Vince William Cabotaje, B.S. Math graduate na Top 2 sa teacher's board exam

Inaalay niya ang tagumpay sa kanyang ina, ang "Wonder Woman ng aking buhay.”
by KC Cordero
Aug 11, 2022
Vince William Almario Cabotaje and his mom
Ngayong naabot na niya ang pangarap, plano ni Vince William Cabotaje na lalong pasayahin pa ang kanyang ina. “Sa kanya ko ibubuhos lahat ng bumabalik sa aking biyaya ngayon dahil panahon na para ako naman ang magsilbi sa kanya.”

Top 2 si Vince William Almario Cabotaje, 24, ng San Jose del Monte, Bulacan, sa January 2022 Licensure Examination for Professional Teachers.

Nakakuha siya ng rating na 92.60 percent.

Nagtapos si Vince ng Bachelor of Science in Mathematics sa University of Caloocan City noong April 16, 2018.

Vince William Almario Cabotaje in graduation photo

Nakapanayam si Vince ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 9 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Aniya ay solong anak siya ni Nanay Elsie, isang single mom na "wonder woman" kung ituring niya.

Vince William Almario Cabotaje's mom

Sabi ni Vince, “Lumaki po ako na walang kinagisnang ama. Itinaguyod ako ni Mama na mag-isa lang siya.”

Nakitira silang mag-ina sa isa niyang tiyahin na nagpaaral sa kanya.

BAKIT MATH ANG PINILING KURSO?

Hindi siya mahusay sa mathematics noong high school, pero ito ang pinli niyang kurso sa kolehiyo.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Ang kuwneto ni Vince, “Originally, gusto kong i-challenge ang sarili ko noon kung makakaya kong mag-major sa math.

"Sa lahat ng mga in-apply-an kong college, laging mathematics course yung kinukuha ko para masukat din siguro yung kakayahan ko.

“Ewan ko ba, gusto kong pahirapan ang sarili ko noon.”

Vince William Almario Cabotaje inside the classroom

Isa sa mga options ni Vince ay maging nurse, kaya lang daw, "During high school, bigla akong nagka-phobia sa dugo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Simula yun nung nadulas si Lola, ‘tapos ang daming dugo sa sahig. Mula noon, parang nanghihina ako pag nakakakita ng dugo.

"Naisip kong hindi ako puwedeng maging nurse dahil baka pag may dugo ay mauna pa akong mahimatay sa pasyente, hahaha!”

FINANCIAL PROBLEM

Nang magkolehiyo, problemang pinansiyal ang pinakamalaking pasanin ni Vince.

“Paaral lang ako noon kaya mahirap ang pagkasyahin ang ibinibigay na baon ng aking Tita para sa pamasahe, pagkain at panggastos sa school araw-araw.

“Todo tipid lang talaga. Nabubuhay ako noon sa siomai rice at bentesilog para makapag-lunch.

“Salamat sa mga turon, fishball, siomai, at choco palamig na naging pantawid gutom ko noon.”

Sa mura niyang edad ay natutunan na niyang magtipid at maghigpit sa pera.

“Itinatago ko ang mga sobrang baon para makaipon kahit kaunti noon. Hindi ako naglalabas ng pera lalo kung hindi naman kailangan.”

At dahil sa hirap ng buhay, hindi niya maiwasang makaramdam ng pagod at isiping mag-give up na lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang kanyang ina ang naging motivation niya.

“Pag naiisip kong sumuko na, binabalikan ko yung dahilan kung bakit ako nagsimula.

“Alam kong si Mama ang dahilan ng lahat ng aking gagawin kaya kailangang lumaban at magtagumpay sa buhay dahil pangarap kong magbuhay-reyna siya sa hinaharap."

NAWALAN NG CHANCE MAGING HONOR STUDENT

Hanggang second year college ay in the running si Vince para maging cum laude.

Malungkot niyang pagbabahagi, “Isang subject ang sumira sa pangarap ko.

“Nag-absent ako one time sa P.E. [Physical Education] class dahil may sakit ako at nasaktuhan that time na nag-practical exam kami at na-missed ko yun.

“Dahil doon, nakakuha ako ng markang 2.25. Sabi nila habulin ko raw, pero sabi ko, hayaan na at baka hindi para talaga sa akin ang Latin honors.

“Mula noon, nawala na rin ang pag-asa kong maging Laude sa graduation.”

NATULALA AFTER NG BOARD EXAM

Dahil hindi siya graduate ng education, para makakuha ng board exam ay kumuha si Vince ng units for professional education subjects.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“That’s why it took me another year bago ako nakapag-file for the board exam.”

Pero dahil sa pandemya ay apat beses na-postpone ang kanyang pagkuha ng board exam.

