Isang siglo at isang dekada ang edad!
Kinilala bilang pinakamatandang nabubuhay sa lalawigan ng Nueva Vizcaya si Lola Maria Manuel-Atibew noong October 2022.
Siya ay 109 anyos noon.
Si Lola Maria ay taga-Barangay Macabenga ng Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya.
Posible ring siya ang pinakamatandang nabubuhay sa Cagayan Valley o Region II, ayon sa Philstar.com report noong Oktubre 2022.
At noon lamang December 27, 2022, ipinagdiwang ni Lola Maria ang kanyang ika-110 kaarawan. Isinilang siya noong December 27, 1912.
At bago mag-Bagong Taon, binisita si Lola Maria ni Dupax del Norte Mayor Timothy Joseph Cayton.
Inabutan ang centenarian ng mga regalo at pamasko tulad ng prutas, bigas, at cash gift mula sa local government.
Si Lola Maria ay may walong anak at tatlo sa kanila ay pumanaw na.
Pumanaw na rin ang asawa ng matanda na umabot din ng 100 anyos.
Si Lola Maria ay mayroong 25 apo at 27 apo sa tuhod.
Ang sabi ni Lino, 55, isa sa mga anak ni Lola Maria, malakas pa ang centenarian at namumukhaan pa ang mga apo nito kapag lumalapit sa kanya kahit wala siyang salamin.
Ganado rin daw kumain si Lola Maria at mahilig sa karne.
NUEVA VIZCAYA’S OLDEST CENTENARIAN still strong, loves meat
Samantala, una nang inabutan si Lola Maria ng PHP100,000 cash gift noong 2019 o bago pa man tumama ang pandemya.
Muling binisita si Lola Maria ng alkalde noong October 2022 para kamustahin at malaman ang kalagayan nito matapos ang dalawang taong pandemya.
Inabutan na rin noon si Lola Maria ng tsekeng nagkakahalaga ng PHP30,000, bigas, at groceries.
Tumanggap din noon si Lola Maria ng bagong wheelchair.
Ang PHP100,000 ay tinatawag na Centenarian Gift na ipinagkakaloob sa Filipino centenarians na mula sa national government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
