Nang magkokolehiyo na si Jane De Asis Entuna ng Maasin City, Southern Leyte, nag-enroll siya ng kursong Bachelor of Animal Science sa Visayas State University.
Nagkuwento si Jane nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last January 28, 2023 via Facebook Messenger, “Ito ang pinili ko na kurso dahil nalaman ko na maraming animal science graduates ang VSU na doon na nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Nalaman ko rin na malaki ang kanilang sahod, kaya nakumbinsi talaga ako na mag-enroll nito dahil gusto ko ring makatulong sa aking pamilya.”
Gayunpaman, nagkaroon ng unexpected route ang pangarap niyang career.

Paliwanag niya, “Pumasa ako sa Department of Science and Technology RA 10612 scholarship nung third year college. Part ng ‘return of service’ ay ang magturo sa Senior High School ng Department of Education.
“Dahil dito, naisipan kong mag-enroll sa Saint Joseph College-Maasin ng Teacher Certificate Program para makapag-take ako ng Licensure Examination for Teachers, at para rin mas maging competent ako bilang isang guro.”
Nagtapos siya sa VSU noong June 14, 2019 bilang cum laude.
Top 8 siya November 2019 Agriculturist Licensure Examination, at may rating na 87.83 percent.
Nakumpleto rin niya ang Teacher Certificate Program.
DETERMINADONG COLLEGE STUDENT
Pagbabahagi ni Jane, marami siyang hindi malilimutang karanasan sa kanyang buhay-college.
Isa na rito ay patungkol sa kanyang tinirhan.
“Isa sa maraming hamon na kinaharap ko bilang isang mag-aaral sa VSU ay ang pamumuhay kasama ng maraming tao sa iisang silid.
“Dati akong nakatira sa Gumamela Cottage, at walo ang nakatira sa iisang kuwarto. Medyo challenging at awkward nung una dahil hindi ko naman kilala yung mga taong kasama ko sa room.”
Nagkuwento rin siya tungkol sa paglalakad nila ng blockmates from one building to another.
“Isa pang hamon na hinarap ko, na sigurado akong makaka-relate ang bawat Viscan, ay ang paglalakad nang malayong distansya sa pagitan ng mga gusali. Ito ay nakakadagdag ng stress lalo na kung marami ka pang gagawin.
“Gayunpaman, nagagalak pa rin ako sa karanasang iyon dahil masaya ang paglalakad kasama ang aking blockmates, at itinuturing ko rin itong ehersisyo.”
Bawat hamong kinaharap niya ay ginawa niyang bahagi ng kanyang motivationpara matapos ang kurso sa loob ng apat na taon.
“Sa halip na isipin ito bilang isang pabigat, tinanggap ko ang challenge at ginawa ko itong inspirasyon upang magsikap sa aking pag-aaral.
“Hindi ako nagpadala sa mga problema at stress na idinudulot ng pag-aaral. Ginawa ko rin na inspirasyon ang aking pamilya dahil gusto ko na maging masaya sila sa akin.”

