Makabagbag-damdamin ang reunion ni John Michael Muaña, 31, at ng kanyang inang si Leony Palangao.
Ito kasi ang muli nilang pagkikita matapos ang 29 years.
Two years old pa lamang si Michael at wala pang muwang nang mawalay sa kanyang ina.
Noong September 17, 2022, natupad ang pangarap ng nangungulilang anak.
Sambit ni Michael, “Priceless yung yakap niya.”
Kuwento pa niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), “Alam niyo, Sir, yung pagkukulang niya ng ilang years, sa isang yakap ng tunay mong nanay, napunan niya lahat na di kayang gawin ng ibang tao.
“Sobrang saya na alam ko po na buo na po ako… na yung matagal ko nang pinapangarap, yun na iyon.”
Na-interview ng PEP.ph si Michael noong September 22, 2022.
Ang video clip ng pagtatagpo nilang mag-ina ay ipinost ni Michael sa kanyang Facebook account noong September 19.

Screenshots mula sa viral video ng pagkikita ng mag-inang nawalay ng 29 years.
Bahagi ng kanyang FB post, “Wala akong hinihiling tuwing kaarawan ko kundi ang makita kayo ng kapatid ko at maramdaman ang yakap mo.”
Sa video, makikitang nakapiring si Leony, at inaalalayan ng anak niyang babae, na hindi rin nakita ni Michael ng 29 years.
Nung tinanggal ang piring ni Leony, nakita niya sa kanyang harapan si Michael na sanggol pa nang huli niyang makita.
Nagyakap nang mahigpit ang mag-ina at bumuhos ang mga luha.
PAGKIKITA NG INA, ANAK
Tanong ng PEP.ph, ano ang sinambit sa kanya ng ina?
“Ang sabi niya sa akin, ‘Patawarin mo ako, anak, sa mga pagkukulang ko.’
“Para sa akin naman po, e, kahit sa chat pa lang po, nagpaliwanag na siya.
“Okay na naman po sa akin. Wala po siya dapat ihingi ng tawad.”
Tila musika raw sa tenga ni Michael na tawagin siyang “anak” ng kanyang tunay na ina.
Ani Michael, sa tuwing nakakakita siya ng nakatatandang babae ay tinatawag niya itong “nanay,” para tawagin rin siyang “anak.”
Marahil naghahanap si Michael ng mother figure.
Pero walang katulad ang matawag na “anak” ng tunay na ina.
“Sa nanay iba ang feeling. Ang sarap sa pakiramdam,” sabi ni Michael.
“Yun ang pinapangarap ko. Pakasarap sa pakiramdam na mismong nanay ko, tinawag akong anak, at sinabi niyang mahal na mahal daw po niya ako.”

