Napakahaba ng journey ni Mary Grace Millama Zulueta patungo sa pangarap niya bilang guro.
Noong August 5, 2022, ibinahagi ni Diane Asanza David sa kanyang Facebook account ang kuwento ng kapwa guro at kaklase sa isang review center.
Na-inspire si Diane sa pagiging resilient ni Mary Grace, na mas maedad sa kanya.
Naunang kumuha si Diane, at Top 2 sa rating na 92.60 percent, sa January 2022 Licensure Exam for Teachers.

Pero si Mary Grace ay naka-18 takes na pala sa board exam bago nakapasa sa June 2022 LET.
Ayon sa post ni Diane patungkol kay Mary Grace, “Labingwalong pagsubok at paulit-ulit na pag-abot ng pangarap, ngayong taon ay ibinigay na ni Lord ang bunga ng iyong sakripisyo.”
PINAGHIRAPAN NANG TODO ANG REVIEW
Nakita raw ni Diane kung ano ang hirap at pagsusumikap ni Mary Grace para makapasa sa board exam.
Kaya hanga raw si Diane kay Mary Grace.
Aniya, “Nag-aalaga ka ng mga anak, nagtuturo ng mga bata, pagkatapos ng trabaho, diretso sa pag-aaral for board exam.
“Madalas ikaw na nga ang huling lumalabas ng school, pero nag-i-stay ka hanggang alas singko para matapos ang reviews sa Zoom.”
Ayon pa kay Diane, naikuwento rin ni Mary Grace sa kanya na hindi ito tumitigil at inaabot nang madaling araw para lang ma-perfect ang mga tanong sa Omni-Modal Performance Management System (OPMS), ang official learning management system ng review center kung saan sila naka-enroll.

NAG-DEBUT NA SA PAGKUHA NG BOARD EXAM
Naaalala pa ni Diane nang yayain niyang mag-enroll sa review center si Mary Grace.
“Noong una, nag-aalinlangan ka pa. Pero tumatak sa akin ang sinabi mo na, ‘Nag-debut na ako sa board exam. Eighteen times na kong nag-take.
“’Mag-enroll na tayo bukas.’"
Sinabi rin umano ni Mary Grace na, “’Itong susunod ko, huli ko na.’”
Kinabukasan, dala ang mga natira sa suweldo, nag-enroll ang dalawang teachers sa branch ng review center na malapit sa kanila.
Sambit pa ni Diane ay maraming pagsubok ang hinarap nila ni Mary Grace sa review.
“Kulang ang pamasahe, pagod sa pagtuturo, absent sa school.”
Naligaw pa umano sila nang magkasama silang mag-file ng application sa board exam.
At siyempre, gaya ng ibang nag-review ay dumagdag pang problema ang pandemya.
“PAPASA NA AKO...”
Nang lumabas ang resulta ng January 2022 LET, sabi ni Mary Grace umano kay Diane at sa mga kasama nila sa review center, "Ako muna ang magko-congratulate sa inyo."
Na sinagot naman nila ng: "Huwag kang mag-alala, ‘Ma, after ng June, ikaw naman ang babatiin namin.'"
Tumatak din ayon kay Diane ang mga katagang binitawan ni Mary Grace after nitong mag-take ng board exam last June.
Sinabi umano nito na: “Papasa na ako. First time kong hindi nakatulog habang nag-e-exam sa LET.
"First time kong mag-take ng exam na pagtingin ko sa tanong, alam ko na agad ang sagot."
Ani Diane, si Mary Grace ang nagpatunay sa kanya na walang imposibleng pangarap sa taong masikap.
Masaya siya na ang lisensya sa pagtuturo na taglay nito ngayon ay hindi lang basta ipinagdasal ni Mary Grace kundi sinamahan din ng sakripisyo at walang sawang pag-aaral.
“Proud na proud kami sa ‘yo.”
“IN GOD’S PERFECT TIME”
August 5 ay ni-reshare ni Mary Grace ang post ni Diane sa kanyang Facebook account.
Nilagyan niya ito ng caption na: “Eighteen times na pagbagsak ngunit binigyan ng pag-asa.”
Ayon pa sa post ni Mary Grace, “Napakaraming pagsubok ang dumaan kaya hindi ko ito inasahan. Dumating ang napakaraming time na ayoko na talaga, suko na ako.”

Minsan aniya ay tinatanong niya ang sarili, “Napakahina ko ba talaga? Bakit ganun, ang hirap ipasa?”
Ilang beses din siyang nagkaroon ng 74.4 rating—na konti na lang at pasado na.
“Ang dali lang naman ng mga tanong, pero bakit hindi ko makuha ang tamang sagot?
“Nakakahiya at nakakapagod na ang paulit-ulit na aasa at babagsak ka.
"Ang malungkot at madismaya tuwing malalaman mo na ang lahat ng mga classmates, co-teachers, kapitbahay, estudyante, pamangkin, apo at anak mo mismo ay pumasa at licensed na.
“Pero ako, hindi pa rin...”
Ngayon, wala na ang kanyang mga agam-agam.
"Napakaraming beses kong nag-try, hindi ko ikinahiya at nagpatuloy akong lumaban.”