“Hindi ko alam ang dapat maramdaman noon. Sobrang lungkot, inis, frustrations, at halo-halong emosyon na para bang nasayang lahat ng efforts ko sa pagre-review.

“Nung mga panahon na ito, napapaisip ako, ‘Lord, will mo ba talaga itong teaching para sa akin? Bakit parang laging sakit sa puso yung nararamdaman ko because of the board exam?’”

Gayunpaman, pinanatili niya ang positive mindset at nagtuloy sa pagre-review.

Sa wakas, natuloy na rin ang pag-exam niya nitong January 2022.

Smooth naman ayon kay Vince ang pagkuha niya ng exam, though may may mga tanong na hindi niya alam at hindi rin na-encounter sa reviews.

“Tanda ko pa, sumakay akong tulala noon dahil nasa 30 items sa majorship ang hinulaan ko dahil sa hirap ng tanong at mga typo errors sa board questions."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nakaramdam din siya ng matinding anxiety sa pag-aakalang, hindi niya nasunod ang instruction.

“After a day, may bigla akong naalala. Hindi ko nasigurado kung na-shade ko for Set A yung booklet for majorship. Alam ko sa sarili ko na baka maging dahilan ito ng pagbagsak ko!

“Nagbasa at naghanap ako sa Facebook ng mga kagaya kong situation na hindi nakapag-shade ng set at karamihan sa kanila ay sinasabing magiging invalid ang test paper ko.

“Ilang araw ko itong inisip at iniiyak dahil tingin ko, magiging dahilan ito ng ikababagsak ko.”

HINDI MAKAPANIWALANG TOP 2

Pagsapit ng March, inilabas ang resulta ng exam. Sobra ang kaba ni Vince.

“March 11, 5:00 p.m. ay wala pa ring results. Nanood muna ako ng Korean series habang naghihintay.

“Nagulat na lang ako na may biglang tumatawag sa messenger ni Mama at sinasabing nakapasa nga ako sa board.

“At hindi lang yun, Top 2 pa daw ako!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi siya makapaniwala at hindi niya maipaliwanag ang saya na naramdaman.

“Para akong nasa alapaap. Ilang minuto kong tinitigan ang pangalan ko sa listahan ng mga topnotchers.

“Sino ba naman ang mag-aakala na ang nawala sa running for honors noon dahil sa minor subject ay makakayang mag-top sa board exam?”

NANGARAP MAGING TOPNOTCHER

Aaminado si Vince na nangarap siyang maging topnotcher.

“Sa review center pa lang ay lagi kaming mino-motivate na maging topnotcher.

“Sa pagsisimba, bawat dalangin ko noon ay lagi kong kine-claim na magiging topnotcher ako.

“Siguro nga ay narindi si Lord kasi paulit-ulit ako ng prayers noon kaya ibinigay Niya sa akin kasi nakulitan na Siya.”

Naglagay rin siya ng reminder sa kanilang dingding na magiging topnotcher siya para sipagin siyang mag-review.

“Pati na po wallpaper ko noon sa cellphone, ang nakalagay ay tungkol sa kagustuhan kong maging topnotcher.”

Inialay ni Vince ang tagumpay sa Panginoon, at sa kanyang tita na tumulong sa kanyang pag-aaral.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Higit sa lahat, sa kanyang pinakamamahal na ina.

“Ang Wonder Woman ng aking buhay dahil sa pagtataguyod niya sa akin kahit mag-isa lang siya.

“Sa kanya ko ibubuhos lahat ng bumabalik sa aking biyaya ngayon dahil panahon na para ako naman ang magsilbi sa kanya.”

Vince William Almario Cabotaje and his mom

Nagpasalamat naman siya sa University of Caloocan City, para sa de-kalidad na edukasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Apat na taon akong natuto ng maraming bagay at wala akong binayarang tuition fee sa loob ng ilang taon.”

Sa ngayon ay nagtuturo si Vince sa isang private school, at national lecturer sa Carl Balita Review Center.

Plano niyang magkaroon ng master's degree sa mathematics at makapagturo sa mga universities.

Ang payo niya sa mga kabataang mahihirap na gustong makapag-aral, “The best things in life are worth waiting for, fighting for, believing in, and holding on to.

“Anumang hirap ang nararamdaman mo ngayon, ang lahat ay matatapos din at may naghihintay na matamis na tagumpay.

“Magdasal, maniwala at magtiwala.”

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ngayong naabot na niya ang pangarap, plano ni Vince William Cabotaje na lalong pasayahin pa ang kanyang ina. “Sa kanya ko ibubuhos lahat ng bumabalik sa aking biyaya ngayon dahil panahon na para ako naman ang magsilbi sa kanya.”
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results