PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Diane Asanza David: magna cum laude, Top 2 sa board exam

Nakakalungkot na hindi na masasaksihan ng ina ang pag-angat niya sa buhay.
by KC Cordero
Published Aug 25, 2022
Graduation photo of Diane Asanza David, and the list of topnotchers
Naging motivation ni Diane Asanza David sa kanyang success ang paghihirap ng kanyang parents maigapang lang ang kanyang pag-aaral sa kabila ng hirap ng kanilang buhay. Nanghihinayang siyang pumanaw ang kanyang ina at hindi na inabutan na maging Top 2 siya sa board exam.

Bata pa lang si Diane Asanza David ng Marilao, Bulacan, ay pangarap na niya ang maging guro.

Nakintal daw noon sa murang isipan niya ang mga kabaitang ipinakita ng mga guro sa kanya.

Pagbabahagi niya, “Napakabuti kasi nila sa akin. Noon ay nagtataka ako kung bakit palagi nila akong binibigyan ng paulit-ulit na pagkakataon kahit lagi akong late sa klase.”

Lagi rin aniyang may oras ang mga ito para makinig sa kanyang mga problema.

“Sa kanila ko nasasabi ang mga bagay hindi ko nasasabi sa aking pamilya.

"Nakasama ko sila sa pagluha at pagtawa. Sila rin ang nakatuklas at humubog sa aking mga talento. Napakataas ng paggalang ko sa mga guro.”

Art card congratulating Diane Asanza David

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kaya hindi nakapagtatakang pagtuturo rin ang tinahak niyang career. Nagtapos si Diane ng Bachelor of Secondary Education, major in Filipino, sa Colegio De San Gabriel Arcangel bilang magna cum laude noong Abril 14, 2018.

Top 2 naman siya sa January 2022 Licensure Exam for Teacher, at may rating na 92.60 percent.

Nakapanayam si Diane ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 22 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

BUHAY-MAHIRAP, HINDI NA NAGTATANGHALIAN

Pagbabahagi ni Diane, dati ay hindi siya pursigidong mag-aral.

“Muntik na akong i-drop noong elementary, buti na lamang at naipasa ako ng awa sa akin ng aking mga guro. Madalas kasi akong absent.

"Sino ba naman ang sisipagin na maglakad sa arawan at pumasok na walang pera?”

Mahirap lang sila. Barangay tanod ang kanyang ama, at nagtitinda naman ng lutong ulam ang kanyang ina.

“Limandaang piso lang ang allowance ng barangay tanod noon. Kung hindi kulang, sapat lang ang kinikita nila sa pang-araw-araw. Anim kasi kaming magkakapatid.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Madalas na wala kaming baong pera kapag pumapasok.”

At ang naging dahilan para sipagin siyang mag-aral, “Tumatak sa akin ang sinabi sa akin ng aking ate na nagtapos bilang valedictorian.

“Sabi niya, ‘Diane, hindi ka ba naaawa kina Mama at Papa?

"Wala tayong pera pero iginagapang nila tayo sa pag-aaral, tapos hindi ka pa magsisipag? Gusto mo bang habambuhay tayong naghihirap?’"

Kaya pagsapit ng high school, highly motivated na si Diane sa kabila ng maraming struggles.

Nagtiis siya kahit kapos sa maraming bagay.

“Nakatapos ako ng high school na suot ang naninilaw na at maluwag na unipormeng pinaglumaan ng apat na taon ng ate ko—na siya ring pinaglumaan pa ng apat pang taon ng mga pinsan ko.

“Kumbaga, eight years old na ito nang napunta sa akin.”

At kahit nagtitinda ng ulam ang kanyang ina, hindi siya kumukuha ng pagkain sa kanya.

“Sayang kasi ang kikitain, maipandadagdag pa iyon sa aming panggastos.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"Sa apat na taon sa high school, bilang sa daliri kung kailan ako bumili ng tanghalian o nakapananghalian.

“Sinasabi ko sa aking mga kaklase na on diet ako o kaya ay nakalimutan ko ang aking baon.”

Nakakakain lang umano si Diane ng lunch kapag lumalaban sa mga contest.

“Libre kasi at may kaunting allowance.”

NAGING WORKING STUDENT PARA MAKATAPOS SA COLLEGE

Nakapagkolehiyo si Diane dahil sa scholarship.

