Si Nestor Abayon Jr., 25, ng Occidental Mindoro ay unti-unti nang nakikilala bilang isang hyperrealism artist.
Kahit ang celebrities tulad nina Julius Babao, Chinkee Tan, at Jinkee Pacquiao ay nabilib sa kanyang talento sa pagpinta.
Popular ngayon ang genre na hyperrealism art, kung saan mukhang buhay na buhay ang obra na akala mo ay kinunang larawan o photorealism.


UNANG CELEBRITY CLIENT
Isang taon pa lang simula nang pumutok ang pangalan ni Nestor sa social media dahil sa likha niyang portrait ng kanyang ama.
Na-interview ni Julius Babao si Nestor noong nakaraang taon at pagkatapos ay bumili ang broadcaster ng obra nito.
Ani Nestor sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong November 2022, "Parang nakikitaan niya ako ng potensiyal na balang araw magiging [kilala], parang nakikita niya, kaya binili niya po.”
Bumili rin sa kanya ng obra ngayong taon ang kilalang celebrity businessman na si Chinkee Tan.


NAPABILIB KAHIT SI JINKEE PACQUIAO
Noong natapos ang Oktubre, ibinahagi ni Nestor sa Facebook ang video kung saan pinapanood ni Jinkee Pacquiao sa phone ang isang Instagram post ni Nestor.
Ang post na ito ay timelapse ng pagpinta ni Nestor ng hyperrealism painting ni Senator Manny Pacquiao, mister ni Jinkee.
Mismong personal assistant ni Jinkee ang nagpadala ng video kay Nestor.
Sabi ni Nestor, “Gumawa kasi ako ng painting ni Senator Manny. E, hindi niya [Jinkee] napansin last year kasi hindi pa masyadong kalat yung name ko.
“Ngayon lang po ata nakita nila ng family nila.”

Naipadala ang video ni Jinkee kay Nestor noong unang linggo ng November.
Ibinahagi ni Nestor na nakipag-ugnayan sa kanya ang PA ni Jinkee.
Caption ni Nestor sa video ni Jinkee: "Than[k] you for watching maam Jinkee Pacquiao! See you soon"
Read:
- Jarren Dahan, “buhay na buhay” ang paintings; hangad niya ay “maka-graduate”
- Paintings ng dating delivery boy na walang formal art training, kamangha-mangha!

WALANG FORMAL TRAINING
Si Nestor ay graduate ng Marine Engineering mula sa Philippine Maritime Institute sa Quezon City noong 2017.
Full-time artist siya ngayon.
Nangingiti niyang kuwento, “Yung course ko po kasi talaga na Marine Engineering, sabay sa uso.”
Nakita raw kasi niyang umasenso ang mga kamag-anak na mga seaman.
“Ako parang di ako happy doon. Parang hindi ako boto na yun ang pinili kong kurso,” pag-amin ni Nestor.
Gayunpaman, bata pa lamang ay pagdu-drawing na ang kanyang interes.
“Nag-aaral pa lang po ako ng college, nagdu-drawing, nagpi-painting na po ako.”
Dumadalo at nanonood siya ng arts events sa mga malls.
“Pagka-pandemic doon ko nabigyan ng time yung sarili ko [sa arts].”
Pulido at makatotohanan ang hyperrealism works ni Nestor, bagamat wala siyang formal training.
Panonood sa YouTube at Google ang naging malaking bahagi ng kanyang training.
“Minsan nagtatanong ako sa mga magagaling na mga master, kaso hindi ako nirereplayan, siguro nakukulitan sa akin.
“Pero YouTube lang talaga, Google nagri-research ako ng style kung paano gawin ito. Nood lang. Self-taught lang po talaga.”
Ang kinokomisyon niyang trabaho noong una ay sketch ng portraits sa halagang PHP300.
“Nagdu-drawing... siguro kita ko sa isang buwan wala pang isang libo.”


