Topnotcher si Jean Margaret Gelladuga Badong, 22, ng Carles, Iloilo, sa October 2022 Licensure Examination for Fisheries Professionals.
Nakakuha siya ng rating na 86.25 percent.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Fisheries sa Iloilo State College of Fisheries (ISCOF) Main Tiwi Campus, noong August 17, 2022.
Cum laude si Jean sa kanyang kurso.

Nakakuwentuhan si Jean ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 19 via Facebook Messenger
Nursing daw talaga or engineering ang gusto niyang kurso kaya lang, “Sabi ng Mama ko, mahihirapan sila ni Papa sa pagpapaaral sa akin pag either dun sa mga choices ko yung kinuha ko sa college.”
Hindi kasi kalakihan ang income ng parents niya.
“Second ako sa apat na magkakapatid. Yung mother ko ay naglalako ng fish lumpia at iba pang frozen food products na homemade.
“Yung father ko, nagtatrabaho sa bakery owned by a cooperative na mina-manage ng tita ko.”
Nalaman ng tita niya na nag-o-offer ng scholarship ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ani Jean, “Pinilit nila akong kumuha ng exam. I took the exam para lang talaga matigil na yung pangungulit nila sa akin.”
Hindi niya inaasahan ang sumunod na nangyari.
“Then, my God, nang lumabas yung result, nag-Top 1 ako sa buong Region 6! Iyak talaga ako kasi bakit ako nag-Top 1, e, ayaw ko nung fisheries?”
CHALLENGING NA BUHAY-KOLEHIYO
Itinuloy ni Jean ang pag-e-enroll sa pinasahang scholarship.
“Para mabawas-bawasan din yung gastos ng parents ko since full scholarship yung offer ng BFAR.”
Sabi pa ni Jean, kahit full scholar siya ay madalas pa rin siyang kinakapos sa gastusin sa school.
“Kasi minsan delayed yung allowance namin from BFAR kasi delayed din ang pag-process namin ng school documents.
“Sa first two years, sobrang hirap gumawa ng reports sa school kasi wala akong sariling laptop.
"Kailangan ko pang manghiram sa classmate ko para makagawa ng schoolworks.”
Nahirapan din siya nang magkapandemya at naging online ang classes.
“Feel ko na mas marami akong naa-absorb na details during physical lectures ng professors namin.
“Nahirapan ako sa online classes lalo na yung mga modular. Sobrang hirap mag-focus kasi nga pag nasa bahay ka, ang daming distractions.”
Isang trahedya rin ang nangyari sa kanilang pamilya.
“April 20, 2021, naaksidente yung papa ko. Habang inaayos niya yung multicab ng tito ko, nag-apoy at inabot siya.
“Sobrang grabe ang mga paso niya, ang we thought we would lose him.”
WALA MAN LANG PAMBILI NG SARDINAS
Naka-survive ang kanyang ama sa aksidente. Pero lumaki ang worry nila dahil sa nangyari.
“After ng aksidente, halos wala kaming income kasi instead na maglako yung mama ko, most of the time, andito siya sa bahay dahil kailangang alagaan ng papa ko.
“Natatandaan ko, kahit bumili ng mga sitsirya or anything na gusto naming kainin ng mga kapatid ko, hindi talaga kaya.
“Pag bibili kami ng sardinas na pang-ulam, lahat ng bag at wallet namin hinahanapan namin ng barya, kasi kulang yung pera ni Mama sa wallet niya.”
Para kahit paano ay kumita, nag-extra sila ng isang kapatid sa bakery ng tita niya.
May mga kamag-anak din sila na tumulong sa kanilang mga gastusin.
NAPAKAHIRAP NG BOARD EXAM
Naging problema naman ni Jean sa pagkuha ng board exam ang pagkukumpleto ng mga requirements.
“Hindi kasi madali ang mag-process ng documents sa school. Ang hirap nung parang hinahabol ka ng oras lalo na dahil August na yung graduation namin.
“Buti na lang talaga naihabol din sa deadline ng PRC."
