Si Jarel Barcelona Tadio, 25, ay naging viral noong 2018 dahil sa kanyang life story.
Siya ang kasambahay na nagtapos bilang magna cum laude sa college.
Naitampok pa nga ang kanyang kuwento sa Maalaala Mo Kaya kung saan si Zaijian Jaranilla ang gumanap.
Read: "Proud kasambahay" graduates magna cum laude
Makalipas ang ilang taon, patuloy na naghahatid ng inspirasyon si Jarel.
Sa tuwi-tuwina ay inire-repost niya ang kanyang nag-viral na kuwento sa pag-asang makapaghatid ito ang inspirasyon sa sinumang nawawalan ng pag-asa na abutin ang kanilang mga pangarap.
Post ni Jarel noong October 19, 2022: “Just in case you feel unmotivated, unhopeful and feeling down today.
“No matter what you are going through, know that god is giving this challenges to you thus preparing you to a greater and broader opportunity.”
Dahil walang kapasidad ang kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa kolehiyo noon, nagdesisyong maging working student si Jarel.
Post niya noon, "Namasukan ako bilang maid. Oo, katulong po, yaya. Kasambahay.”
Dahil sa kanyang success story, napagtanto raw ni Jarel, “... there are still things to be grateful for and there are still things to look forward no matter what your circumstance in life.”
Pero kamusta na nga ba si Jarel ngayon? Ano ang mga naging pagbabago sa kanyang buhay?
Sa pamamagitan ng direct messaging, nagbahagi si Jarel sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ng update ukol sa kanya.
Isa na siyang project development officer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa National Capital Region.
Malaki na rin ang ipinagbago ng kanilang buhay na noon ay isang kahig, isang tuka.
Sabi ng dating kasambahay, “May mga nagbago. Natutulungan nang maayos ang mga magulang.
"Nakakapag-provide ng kanilang pangangailangan. Unti unti, nasisimulang tuparin ang mga pangarap sa buhay.
“Mas constant yung tulong na nabibigay ko sa mga magulang. Mas nabibigay ko yung pangangailangan nila araw-araw.
“Mas nadadala ko sila sa hospital para mapa-check ang kanilang karamdaman."
INSPIRATION TO OTHERS
Kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, masasabi ni Jarel na mahirap ang kanyang mga pinagdaanan noon.
"Laking putik ako. Laking dumi kami. Nakikisaka lang kami,” aniya sa isang post noon.
Nakikisaka sila noon para mayroon silang pangkain.
Sa murang edad, tinanggap na ni Jarel na hindi na siya makakatuntong sa kolehiyo.
Sabi niya noon: "Alam niyo yung punung-puno ka ng pangarap at pag-asa pero ikaw mismo, alam mo yung katotohanang hanggang high school ka na lang.”
Pero imbes panghinaan ng loob, nagpakatatag at nagsumikap si Jarel, kahit na ang ibig pang sabihin nito ay mamasukan siya bilang kasambahay gaya ng kanyang ina.
Dahil sa pagiging "maid," nasuportahan ni Jarel ang kanyang edukasyon.
Nairaos iyon ni Jarel with flying colors.
Noong 2018, nagtapos siya bilang magna cum laude with a bachelor's degree in hospitality industry management sa Cagayan State University.
Ani Jarel sa PEP.ph, “Tingin ko, napakahirap ng mga pinagdaanan ko noon sa buhay.
“Ngayon, marami pa ring challenges na di ko akalaing mapagdadaanan ko pa.
“Ngunit ganun pa man, dahil sa mga karanasan ko sa buhay, alam kong lahat, makakayanan at walang problemang hindi mahahanapan ng kasagutan.”
Tanging pasasalamat lang ang nasa puso niya na nagsisilbi siyang inspirasyon sa iba.
“Masaya at maligaya ang pakiramdam na sa humble story ng buhay ko, di ko akalain na magiging inspirasyon ako sa buhay ng iba. Naging inspirasyon para magsikap at mangarap.”
Dagdag ni Jarel, “Faith and determination are the secret to whatever is your goal in life.
“Being humble and knowing how to give back.”
Paalala niya: “Let us continue making our parents the proudest. It's not the easiest but its probably the best.”
Ito naman ang motto niya sa buhay: “Mapapagod pero hinding-hindi susuko. Masusugatan pero hinding-hindi aayaw. Mabibigo pero hinding-hindi bibitaw.”
Sa ngayon, si Jarel ay nagpapatuloy ng kanyang Masters in Education Program in Educational Technology and Communications, via online, sa Rajamangala University of Technology Thanyaburi sa Thailand.