Marami ang humanga kay Juan Carlos Martin nang isinauli niya ang PHP1.6 milyong perang naiwan ng isang pasahero sa kanyang sasakyan.
Hindi nag-atubili si Juan Carlos, isang transport network vehicle service (TNVS) driver, na hanapin ang may-ari ng pera.
The mystery money bag
Nangyari ang insidente nito lamang July 20, 2022, mag-a-alas otso ng gabi habang namamasada si Juan Carlos sa Maynila.
Base sa kanyang salaysay, nag-book ang female foreigner na pasahero mula sa isang condominium sa Parañaque City patungo sa isang mall sa Pasay City.
Habang nagbabiyahe ay may inilagay ang pasahero na bag ng pera sa kanyang gilid. Ngunit ilang sandali lamang, nagdesisyon ito na magpabalik sa pick-up point.
“May linagay pong bag po. Pagkalagay niya, sabi niya, 'Balik tayo doon sa pinanggalingan ko,” pahayag ni Juan Carlos sa ABS-CBN Teleradyo noong July 22, 2022.
"Siyempre akala ko po may naiwanan. Bumalik po ako. Pagbalik ko po, bigla po siyang bumaba. Ang iniwan niya lang na salita, 'Give it to my friend.'”
"Ang inisip ko, hindi ko po alam kung sinong kaibigan ang sinasabi niya.
“Hindi ko po…. naglaro sa isip ko baka mamaya ilegal po iyan, o ano. Baka yung booking ko na ida-drop off-an ko, andoon po yung kaibigan. So [ang] nangyari, ang ginawa ko inabante ko."
Ilang metro mula sa pinagbabaan ng babaeng foreigner ay may pumara sa kanyang dalawang Chinese.
Sa pag-aakalang ito ang tinutukoy ng babae na kaibigan nito, agad silang isinakay ni Juan Carlos, ngunit nang makarating sila sa drop-off point sa Pasay ay hindi kinuha ng mga ito ang bag ng pera.
Imbes na pag-interesan ang pera, binalot ng takot si Juan Carlos kaya’t ginawa niya ang lahat ng paraan upang matunton ang babaeng banyaga na may-ari ng bag.
"Humingi na lang ako ng tulong sa company na pinagtatrabahuhan ko. Pagdating po doon, sa Makati, sarado na ata noong time na yun.
“Papunta na ako sa Marikina, tumawag po ako sa kaibigan kong pulis. Sabi ko, ‘Ano ba ang gagawin ko, may naiwang pera sa akin, malaking pera?’"
Nang makarating siya sa Manila Police District upang i-report ang pangyayari, naabutan na rin niya roon ang babaeng nag-iwan ng bag ng pera at naluluhang nagpasalamat ito sa katapatan ni Juan Carlos.
Kalaunan, napagtanto niyang ang dalawang Chinese ang talagang nag-book sa kanyang sasakyan at nagkamali lamang ang babae.
Ayon sa testimonya nito sa mga pulis, ipapalit diumano ng foreign currency ang perang laman ng bag.
Walang kamalay-malay si Juan Carlos na ang naiwang bag ay naglalaman ng 1.6 milyong piso.
Integrity over money
Ipinamalas ni Juan Carlos na walang katapat na halaga ang katapatan.
Ayon sa kanya, hindi ito ang unang pagkakataon na may naiwang mahalagang gamit, tulad ng cellphone at wallet, sa kanyang sasakyan. Pero hindi siya nagdadalawang-isip na isauli ang mga ito sa mga tunay na may-ari.
Kaya naman walang pagsidlan ng tuwa ang kanyang inang si Lucy Martin.
Proud na proud si Nanay Lucy sa mabuting ginawa ng kanyang anak.
“Yung magandang aral na ipinunla namin sa kanilang magkakapatid ay nagawa niya,” masayang paglalahad ni Nanay Lucy.
“Natanim sa isip niya ang pagkakaroon ng mabuting kalooban. Hindi siya natukso gumawa ng masama.”