Aminado si Jean na nahirapan siya sa exam, “Grabe! Parang sasabunutan mo yung sarili mo dahil parang 10 percent lang sa exam yung na-cover ng review mo!
“Paglabas ko ng examination room, ipinagpasa-Diyos ko na lang talaga yung result.”
Nangarap naman siya na maging topnotcher.
“Before the exam, I was praying na, ‘Lord, baka naman kakayanin at makapasok sa Top 10.’
“Pero nung nag-exam na, sa hirap ng exam, naiba yung prayers ko! Naging, ‘Lord, basta makapasa, yun talaga yung importante.’”
Natatawa pa niyang sambit, “Looking back, it was funny kasi confident ako before exam.
"Then nung nag-start na ako sa pag-answer, gusto ko na lang maging isda sa dagat!”
HINDI INAKALANG TOPNOTCHER
Nasa bakery raw si Jean nang lumabas ang result ng board exam, “I wasn’t holding my phone the whole day kasi kinakabahan ako.
"Ipinahiram ko sa mga pamangkin ko para naman umupo lang sila at maglaro.”
Bigla aniyang tumawag ang kanyang Tita Grace, at nang sagutin niya, sumigaw ito ng: “Jean! Nakita mo? Nag-send Si Manang mo Era ng screenshot! Lantawa [Tignan mo!].”
Pagbukas ni Jean ng Messenger, “May screenshot nga na pangalan ko talaga yung nauna!”
Ayaw muna niyang maniwala hangga’t hindi niya nakikita sa site mismo ng PRC.
Nagtanong uli ang tita niya: “So, Top 1 ka nga?”
Sagot niya, “Di ko alam, Tita…”
Pero nag-iyakan na ang iba pa niyang tita na kasama niya sa bakery.
Nakumpirma niyang totoo na topnotcher nang mismong ang former dean nila ang tumawag sa kanya para ibalita.
Anito sa kanya: “You saw the result? I told you; you’d ace the exam! I knew it!”
Ani Jean, “Pinigilan ko talaga ang pag-iyak ko kasi nahihiya akong umiyak.
“After ng call, dun pa lang medyo nag-sink in. Napatalun-talon talaga ako!
“Sobrang overwhelmed kasi grabe pala talaga yung tiwala ng faculty ng college namin sa akin. Na even though I wasn’t expecting, yun talaga yung hinihintay nila.”
Agad silang umuwi ng papa niya sa bahay.
“Yung mama ko, umiyak. Sabi niya, ‘Ang galing naman, anak. Sobrang thank you talaga kay Lord.’”
“MAMA, PAPA, KONTI NA LANG. AKO NAMAN…”
Inialay ni Jean ang tagumpay una kay Lord, sa kanyang parents, mga kapatid, mga tita at tito, lahat ng naging professors niya, sa BFAR VI, sa mga nag-provide sa kanya ng free reviewers at free lectures, faculty ng kanilang school, at college friends.

Pangako niya sa kanyang parents, “Mama, Papa, konti na lang. Ako naman…”
Pinagiisipan pa raw ni Jean ang mga natatanggap niyang job offers ngayon.
“I haven’t made up my mind since I have to consult a lot of people pa.
“I must talk to sa mga teachers and seniors namin kung ano ang advice nila.”
Payo niya sa mga kabataang nais makatapos ng kolehiyo kahit mula sa pamilyang mahirap, “Surround yourself with good people who will inspire you to do better, na mag-e-encourage sa iyo to grow.
“Yung mga napag-aralan mo, puwede mong i-share sa iba, pero never makukuha sa iyo.”
Aniya, maging matulungin sa mga kaklaseng hirap mag-catch up ng lessons.
“Kasi hindi mo ikaaangat pag pinu-push mo yung iba pailalim, or hinahayaan mo sila na hanggang diyan lang sila. Mas masayang mag-succeed nang may kasama.”
At kung hindi man fisheries ang pangarap niyang kurso, ani Jean, “Looking back, I was so glad I took the chance.
“Sobrang laki ng naitulong ng BFAR sa aming mga scholars nila.”