Isang body-building enthusiast si Khio Jerick D. Jumarang, 23 years old, at tubong Kalibo, Aklan.
Nang magkolehiyo, kumuha siya ng Bachelor of Science in Physical Therapy sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center.
Nagtapos siya noong July 2022.
At top 1 siya sa 2022 Physical and Occupational Therapist Licensure Examination.
Kuwento ni Khio nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last January 17, 2023 via Facebook Messenger,
“I am the youngest sa aming dalawang magkapatid, and raised by a single mother.
“I took the course, first of all because of my love of powerlifting, and actually strength training.”
Gusto rin niyang makatulong sa mga taong kailangan ang serbisyo ng physical therapist para maging functional muli ang mga ito.
“And most importantly, help them regain their ability to do their daily tasks.”
Wala nang ibang kurso na gusto niyang kunin.
“Pakiramdam ko kasi, mas makakatulong ako sa mga tao kapag ginawa ko ang bagay na talagang gusto kong gawin.”
MADALAS UMIYAK NOONG COLLEGE
Yun nga lang, hindi naging madali ang pagtahak ni Khio sa landas tungo sa pangarap.
“Ang pinakamahirap kong napagdaanan nung college, lalo na nung first year pa lang ako, ang pakikihalubilo sa mga tao.”
Nag-iisa umano siyang taga-Aklan na nag-enroll at nag-aral ng physical therapy sa batch niya sa UERM.
“Naging mahirap po nung una na wala akong kakilala, so, parang bumabalik ulit ako sa umpisa. Hindi ko alam kung sino ang malalapitan ko sa school nung mga araw na iyon.
“Naalala ko nga nung pagbalik ng nanay ko sa Manila para bisitahin ako, sobrang lala ng pag-iyak ko.”
At sa sobrang hirap naman ng mga exams, “Akala ko po ay first year pa lang babagsak na ako.”
NAKATULONG ANG PAGBUBUHAT
Para ma-survive ang challenges ng buhay-college, nagdesisyon si Khio na lumabas sa kanyang comfort zone.
“Nakakilala ako ng mga kaibigan na sumusuporta sa akin, at mga professor na walang sawang tumutulong at naniniwala sa aming mga estudyante.”
Pero malaki ang naitulong sa kanya ng passion sa pagbubuhat.
“Sa pagwo-workout, nagawa po nitong makontrol ang takot ko at stress lalo na ang uncertainty ng buhay-college.”
Na-overwhelm din si Khio ng takot nang naghahanda na siya para sa board exam.
“Sabay-sabay kasi ang mga proseso habang nagre-review kaya sabay-sabay na rin lahat ng takot.
“Pag-aalala sa mga posibleng mangyari, yun mismong pag-aaral ng mga topics at pag-iisip sa magiging resulta.
“Kung minsan kasi, mas nalalamangan ng takot ang mga board takers at itinatabi na lang kadalasan ang mga dapat aralin.”
Sa mismong araw ng exam, nahirapan siya sa part two ng day one tungkol sa medical, surgical and pathologies.
“Maraming bago sa pandinig na mga cases na ni isang beses ay hindi nabanggit nung undergrad subjects ko o kaya ay hindi ko man lang nabasa.”
INSPIRED SA TARPAULIN NG MGA TOPNOTCHERS
Aminado naman si Khio na nangarap siya na maging topnotcher.
“Sa totoo lang po, nangarap ako talaga...”
Ang kanyang naging motivation, “First year pa lang, nakikita ko na ang mga nakapaskil na litrato/tarpaulin ng mga topnotchers sa isang review center na nadadaanan ko habang ako ay pauwi sa aking tinutuluyan.
“Paulit-ulit kong sinasabi noon na ‘balang araw’ habang dumadaan ako sa lugar na yun.
“Minsan nga kahit may shortcut pauwi, dumadaan pa rin ako doon para lang makakuha ng inspirasyon lalo kapag pagod na pagod na ako sa kaaaral.”
Nabigla naman siya nang lumabas ang resulta at siya ang Top 1.
“Sa totoo lang, kasi nag-expect ako na at most ay Top 5. ‘Tapos ang ibinigay sa akin, sobra-sobra pa.”
Nasa gym siya nang araw na lumabas ang resulta.
“Isang buong gabi na kasi akong naghihintay ng results. Kakahintay ko, hindi na ako makatulog kaya pinili ko na lang na magbuhat at i-silent ang phone ko para di ko na isipin sa sobrang kaba.”
Nang magbukas na siya ng phone, nabigla siya na marami ng notifications tungkol sa kanyang pagiging topnotcher.
“Bumalik ako agad sa aking tinutuluyan at nag-check ng ng results. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko.
“Agad-agad kong tinawagan ang nanay ko sa sobrang tuwa.”
Ang tagumpay ni Khio sa board exam ay sa kanyang ina niya inialay.
“Sapagkat kung hindi dahil sa kanya, di rin ako makakapag-aral ng BSPT sa UERM.
“Kung hindi dahil sa lahat ng sakripisyo at suporta niya, di ko rin makakamit ang ganitong tagumpay.”
Inaasikaso na ngayon ni Khio ang pag-aaral ng medisina, at maging doktor sa hinaharap.
Kabilang na rin ngayon ang kanyang tarpaulin sa magbibigay ng inspirasyon sa mga kukuha ng board exam.
Simple lang ang payo niya sa mga kabataan kung paano “bubuhatin” ng mga ito ang sariling kapalaran.
“Matutong maniwala sa sariling kakayanan, at maniwala na kahit ano man mangyari ay kaya ninyong abutin ang inyong mga pangarap.”