Bukod pa sa mga college friends na good influence sa kanya para ma-enjoy ang college life, nakatulong din ang kanyang paniniwala sa Diyos.
“Dahil alam ko na hindi Niya talaga ako pababayaan.”
TOP 8 SA “LEA” KAYA PRESSURED SA “LET”
Matapos ang kanyang tagumpay sa Licensure Examination for Agriculturist, aminado si Jane na ang pagkuha ng Licensure Examination for Teachers ay hindi rin magiging madali.
“Ang pinakamatinding struggle ko ay wala akong malawak na kaalaman sa larangan ng edukasyon.”
Aniya, kahit two years na siyang nagtuturo sa DepEd sa panahon ng review, “Itinuturing ko pa ring kulang ang aking pag-aaral kaya kinailangan kong magsikap sa pagre-review dahil kaunti na lang ang oras bago ang araw ng pagsusulit.
“Nahirapan din ako sa internet connection ko kasi pure online review ang na-enroll ko at may rigid rules ang review center namin.”
Dismayado siya pag hindi naa-absorb nang todo ang lecture dahil madalas siyang disconnected.
Nauubos din ang energy niya sa pagtatrabaho nang walong oras sa school kung saan siya nakatalaga. May mga pagkakataong nakaidlip siya habang nagre-review.
Pero ang pinakamatinding pressure ani Jane, “Nag-top ako sa dati kong exam sa LEA, at parang nakakahiya kung hindi ako mag-top sa LET.
“Alam ko na parang shallow ang aking dahilan, pero yun talaga ang naramdaman ko nung time na yun.
“Sa pagbabalik-tanaw, ito ay talagang isang mahirap na journey, ngunit nagpapasalamat pa rin ako na ang resulta ay isang bagay na maipagmamalaki ko.
Nahirapan din siya sa exam dahil hindi naman talaga siya graduate ng kursong education.
“Gayunpaman, nasagutan ko pa rin ang mga tanong dahil natandaan ko ang itinuro ng aming review center. Nakatulong din ang mga natutunan ko sa aking kurso at sa Teacher Certificate Program.”
TOP 8 ULIT
Pag-amin ni Jane, “Una pa lang ay ginusto ko talaga na maging topnotcher. Nag-top na ako sa LEA noon kaya gusto ko ring mag top sa LET.
“Gusto kong i-prove na kahit pa di ako nag aral ng apat na taon para maging guro, kaya ko pa ring maging isang LET topnotcher.
Natutulog siya nang nang ilabas ng Professional Regulation Commission ang resulta ng October 2022 LET.
“Nang magising ako ng 3:00 a.m. noong December 17, 2022, sinabi agad ng nanay ko na bagsak ako sa LET.
“Nagulat ako sa sinabi niya kaya agad kong tiningnan ang phone ko para kumpirmahin ang malungkot na balita.”
Natuklasan niyang biniro lang siya ng kanyang ina.
“Nang buksan ko ang aking telepono, nakita ko ang maraming mga mensahe ng pagbati na nagsasabing matagumpay akong nakapasok sa ikawalo na puwesto.
“Nakaramdam ako ng relief at saya dahil nakamit ko talaga ang aking goal.”
Top 8 na naman siya, at may rating na 92.80 percent.
MAS PINILING MAGING EDUCATOR
Inialay ni Jane ang tagumpay sa Panginoon.
“Dahil binigyan Niya ako ng isang napakalaking biyaya.
“Nagpapasalamat din ako sa aking pamilya na sobrang supportive sa aking pag-take ng exam. Ginawa rin nila ang lahat para maibsan ang aking stress.
“Iniaalay ko rin ito sa iba pang tao na malapit sa akin dahil nagbibigay sila ng mga words of wisdom sa mga panahon na gusto ko nang tumigil sa pagre-review.
“Hindi ko rin makakalimutan ang lahat ng mga naging guro ko mula elementary hanggang college na nag-share ng kanilang knowledge sa akin. Sila ang dahilan kung bakit natutunan ko ang mga bagay na makakapagpabago ng aking buhay.”
Dahil sa pangyayaring ito, nagbago ang mga plano ni Jane, at pinili niyang maging guro.
Sa ngayon ay senior high school teacher siya sa DepEd.

“Gusto kong mag-pursue ng Master’s Degree at gamitin ang aking mga kakayahan upang makatulong sa pagtugon sa mga kasalukuyang problema sa sektor ng edukasyon, kagaya ng numeracy at literacy.”
Payo niya sa mga college students, “Pag-igihan ang iyong pag-aaral at huwag sumuko sa mga challenges na kakaharapin. Ang stress sa pag-aaral ay normal lamang at sana ay hindi ito maging dahilan para ikaw ay tumigil.
“Huwag ring matakot na umalis sa comfort zone dahil ito ay makakatulong sa inyong pag-grow as a person.”
Importante rin ani Jane magkaroon ng disiplina sa sarili at unahin muna ang mga bagay na makatutulong sa pag-aaral.
“At higit sa lahat, manalig sa Diyos at laging tandaan na hinding-hindi Niya kayo pababayaan.”
