Pakiramdam ni Nikka Tan Parulan ay nananaginip siya nang gising.
Sa lumabas kasi na resulta ng November 2022 Nursing Licensure Examination ay Top 3 si Nikka, at nakakuha ng rating na 89.60 percent.
Kaya ang post niya sa Facebook noong November 30, 2022, “Still lost for words. Pakikurot ako.”
Taga-Bulacan si Nikka, at produkto siya ng Dr. Yanga College of Health Sciences, kung saan nagtapos siya bilang cum laude ngayong taon.

Kung pagbabatayan ang kanyang achievements, parang napaka-smooth lang ng naging college life ni Nikka.
Pero hindi naging madali para sa kanya ang lahat.
Noong June 25, 2022, matapos ang kanilang graduation ay nag-post siya ng kanyang naging college journey bilang isang nursing student.
Paglalahad ni Nikka (published as is), “Matagal kong hinintay ang moment na ito, Ang makapag-long caption post sa graduation. Kaya pagbigyan niyo na ako.
“Parang kailan lang. The year was 2018. First year college. Sa totoo lang, sobrang takot na takot ako noon. Hindi ko alam kung anong buhay ba ang naghihintay sa akin sa college. Hindi ko rin alam kung tama ba itong pinasok ko.
“Sobrang laking leap of faith talaga ang pagpasok ko ng nursing. Naalala ko pa, sinabi ko na tatapusin ko lang yung first semester tapos ay lilipat na ako ng degree program.”
PUNO SIYA NG INSECURITIES
May pakiramdam umano si Nikka noon na sobrang imposible na magtagumpay siya sa napiling kurso at baka hindi ito para sa kanya.
Batid kasi niya ang lahat ng kanyang weaknesses and imperfections.
Paliwanag niya, “Socially anxious kasi talaga ako, tahimik, mahiyain, mababa ang confidence, lalo na kapag involved ang speaking.

“Weakness ko yun. One of my greatest insecurities. Kasi, having a cleft lip and palate, I grew up believing that being different is something to be ashamed of.”
Pagtatapat pa niya, “With all the trauma that I've earned because of it, I learned to hate myself.”
Naghahanap din siya noon ng validation and acceptance mula sa ibang tao.
“Naniwala ako na having a disability makes me inferior.”
Kaya malaki ang worry niya sa napiling career path noon.
“Tapos nag-nursing ako, siyempre it requires you to talk with people and to be somehow a little extroverted. And it's really hard!
“And daming anxiety at takot ang kailangan kong harapin. Kailangan kong humarap sa mga tao. Ang daming negative thoughts ang kailangan kong i-overcome everytime.”
NILABANAN ANG SARILING TAKOT
Si Nikka na rin ang gumawa ng paraan para malabanan ang insecurities.
“Paulit-ulit akong humihiling ng signs kay Lord, nanonood ng inspirational videos, at nakikinig ng mga words of wisdom.”
Hanggang sa dumating sa kanya ang isang realization.
“Na kahit anong motivational quotes at inspiring words ang mabasa o marinig mo mula sa iba, kung hindi yun manggagaling sa sarili mo, wala ring mangyayari.
“Kailangan pala, sa sarili mo unang magmumula yung pagtitiwala. Kung saan-saan pa ako naghahanap ng sign at sagot, ako lang din pala ang talagang makakapagsabi kung makakaya ko ba o hindi; kung posible ba o hindi.”
Tuluyang gumanda ang kanyang pagtingin sa sitwasyon. Nawala rin ang kanyang takot at napatunayan na kaya niyang tapusin ang nasimulan.
“With each step, I'm starting to reprogram all the negative beliefs na binuo ng utak ko.
“It was a series of learning and unlearning, healing, patience, and self-compassion. I realized that I must also give myself the same amount of love and kindness that I give to other people.”
MINAHAL ANG SARILI NANG BUO
Ani Nikka, maraming part ng sarili niya ang sinubukan niyang mahalin at tanggapin nang buo.
“Yun kasi yata yung pinakamahirap na part, ang acceptance. But despite all that, I know that I'm getting there.”
Nagresulta naman ang kanyang mga pagsisikap. Bukod sa pagkakamit ng Latin honors nang magtapos, recipient din siya ng Clinical Proficiency Award, Fidelity Award, at Special Citation for Outstanding Research Presentation.
Siya rin ang Best in Thesis at Best in Oral Presentation.

Pinasalamatan ni Nikka ang mga nakatulong sa kanyang maabot ang kinalalagyan ngayon.
“Sa pamilya ko, mga kaibigan, mga naging kaklase, teachers, at advisers, maraming salamat po.
“Sa BSN-4A, I really had the time of my life fighting dragons with you.
“To all my professors, clinical instructors, kay Dean, thank you so much po! Nakita at naramdaman ko po lahat ng efforts niyo for helping me grow and my heart in many subtle ways.”
Labis din ang pasasalamat niya sa Diyos na isang malaking bahagi kung bakit at paano niya narating ang tagumpay.
Ani Nikka, “Kulang ang salitang salamat. 'Siya' ang naging saksi at gabay sa lahat ng laban na kinailangan kong harapin.”
Payo naman niya sa ibang gaya niya noon na may pinagdaraanan din ngayon, “Always remember that we are so full of endless possibilities. Don't let anyone—including yourself—to tell you otherwise.
“At muli, tandaan na kailangang sa sarili mo unang magmumula yung pagtitiwala.”