Dahil sa paglalaro ng Mobile Legends, nakapagpatayo si Jhewelry Hershey Dela Cerna ng dream house para sa kanyang pamilya.
Ilan lamang ito sa napundar niya sa edad na 15.
Mas kilala bilang Jiji Plays, nakaipon na rin siya ng tumataginting na 4 million pesos nang dahil sa kanyang paglalaro ng sikat na online game.
Kuwento ni Jiji sa Dapat Alam Mo! noong August 23, 2022, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng bagong bahay.
“Since po nung four years old po ako, lagi ko pong sinasabi kay mama na gusto ko po ng bagong bahay. Ayun po, dream po talaga, super dream.”
Read also:
- 15-year-old YouTuber builds her family’s house worth PHP1.2M
- Meet Edward Dapadap, a millionaire at 17, thanks to playing online games
MYTHIC ML PLAYERS AND LIVESTREAMER
Taong 2020 nung magsimulang seryosohin ni Jiji ang kanyang mga attacks sa ML.
Nagla-livestream ang dalaga upang pakitaan ang mga kapwa players na pabuhat sa kanyang pagiging mythic.
Mula sa 1,200 followers sa Facebook, lumobo ito sa mahigit 4 million. At kasabay ng pagdami ng kanyang followers ang pagtupad ng kanyang mga pangarap.
Gamit ang kanyang innate na charisma, tila na-magnet ni Jiji ang online gaming world sa kanyang page.
Kasabay nito ay pinatunayan niyang kaya niyang makipagsabayan sa mga lalaking bihasa sa paglalaro ng ML.
Aniya sa isang interview, “Hindi lang mga lalaki ang kaya maging pro [professional]. Hindi lang mga lalaki ang malalakas maglaro.
“Yun po yung parang gusto kong iparating.”
Isa sa mga lalaking hangang-hanga sa kakayahan ni Jiji ay ang kanyang ama na nagsilbing mentor niya.
MENTOR NA DADDY VS STRICT NA MOMMY
Bata pa lamang ay mahilig na sa computer games si Jiji.
“Nung bata po talaga ako, mahilig talaga ako sa laro. Ang dami ko pong laro na inaalam, ganun.
“Siguro five years old, six, ang nilalaro ko po is Crossfire, yung PC game po.”
Ang daddy ni Jiji na si Jonjon ang kanyang kalaban at "kasangga" sa paglalaro ng online games.
Katunayan, ito ang kanyang mentor sa pag-aaral ng mga "da moves" sa ML.
Taong 2018, nagsimulang magpaturo si Jiji ng paraan ng pag-atake sa laro, sa kabila ng pagtutol ng kanyang inang si Nikha.
Kuwento ng ina, “Sa totoo lang po, nung una talaga, against po ako sa laro kasi nga po may school.
“Pero lately, na-realize ko na gusto po talaga ni Jiji na yun pong laro niyang yun, yun pala din yung makakapagtupad po ng mga ibang pangarap niya.”
Noong bata pa si Jiji, dinadala ito ng kanyang ina sa mga auditions para sa mga commercials at shows dahil nakita niyang mataas ang pangarap nito.
“Lahat ng bahay na tinitingnan namin sa madadaanan namin [sinasabi niya na] ‘Mama, gusto ko iyan. Mama, gusto ko iyan.’”
Sa tulong ng ML, ang pangarap na bahay lamang noon ay naisakatuparan na ngayon.
At malaki ang pasasalamat ng mag-asawang Jonjon at Nikha na hindi naman pinababayaan ng kanilang anak ang pag-aaral sa kabila ng patuloy na paglalaro.
Ani Jiji, “Ginagawa ko lang po, stream sa umaga. 'Tapos, tulog, pahinga. Siyempre po, 'tapos after po nun, aral na.”
Samantala, ang mga gaming creators ay may pagkakataong kumita dahil sa Facebook feature na Facebook Stars.
Sa feature na ito, ang followers ng isang streamer ay maaaring magpadala ng Star sa comments section during the livestream.
Ang bawat Star ay katumbas ng $0.01. Ibig sabihin kung maraming followers ang isang streamer, mas malaki ang tsansa nitong kumita nang malaki.