Tatlong scholars na kabilang sa 20 Fisheries Scholarship Program (FSP) ang pinarangalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Caraga Region (BFAR-13).
Ayon sa pahayag ng BFAR-13 noong August 10, 2022, ang tatlong scholars ay nagtapos ng kolehiyo na pawang mga magna cum laude. Tatanggap sila ng tig-PHP30,000 mula sa ahensiya bilang pagkilala sa kanilang excellent academic achievements.
Si Edeth Novia G. Tubal ay nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Fisheries sa Mindanao State University Naawan, Misamis Oriental.
Tubong Lianga, Surigao del Sur si Edeth, na itinanghal ding class valedictorian.
Ang dalawa pang FSP scholar mula sa rehiyon na pinarangalan ng BFAR-13 ay sina Necanor P. Bigasas at Sheen Chic Zenith T. Perral, na parehong nagtapos din ng Bachelor of Science in Fisheries sa Visayas State University-Tolosa Campus, Leyte.
Class valedictorian si Necanor, at mula sa Bayabas, Surigao del Sur.
Si Sheen ay class salutatorian, at tubong Malimono, Surigao del Norte.
Kabilang ang tatlo sa 20 FSP grantees ng BFAR-13 na tumanggap na ng kanilang diploma noong July 18, 2022.
Sa kasalukuyan ay nakapag-produce na ang BFAR-13 sa pamamagitan ng FSP program nito ng 87 fisheries professionals sa Caraga region.
Ang ahensiya ay kasalukuyan ding sumusuporta sa pag-aaral ng 58 estudyante ng Bachelor of Science in Fisheries sa ilalim ng FSP sa iba’t ibang educational institutions sa bansa.
Bukod dito, may panibagong 25 FSP scholars na susuportahan ang BFAR-13 para sa school year 2022-2023.