Mistulang roller-coaster ride ang naranasan ni Enzo Miguel Kho, 19, na nabigyan ng full-ride scholarship sa Princeton University sa New Jersey, USA.
Ang Princeton University ay isa sa Top 20 universities in the world ngayong 2022.
Dito nagtapos sina former U.S. First Lady Michelle Obama, Amazon founder and CEO Jeff Bezos, at former U.S. President John F. Kennedy.
Nagtapos si Enzo ng high school sa Holy Cross High School at Silliman University Senior High School sa Dumaguete City.
Nang tumulak patungong U.S. si Enzo, mistulang nagsisimula pa lang bumangon ang kanyang pamilya.
Isang buwan kasi matapos matanggap ni Enzo ang confirmation ng admission niya sa Princeton, natupok ng apoy ang kanilang bahay at nawasak din ang negosyo nila sa Mabinay, Negros Oriental.
Walang itinira ang sunog.
Inamin din ng ama ni Enzo na bago mangyari ang sunog ay hindi na maganda ang lagay ng kanilang negosyo.
Nagsisimula pa lang bumangon ang pamilya ni Enzo.
Pero mas pinipiling tingnan ni Enzo ang positive side.

Walang natira sa bahay at business nina Enzo nang matupok ito ng apoy
Nasa Brooklyn, New York, U.S. na si Enzo at nakikituloy sa mga kamag-anak doon, ang kuwento ng binata sa Kada Umaga ng Net 25 noong August 16, 2022.
Tutulak si Enzo sa New Jersey sa August 23, para sa school orientation at magsisimula ang kanilang klase sa darating na September 6.
Read also:
- "Average" Grade 12 student gets admissions, PHP17M scholarship offers from U.S. universities
- Street vendor and tricycle driver's son, now a chemical engineering graduate; grateful to scholarships
- Grade 12 student in Isabela earns admissions, scholarships from 7 universities abroad
MIXED EMOTIONS
Aminado si Enzo na nakaparaming “unexpected” na nangyari sa buhay niya ngayong taon.
“Natanggap ako sa ganitong paaralan with full-ride scholarship, pero andaming may napaka-low talaga kasi nawala lahat sa amin.
“But yun nga, sabi ko rin sa sarili ko, baka may plano talaga si God sa atin.
“Regardless, I’m just happy and thankful na ligtas kaming lahat, walang nangyari sa amin.
“Nawala man nga yung bahay namin, yung family namin, we’re still healthy and napaka-supportive pa rin nila.”
Dahil full scholar si Enzo sa Ivy League school, sagot lahat ang kanyang tuition, allowances pati na rin board and lodging hanggang sa makatapos siya.
Binanggit ni Enzo sa kanyang previous Facebook post na ang kanyang yearly scholarship ay aabot ng $82,000 (tinatayang PHP4.2 million).
Balak kumuha ni Enzo ng kursong Public and International Affairs.
Bukod sa Princeton, nakakuha rin ng full scholarship offer si Enzo sa Amherst College (Massachusetts), Brandeis University (Massachusetts), Wesleyan University (Connecticut), at Duke Kunshan University (China).
Nakarating sa U.S. si Enzo sa tulong ng mga kamag-anak sa Amerika at mga kakilalang alumni sa Princeton.
“Isang community talaga yung tumulong sa akin, so I’m really blessed to have these people around me.”
GETTING IN PRINCETON
Inusisa si Enzo kung ano sa tingin niya ang tamang ginawa niya para makapasok sa Princeton, na ang criteria for admission ay academic excellence, leadership, at service to others.
Maging si Enzo, hindi raw matukoy kung ano ginawa niya para makapasok sa Princeton.
“But what I do know, I was just genuine and passionate with the things that I do.
“Nag-overflow siya sa essays ko, during the interviews ko.
"Baka nakita ng admission officers, so siguro yun yung isa sa naging highlight ng application ko, yung pagiging passionate.”
Si Enzo ay isang youth advocate leader sa kanilang lugar.
Isa sa projects niya at mga kapwa estudyante ang pagpunta sa mga marginalized communities para turuan ang mga student leaders sa mga lugar na ito.
Nagko-conduct din sila ng student leadership camps.
Dagdag ni Enzo, importante ang maagang preparasyon sa pag-a-apply sa schools abroad.
Sa kabilang banda, sinabi ni Enzo na unti-unting itinatayo ng kanyang pamilya ang kanilang bahay at negosyo sa Mabinay.
“Slowly, we’re going there,” ani Enzo.
