daily News.
Pagdating ng 23 anyos, nag-asawa na si Jesus at nagkaroon ng apat na anak.
Ang edad ng kanyang mga anak ngayon ay 17, 14, 10, at siyam na buwan.
Bago ang pagbebenta ng chicharon, nagtrabaho noon si Jesus bilang attendant sa gasoline station at promodiser ng isang beauty company.
Pero kahit pamilyado na, hindi nakalimutan ni Jesus ang pangarap na makapagtapos sa kolehiyo.
Kaya noong 2018, naglakas-loob si Jesus na mag-aral sa kolehiyo.
Naghanap ang paaralan si Jesus na hindi niya kailangang pumasok araw-araw, upang sa gayon may makapagtrabaho pa rin siya.
Pero may mga hinarap siyang pagsubok sa hangad niyang mag-aral, gaya ng pagtutol ng kanyang misis.
Pahayag niya sa Cebu Daily News, “Lagi kaming nag-aaway noong first year ko. Dahil sabi niya ay dagdag gastusin lang ito.
"Pero bahala siyang magreklamo, basta determinado akong makatapos ng pag-aaral.”
Gusto raw ni Jesus na makapagtapos dahil hangad niyang makapagtrabaho at sumuweldo gamit ang pinag-aralan.
Sakay ng kanyang bisikleta, papasok si Jesus sa Talisay City College at minsan ay bitbit ang panindang chicharon na ibinebenta niya sa mga estudyante at mga guro.
Mayroon ding mga estudyanteng magbebenta ng kanyang mga paninda at ibibigay sa kanya ang mga benta pagdating ng hapon.
Pinasalamatan din ni Jesus sa Facebook post ang kanyang mga classmate.
“Maraming salamat sa inyo dahil nandiyan kayo palagi sa mga panahong nangangailangan ako ng tulong, like sa reporting or demo.
“Alam ko na naiinis na kayo dahil kulang ang aking oras, pero nagpapasalamat pa din ako sa inyong lahat dahil sa suporta niyo sa akin.”

PInasalamatan din ni Jesus ang kanyang mga guro: “Dahil sa inyo nakatapos ako sa aking pag-aaral at hindi ako natanggal sa aking dream course, maraming salamat sa opportunity dahil sa inyo nakapagtapos ako.”
WHAT'S NEXT FOR JESUS
Ayon pa sa ulat ng Cebu Daily News, hangad ngayon ni Jesus na pasukin ang anumang trabaho na dumating.
Ito ay habang humanahap siya ng paraan na makakuha ng free review para sa licensure exam for teachers.
Balak niyang magturo sa kanyang probinsiya sa Malabuyoc, Cebu sakaling makapasa siya.
Ito ay para maalagaan niya rin ang kanyang ama.
Kumakatok din siya sa puso ng mga nais tumulong sa kanya. Narito ang kanyang phone number 0932 497 7907.