John Michael Muaño: “Ang sabi niya sa akin, ‘Patawarin mo ako, anak, sa mga pagkukulang ko.’"
Ano naman ang sagot ni Michael sa ina?
“Sabi ko po, ‘Mahal na mahal ko rin po kayo, Ma. Ang mahalaga nagkita na rin po tayo. Yung matagal na kulang sa akin, buo na po ako.’”
APAT NA ORAS, SAPAT NA ORAS
Noong September 17, kasama ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa kanya, bumiyahe sina Michael mula sa Tagaytay patungong Isabela ng 3:00 a.m. hanggang 3:00 p.m.
Pero pagkatapos lang ng apat na oras, umalis sila ng 7:00 p.m. ng gabi pabalik sa Tagaytay dahil may pasok pa ang mga kaibigang tumulong kay Michael.
Pero sapat na para kay Michael ang apat na oras na iyon para buuin ang kulang na bahagi ng kanyang pagkatao.
Sabi niya, “Kahit maikli ang apat na oras na iyon, napaka-espesyal.
“Isang malaking part po iyon ng buhay ko. Kahit saglit lang kami nagkita o nagkasama, yung nayakap at nakita ko po siya, napakalaking part po iyon sa buhay ko na nabuo.
“Kaya hindi ko po siya masasabi na apat na oras lang.”
BATANG PASLIT na nAWALAY SA INA
Paano siya nawalay sa ina at kapatid?
Naghiwalay raw kasi ang kanyang mga magulang noon, si Michael ay kinuha mula sa kanyang ina sa Isabela.
Dinala ang paslit na si Michael ng kanyang ama sa Alfonso, Cavite, at iniwan sa kanyang tiyahin o kapatid ng ama.
Umalis ang kanyang ama at nanatili sa Maynila para magtrabaho bilang security guard.
Si Michael ay kinupkop na ng kanyang tiyahin at ng pamilya nito.
Pagbabalik-tanaw niya, “No choice na po sila na kupkupin ako. Pinalaki naman po ako nang maayos at hindi ako itinuring na iba.”
Sa tuwing kaarawan raw niya ay umiiyak siya dahil hangad na makapiling ang kanyang tunay na pamilya.
“Kada birthday ko po, parang tumatak po sa isip ko, umiiyak ako.”
Tinitiyak naman daw ng kanyang guardian na uuwian siya ng kanyang mga magulang sa kanyang birthday.
“Kaya iyon naging ano ko sa isip ko, pag birthday ko makikita ko sila hanggang sa lumaki ako, hindi naman [nangyari].”
Noong nasa high school raw siya ay nakasama niya sa Tondo ang kanyang ama, subalit hindi sila nagkasundo.
NATAGPUAN NG INA SA SOCIAL MEDIA
Noong nakaraang taon lamang nagsimula ang ugnayan ni Michael at ng kanyang ina via social media.
May Facebook account si Michael, pero hindi niya ginagamit ang tunay niyang pangalan.
Nang ma-hack ito noong nakaraang taon, gumawa siya ng panibagong Facebook account gamit ang totoong pangalan.
May nagpadala sa kanya ng mensahe at nagpakilalang kamag-anak ito ng kanyang ina.
“May nag-message sa akin, pamangkin po yata ng nanay ko o kamag-anak. Matagal na daw po nila akong hinahanap,” ani Michael.
Aminadong nagmatigas si Michael sa pagsagot sa nagpakilalang kamag-anak.
“Parang hindi naman masama ang loob, parang tampo na ako kasi ilang years…
“Ang tanong ko sa sarili ko, ‘Hinanap niya ba ako o ako lang naghahanap sa kanya?’ Wala man lang paramdam, ganon...”
Pero hindi raw niya natiis noong ang ina na niya ang nag-message sa kanya.
“Ang bilis ng tibok ng puso ko. Kahit anong tigas ko, hindi ko kaya kasi..." ani Michael.
“Matagal ko nang pangarap ito, palalagpasin ko pa po ba?”
Noong una ay binabasa lang niya ang lahat ng mensahe ng ina, at hindi siya sumasagot.
“Naipaliwanag naman po niya lahat-lahat ng nangyari. Hindi niya rin po gusto mawalay ako sa kanya.”
Humingi ng tawad ang kanyang ina. Tinanggap ito ni Michael, at nagtuloy-tuloy na ang komunikasyon niya.
HULOG NG LANGIT
Nang mag-birthday si Michael noong August 30, 2022, hindi na naman niya nakita ang mga magulang.
Aminado si Michael na hirap siya sa buhay. May asawa’t anak na siya.
Nagtatrabaho siya bilang freelance photographer.
Nag-post siya noon na sana ay mabigyan ng pagkakataong makita na ang ina.

Ilang linggo makalipas ng kanyang kaarawan, nagkita sila ng kanyang dating manager sa fast-food resto.
Ito raw ang naging daan ng Diyos para matupad ang kahilingan ni Michael.
Nag-alok ang kanyang dating manager na pumunta sila sa Isabela at sagot nito ang lahat ng gastos at sasakyan.
“Parang nagtayuan lahat ng balahibo ko, ‘Totoo ba ito?’ Akala ko naman po nagbibiro lang. Nag-set po siya kasama ang mga kaibigan [namin]," ani Michael.
Kinabukasan, September 17 ng madaling araw, tumulak sila mula Tagaytay papuntang Isabela.
Doon na nga natupad ang matagal nang hiling ni Michael: ang makapiling muli ang ina at kapatid.
Hindi pa alam ni Michael kung kailan muling makakasama ang ina.
Pero hangad niyang maka-bonding ang ina at maipakilala ang kanyang mag-ina.
MENSAHE PARA SA MGA NAWALAY SA MAHAL SA BUHAY
Aminado si Michael na hindi pa rin naaayos ang gusot sa pagitan niya at ng kanyang ama.
Pero aniya, “hindi pa rin nawawala yung respeto ko sa kanya. Nasa puso ko na tatay ko pa rin po siya.”
May mensahe si Michael sa mga kagaya niyang nawalay sa mga magulang.
“Wag po silang magkimkim [ng galit]. Madalas nating marinig sa iba kahit anong gawin mo, baligtarin mo man ang mundo, sila pa rin mga magulang mo.
“Pero bukod pa po doon, dapat nasa isip nila ano man po yung mali, ano man po yung nangyari, kung nasaan sila ngayon, wala po sila kung hindi dahil sa kanilang mga magulang. Na dapat masaya sila…
“Kung hindi man po ang mga magulang natin ang nag-aruga, wag nating kalimutan na sila yung nagdala sa atin, sila yung dahilan kung bakit tayo nandito sa mundo, sila po ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay.
“Kung Diyos nagpapatawad, tayo pa kaya.”
