Matapos ang 11 years ng pagtatrabaho bilang construction worker, hindi inakala ni Butch Warren Hojas na makakatapos siya ng kolehiyo at magiging board topnotcher pa.
Top 8 si Butch sa October 2022 Certified Public Accountant Licensure Examination.
May rating siya na 87.50 percent.
Nagtapos ngayong taon si Butch ng kursong Bachelor of Science in Accountancy sa University of the Visayas-Cebu City bilang cum laude.

Sa artikulo ng isang review center na nalathala noong October 26, 2022, ibinahagi ni Butch ang kanyang naging journey tungo sa tagumpay.
“I am 32 years old already. Noong una, akala ko hindi na talaga ako makakapag-college. Nasa construction ako for seven years, kasama na ang four years abroad.”
Nagkaroon din umano siya ng mga agam-agam sa kanyang pagbabalik sa pag-aaral.
“I was out-of-school for 11 years already. Baka kinakalawang na yung utak ko.
“Baka hindi ko kayang sumabay sa mga K-12 graduates.”
Pero dahil pamilyado na siya at may isang anak, “Nagpasya ako na pagandahin yung buhay ko pati na sa pamilya ko, kaya itinuloy ko yung pag-e-enroll sa kolehiyo.”
Ani Butch ay talagang nagsikap siya at nag-aral nang mabuti.
“Literal na simula first day noong first year hanggang sa huling araw bago yung board exam ay talagang consistent ako sa pag-aaral.
“Kahit holiday, birthday ko man o walang pasok. Pinangarap ko talagang maging CPA kung kaya yung pagsisikap ko ay ganun na lang.”
Gaya ng ibang college students, hindi nawalan ng problema si Butch.
“Yung sitwasyon namin financially, pahirap nang pahirap mula noong nagka-pandemic.”
Inakala rin niyang mapapahinto siya sa pag-aaral nang manganak ang kanyang misis noong kanyang huling taon sa college.
“Kasi may aalagaan na akong anak. At yung asawa ko, nagtatrabaho. Magiging hati yung atensiyon ko sa pag-aaral at pag-aalaga sa aming anak.
“Kahit nung ga-graduate na ako, nagdalawang-isip pa ako na mag-take na ng board exam.”
Pero hindi niya isinuko ang pangarap dahil ramdam niyang malapit na niya itong maabot.
Nang maka-graduate at naghahanda na isya para sa board exam, pinakiusapan ng kanyang misis ang kanyang mother-in-law na mag-alaga muna sa kanilang baby para makapag-concentrate si Butch sa review.
“Dahil sa pagkakataon na ibinigay sa akin ng asawa ko na makapag-focus sa paghahanda para sa board exam ay sinigurado ko na magiging kontento ako sa preparasyon ko para sa board exam.”

Ang lahat ng kanyang inaasam ay natupad nang lumabas na ang resulta ng pagsusulit.
Hindi naman estranghero sa tagumpay si Butch.
Noong May 29, 2021 na third year college pa lang siya ay nagwagi siya sa virtual Search for the Outstanding Accounting Students of the Philippines (SOASP).
Tinalo niya ang 437 students mula sa 93 universities and colleges. Tumanggap siya noon ng plaque of recognition at PHP50,000 bilang premyo.