Ang "Loading Allowance Project" na nasimulan ni Noel Sales, 32, sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 ay nagkaroon na ng mga tagasuporta.
Layunin nitong maayudahan ang mga estudyanteng walang Internet connection sa bahay at umaasa lang sa prepaid load para maka-access sa Internet at maka-attend ng kanilang online classes.
Si Noel ay isang assistant professor sa University of Batangas, kung saan limang taon na siyang nagtuturo.
Isa rin siyang auditor, Certified Public Accountant, at travel enthusiast na naka-base sa Lipa.

Naisipan niyang gawin ang project nang isang estudyante ang nag-text sa kanya na hindi na ito makakakuha ng midterm exam dahil walang Internet.
Nawalan daw kasi ng trabaho ang kanyang ama at ina dahil sa pandemya, at mas kailangan nilang ilaan sa pagkain ang natitira nilang pera.
Nag-reply si Noel sa kanyang estudyante na sasagutin na niya ang load nito hanggang matapos ang semester.
Naging simula iyon, at kalaunan ay nag-sponsor din siya ng weekly load allowance ng 15 pang estudyante.
Ang gastos ay mula sa sariling bulsa ni Noel.
PAGLAWAK NG DONATION DRIVE
Para mas maraming estudyante ang matulungan, lumapit si Noel sa kanyang mga kaibigan at ginamit ang social media sa pangangalap ng donasyon.
Nakarating ang kanyang donation drive hanggang sa ibang school sa Batangas, Quezon, Pampanga, at Bulacan.
Nakalikom siya ng mahigit PHP220,000 na ginamit niya para matustusan ang load allowance ng nasa 150 students.
Noong August 2022 ay inilunsad naman ni Noel ang kanyang “Financial Assistance project” para matulungan sa kanilang tuition fees at ibang gastusin ang mga estudyante.

Nakalikom na siya ng mahigit PHP60,000 mula sa mga kaibigan at iba pang nagbigay ng donasyon.
Ginamit niya ito para sa matrikula ng mga accounting students sa University of Batangas.

Kabilang sa naging benepisyaryo ang isang graduating student na nagtatrabaho sa isang fast food pero kapos sa mga gastusin sa school.
Nagbigay din si Noel ng PHP4,000 sa isang estudyante na may mga kailangang bayaran sa school para maka-graduate.
Sa panayam sa kanya ng Yahoo Philippines noong August 19, sinabi ni Noel na naging “very challenging” ang kanyang project.
Dahil nang lumaki ito, ang naging hamon para sa kanya ay i-sustain ito. Kaya sa isang panayam ay humingi siyang muli ng tulong.
Aniya, "Maybe due to inflation or many lost their jobs due to economy [I’m really not sure about the reason], but I don’t receive many donations unlike before [at] the start of the pandemic.
“But I’m hoping to receive more donations this time."
At plano niyang ipagpapatuloy ito sa abot ng kanyang makakaya.
Sabi ni Noel, "But either way, whatever donations I receive, I plan to continue this project as long as I’m teaching."
Ang inisyatiba ng preopesor ay nai-feature na ng mainstream media at iba’t ibang Facebook Pages at websites.
Labis siyang nagpapasalamat sa mga ito sa pagpapalaganap ng kanyang adhikain.
Nitong August 18 ay nag-post si Noel sa kanyang Facebook account para sa mga may ginintuang puso na gustong makatulong sa kanyang mga beneficiaries.
Ani Noel, “If you want to support my project in helping more students, please send me a DM.”