Pinatunayan ni Keziah Kyleen Galit Gonzales na pinakamalaking puhunan ang determinasyon sa pagtatagumpay.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Nursing sa Emilio Aguinaldo College (EAC) ngayong taon.
Top 1 siya sa May 2022 Philippine Nurse Licensure Examination, kung saan nakakuha si Keziah ng rating na 90 percent.
Sa panayam sa kanya ng GMA News sa programang 24 Oras, nagkuwento siya tungkol sa mga naging struggles niya makatapos lang ng kolehiyo.
Aniya, “Iginapang din po talaga namin yung tuition fee.
“Noong time na yun, na hindi na po talaga kinaya, noon na po ako nag-approach kay President ng EAC po kung pupuwede akong magkaroon ng scholarship.”
Ito aniya ang naisip niyang paraan para lang huwag huminto.
“Bale magwo-work po ako sa kanila for three years, kapalit po nung scholarship.”
Bukod dito, naghanap pa siya ng ibang trabaho para may pandagdag sa kanyang gastusin.
Kinailangan niyang ibalanse ang kanyang oras sa trabaho at pag-aaral.
“Sobrang dami pong kailangang i-fit sa schedule, and then aralin.”
Pero hindi siya sumuko kahit nahihirapan na.
“Siguro po, ano lang, yung determination na makatapos kasi gustung-gusto ko talagang maging nurse po talaga.”
At sa kabila ng kanyang naging achievement sa board exam, low profile lang si Keziah.
Aniya, “Hindi ko po masabi na special ako sa part na yun dahil lang Top 1 ako.
“Isang exam lang po iyon over sa sobrang daming experiences na dapat ma-acquire ng mga nurses and students.”
July 1, noong araw na lumabas ang resulta, nag-post sa Facebook ang kanyang amang si Owen ng throwback photo nila.
Nilagyan ito ng kanyang ama ng caption na: “Proud Papa.
“Top 1 ang anak ko sa nursing board exam 2022.”
Ayon pa kay Owen ay nakapagpatapos na silang mag-asawa ng isang anak at may dalawa pa. Panganay si Keziah sa tatlong magkakapatid.
Ang post naman ng nanay ni Keziah na si Abba: “Paano ko ba sisimulan ito?
“Hiningi ko lang sa Panginoong Diyos na makapasa ang anak ko, pero yung gawin pa Niyang Top 1, nakakataas ng balahibo.
“Sobra ka, Lord!”
Nabanggit din ni Abba na maraming nagme-message sa kanya na kukuha ng board exam na gustong magpatasa ng lapis kay Keziah bilang pampabuwenas.
Aniya ay okey lang naman daw sa kanyang anak.
Pero ibinahagi rin niya sa mga ito ang naging diskarte ni Keziah sa pagre-review.
Ani Abba, “Memorization is best, but familiarization ang teknik ni tapwan [top 1] Kzia.”
Sobrang focused din aniya ni Keziah at napakasipag mag-review.
“Hindi mo siya makitaan ng patung-patong na libro sa harapan niya at mga manila papers sa dingding para mag-memorize.
“Walang ganun... tablet lang niya ang lagi niyang kaharap.”
Sa ngayon ay nagtatrabaho si Keziah sa isang public hospital.
Ang panawagan niya sa pamahalaan, “Nasa pandemya pa rin po tayo...
“Hindi man kasinglala nung dati, yung mga nurses and healthcare professionals pa rin po sana ang bigyan natin ng—I mean, yung healthcare system po ang bigyan natin ng importansya.”