“Masyadong magastos ang kolehiyo, hindi namin kakayanin. Problema ko rin ang pamasahe.

"Seventy pesos ang baon ko, pero sixty pesos na ang pamasahe balikan. Sampung piso na lang ang natitira sa akin, ang dami pang ipinapa-photocopy.”

Nakaranas din sila ng panlalait kapag nangungutang ang kanyang ina ng pandagdag sa gastusin ni Diane sa school.

“Napakasakit marinig na kung hindi raw ako kayang pag-aralin at wala palang pera si Mama, e, di patigilin na lang.

“Nagmarka ang mga salitang iyon sa akin, kaya kumilos na rin ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagdesisyon siyang maging working student.

Nagtinda siya ng pasalubong, pagkain, at mga pampaganda. Naging tour facilitator at nag-tutor din siya.

“Ako lang yata ang scholar na suki pa rin ng promisory note tuwing may exam.”

PUMANAW ANG INA BAGO ANG BOARD EXAM

Inabot naman ng dalawang taon bago nakakuha ng board exam si Diane. Mali kasi ang petsa sa kanyang birth certificate kaya ipinaayos muna niya.

“Mahal at matagal ang proseso. Halos lahat ng mga ka-batch ko ay lisensiyado na.

"Natutunan kong pumalakpak para sa tagumpay ng iba.”

Diane Asanza David with her mom

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At ang pinakamasakit, “Hindi na naabutan ni Mama ang pagpasa at pagiging topnotcher ko sa board exam...

“Isa siya sa unang dinapuan ng COVID-19. Anim na hospital ang tumanggi sa amin dahil sobrang punuan na.

“Nasaksihan ko kung paano siya nalagutan ng hininga sa aking harapan.

"Hawak ko kanyang mga kamay, pangalan ko rin ang huli niyang tinawag bago siya tuluyang nawala.”

Tinamaan din si Diane ng virus, at habang naka-isolate at nagluluksa, ibinuhos niya lahat ng nararamdaman at oras sa pag-aaral.

“Hindi maibabalik ng kalungkutan ang nawala. Alam kong magiging masaya si Mama kapag nakita niyang pinagbubuti ko ang aking pagre-review para sa board exam.”

Malakas naman ang pakiramdam niyang pasado pagkatapos makakuha ng exam.

Ano ang reaksiyon niya nang malamang siya ay isa sa topnotchers?

“Sa katotohanan ay suntok sa buwan ang pagta-top sa LET. Pero libre naman ang pangarap kaya tinaasan ko na.

“Noong nalaman kong Top 2 ako, labis-labis ang kaligayahang naramdaman ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Yung tipong masaya-masaya ka na gustong mong umiyak, pero hindi ka mapaiyak. Para akong nakalutang sa mga ulap.”

Inialay ni Diane ang tagumpay sa kanyang parents.

“Na talagang iginapang ang aming pag-aaral na magkakapatid sa kabila ng hirap ng buhay.

“Para sa rin sa aking mga kapatid, mga kamag-anak, mga kaibigan, at iba pang nga taong naging kaagapay ko sa aking paglalakbay.”

SIYA NAMAN NGAYON ANG GABAY

Sa kasalukuyan ay nagtututuro si Diane sa Bulacan Standard Academy bilang isang senior high school teacher, at sa Carl Balita Review Center tuwing weekends.

Diane Asanza David while teaching board reviewers

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At ngayong isa na rin siyang guro, batayan niya ang natutunan sa mga guro na umunawa sa kanyang kalagayan noon.

Aniya, “Bukod sa paghasa ng isipan, dapat ding mahubog ng guro ang kanyang mga mag-aaral bilang isang mabuting tao.”

Payo niya sa mga kabataan, “Hindi lamang hinihiling ang pangarap. Kailangang ipakita muna natin na pinagsusumikapan at pinaghihirapan natin ito.

"At palagi nating piliin na maging isang mabuting tao anuman ang ating propesyon.”

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Naging motivation ni Diane Asanza David sa kanyang success ang paghihirap ng kanyang parents maigapang lang ang kanyang pag-aaral sa kabila ng hirap ng kanilang buhay. Nanghihinayang siyang pumanaw ang kanyang ina at hindi na inabutan na maging Top 2 siya sa board exam.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results