Naging biktima man ng Zamboanga siege noon, ipinagpatuloy pa rin ni Christian Ralf I. Teves, 26, ang kanyang pag-aaral sa Zamboanga.
Mula sa Cotabato Province, isa si Raffy (palayaw niya) sa mga pumasa sa October 2022 Fisheries Technologist Board Exam.
Nagtapos siya sa kursong Bachelor of Science in Fisheries sa Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology noong 2017.
Kuwento ni Raffy sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 13, 2022, via Facebook Messenger, “I took up BS Fisheries because I was granted a full academic scholarship ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources [BFAR] Region Xll."

Aniya, Top 10 siya sa mga pumasa sa nasabing scholarship.
“I was the first-ever Fisheries scholar from Notre Dame of Makilala, Inc., who was sent to Zamboanga City.”
Noong mga panahong iyon, may kaakibat na panganib ang desisyon niyang magkolehiyo sa nasabing lugar.
“Way back September 2013, isa ako sa mga biktima ng Zamboanga siege.”
Nagkaroon aniya ng bakbakan sa pagitan ng Moro National Liberation Front at ng Philippine Army.
“I was trapped in the compound where the fighting started. Marami kaming na-trap at hindi makalabas para makatakas.”
Akala niya ay katapusan na niya noon.
“May mga balang tumatama sa bintana at sa bubong. Takot na takot ako, tinatawagan ko ang Mama ko. Buti na lang at awa ng Diyos, nakaligtas kami.”
Nang matapos ang siege, sinabihan siya ng kanyang pamilya na huwag nang bumalik sa Zamboanga "for safety reasons."
Pagbabahagi ni Raffy, “Pero ipinagpatuloy ko [ang] aking pag-aaral. Delayed minsan ang aming allowance from scholarship, kaya nagsa-sideline ako [bilang] make-up artist minsan para magkapera.”
Isa kasing beautician ang kanyang ina kaya natuto siyang mag-makeup.
Si Raffy ang panganay sa apat na magkakapatid.
HINDI MAKAPASA SA CIVIL SERVICE EXAM, FAILED KAHIT SA QUALIFYING EXAM SA REVIEW CENTER
Dahil sa kanyang sigasig, natapos ni Raffy ang kanyang kurso.
Saka naman dumating ang iba pang challenges sa buhay niya.
Bagaman at naging kawani ng kanilang local government unit, hindi siya makapasa-pasa sa civil service examination.
Nagkaroon tuloy siya ng pangamba na kumuha ng Fisheries Technology Licensure Examination.
Kaya sa loob kasi ng limang taon matapos maka-graduate, ipinagpaliban niya nang ipinagpaliban ang pagkuha ng board exam.

Pagdedetalye ni Raffy, “Three times na akong nag-take ng civil service exam, but still I failed.
“Ngayong 2022, sabi ko sa sarili ko, 'This year mag-e-exam ulit ako ng civil service, at board exam for Fisheries.'”
Nang magpa-file na siya para sa board exam, nagkaroon siya ng pag-aalinlangan.
“Hindi kasi ako nakapasok sa isang review center dahil failed ako sa kanilang qualifying exam para makapag-enroll.”
Sa kabila ng frustration, nanaig ang desisyon niyang kumuha ng board exam at mag-self review na lang.
INATAKE NG MATINDING DEPRESYON, KINAPOS SA BUDGET
Pero hindi pa rin tinitigilan si Raffy ng mga pagsubok.
“Last August, I was depressed due to work and ‘social issues’ after ng Linggo ng Kabataan.”
Matindi aniya ang atake sa kanya ng depresyon, pero pinilit niyang mapaglabanan.
“Pagkatapos kong ma-depress nang todo ay filing month na for board exam. Busy na yun sa work ko for Sinabbadan Festival naman since nasa mayor’s office ako.”
Two days bago matapos ang filing schedule ay nagawa niyang makapagpalista. Tinulungan siya ng kanyang tita sa pagbabayad ng filing fee.
“Binigyan din ako ng PHP500 ng pinsan ko. Pang-tarpulin ko raw in advance.”
One month before the board exam, naging abala si Raffy sa trabaho.
“Yung ipina-print ko na reviewer di ko talaga nabasa at nabuklat kasi busy sa preparation sa Sinabbadan. Pressured pa ako sa work place at sa mga toxic na tao sa opisina, kaya yung attention ko ay hating-hati talaga.”
One day bago ang exam, kinapos naman siya sa budget.
“Wala akong perang pamasahe papuntang Davao kasi doon ang exam, even pangkain at pambayad sa inn.”
Isang pinsan niya ang nagpahiram sa kanya ng pera.
“Sina Mama at Daddy naman, nagbigay din at yun ang ibinili ko ng red briefs at mga red na gamit na gagamitin ko sa exam bilang lucky charms.”
INABOT NG GUTOM SA BOARD EXAM
Araw ng exam, walang baon na pagkain si Raffy. Nasa examination room na siya nang sabihing bawal nang lumabas.
Nai-order naman siya ng girlfriend ng brother niya, at iniwan sa guard ang pagkain.
Kaso, “Hindi inihatid ng guard sa room ko kaya di pa rin ako nakapag-lunch.”
Kaya gutom ang inabot niya maghapon.
Interestingly, ani Raffy ay hindi siya nahirapan sa exam. “Naniniwala talaga ako sa divine intelligence at sa power ng Holy Spirit.
“After ng exam, nasabi ko talaga ko sa sarili ko na, ‘Hindi malayong mag-topnotcher ako,' dahil di ako nahirapan at pinadali sa akin ng Diyos ang lahat kahit wala akong review at five years na akong naka-graduate.”

Hindi siya naging topnotcher—pero pasado.
Inialay niya ang tagumpay sa kanyang patron saints at sa kanyang pamilya.
PLANONG MAG-APPLY SA LOCAL AGRICULTURE DEPARTMENT
Dahil naipasa niya ang exam para makakuha ng professional license, hindi na niya kailangan ang civil service exam para maging regular employee sa government work.
Mapapractice na rin niya ang kursong kanyang tinapos.
Sa ngayon ay employed pa rin si Raffy sa munisipyo ng Makilala.
“Since wala pang fisheries professional sa Agriculture Department dito, plano kong mag-apply sa posisyon.
“If iga-grant sa akin, iga-grab ko for my future career.”
Payo niya sa mga nais maging licensed professional, “If you are not sure about taking the board exam because of some issues, then surrender it to God.
“He will make it possible for you. Prayer plus faith equals success.”