VENTURE INTO HYPERREALISM ART
Ang unang obra ni Nestor ng hyperrealism ay noong 2021 at larawan ito ng ama.
“Yung sa father ko po painting na niregalo ko sa kanya sa birthday niya.
“Yun ang kauna-unahang painting ko na 3ft x 4ft. Ako din nagulat nung ginawa ko iyon.”
Nag-viral ang obra na ito ni Nestor at doon nga siya napansin ni Julius. Nais bilhin ng anchor ang gawang ito ni Nestor. Pero hindi pumayag si Nestor dahil may sentimental value ito sa kanya kaya gumawa siya ng katulad na painting at iyon ang ibinenta kay Julius sa halagang PHP45,000.
GUMINHAWA ANG BUHAY
Ibang-iba na rin ang buhay ngayon ni Nestor makalipas lang ang isang taon.
Kuwento niya, “Matagal ko nang pangarap yung makilala. Dati po talaga nagsisimula ako, sobrang daming bash.
“Sinasabihan akong, ‘Wala kang mapapala diyan sa pagdo-drawing mo, sa kaka-painting mo.’
“Hindi na lang ako nagsasalita. Sa gawa ko na lang pinapakita sa kanila na sinasabihan nila na walang patutunguhan, na mali yung sinasabi nila.”
Masaya rin si Nestor na verified na ang Facebook account.
At tambak na ang commissioned work ni Nestor.
Sambit niya, “Sobrang dami kasi yung mga ginagawa ko ngayon, last year pa pong clients ko. Parang natambakan ako ng mga projects."
Inuulan din ng offers si Nestor para sa galleries at solo exhibits.
Pero ang intensiyon ngayon ni Nestor ay mag-ipon muna.
Ibinahagi rin ni Nestor ang malaking pagbabago sa kanyang buhay simula nang mag-viral siya.
Dati raw ay hindi niya nabibili kung ano ang gusto niya.
“Ngayon kahit papano nagbibigay ako sa mga magulang ko, nakakapagpagawa na ako ng bahay ng mga magulang ko, nakakapagpa-aral ako ng mga kapatid ko.
“Yung mga gusto ko nabibili ko na. Nagka-motor ako, yung mga gamit sa bahay.
“Ngayon bumibili ka na ng mga bagay na mamahalin. Hindi ka na tumitingin sa presyo.”
PURSUING HIS PASSION
Ang pinakagusto ni Nestor sa mga nangyayari, kumikita siya habang ginagawa ang kanyang passion.
“Happy ako sa ginagawa ko. Malaking blessing na iyon para sa akin.
“Paggising mo ng umaga hindi ka na mai-stress kasi yung ginagawa mo happy ka, nag-e-enjoy ka.”
Libre ring nagtuturo si Nestor sa mga kabataan sa kanilang lugar na nais matuto ng painting.
Bukod sa pagtuturo, si Nestor na rin ang bumibili ng mga gamit ng kanyang mga estudyante.
“Dati kasi yung mga tinuturan ko, yung sa gamit po madali maubos. Pag naubos pahinga sila sa painting, wala nang magamit.
“Ngayon medyo nagkakalaman na ang bulsa, nabibigay ko. Gawa na lang sila nang gawa. Inaampon ko po sila dito sa studio ko.”
Wala raw balak si Nestor na magpabayad sa mga tinuturuan niya.
“Yun po yung ayaw kong baguhin sa sarili ko. Makilala man ako o hindi, hindi ako maniningil sa mga taong willing matutong magpainting, mag-drawing.”

Ibinahagi rin ni Nestor ang natutunan niya sa kanyang success story.
“Maraming judgmental. [Sasabihan ka], ‘Pa-drawing-drawing ka lang, pa-painting-painting ka lang.’
“Tamad ka na pag di nagtatrabaho, ‘Bakit di nagbabanat ng buto iyan? Pa-drawing-drawing lang.’”
Katwiran ni Nestor, “Ikaw kasi passion mo iyon, e. Happy ka sa ginagawa mo.”
Naniniwala si Nestor na hindi malayo ang mararating ng isang artist na ang habol lang ay ang kumita.
“Sa akin po, ha, pag dun tumitingin ang artist kung paano siya magkakapera sa art, parang hindi ka tatagal sa art, e.
“Mas maganda po talaga pag passion mo ang ginagawa mo kasi yung pera madali na lang iyan, e, pag nakilala ka.”
Sabi ni Nestor, dati ay tuluy-tuloy siya sa pagpi-painting kahit wala naman siyang kinikita.
“Yun pala, yun ang pinaka-training ko. Pagdating nung time na yung painting ko nag-viral na, yung pera lumapit na sa akin.
“Pinaka-lesson talaga habang nagpi-painting ka, yung passion mo ang isipin mo.
Paano mo ite-train yung sarili mo, paano ka magiging magaling.
“Darating yung time na yung pera ang lalapit pag magaling ka na, pag nahasa ka na, na-train ka sa passion mo.”
