Si Aldemeir “Alden” Alipio ang Top 3 sa Criminologist Licensure Examination (CLE) noong December 2022.
Nakakuha siya ng 90.60 percent rating.
Nagtapos siya bilang cum laude sa Ramon Magsaysay Memorial Colleges sa General Santos City, South Cotabato.
Nakakabilib na ang estudyanteng may Latin honors at topnotcher ay naimpluwensiyahan lamang ng mga kaibigan sa kursong kinuha niya.
“Nadala lang po ng barkada. Later on, nag-enjoy,” kuwento ni Alden kung bakit siya nag-aral ng crimonology sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga! noong January 25, 2023.
Sundot ni Jose Manalo kay Alden: “Pero ikaw gusto mo ba iyan?”
“Minahal na lang din,” sagot ng topnotcher.
Bagamat nag-aral siya sa pamamagitan ng pag-e-enroll sa review center, aminado si Alden na mahirap ang kinuhang board exam.
Sa katunayan, kalahati raw ng exam ay hinulaan niya lang.
Read also:
- Meet Dexter Valenton, first Aeta na pasado sa Criminology Licensure Exam
- Tatlong magkakapatid, sabay-sabay pumasa sa 2022 board exam for teachers
Usisa ni Jose, “Ilang percent ang hinulaan mo at tumama? Hindi komo nagre-review ka, lahat yun alam mo.
"Siguradong papasok yung, ‘Bahala na,’ may hula ka. Mga ilang percent yung nahulaan mo?”
Sagot ni Alden, “Nasa fifty percent, Sir,” at nakangiting sinabing “tsamba” ang nangyari sa kanya.
Kaya raw laging gulat niya nang mag-Top 3 siya, “Tulala na lang sa isang tabi.”

Kung anong gulat ni Alden ay iyon din daw ang naramdaman ng kanyang pamilya.
Kuwento niya, “Nagulat po sila kasi hindi nila inasahan na magta-top ako. Gusto lang nila makapasa ako. Simpleng tao lang at sa awa ng Diyos nakapasa.”
Sa ngayon ay pinag-iisipan ni Alden ang pagpasok sa law enforcement, pero nag-apply na siya bilang lecturer sa kanyang alma mater.
Aniya, passion talaga niya ang pagtuturo.
Dahil isa siyang cum laude, hindi na raw bago kay Alden na may expectation sa kanya.
“Expected talaga na mag-excel ka talaga sa school, pero pag national level, hindi nila medyo inaasahan."
Paliwanag pa ni Alden, kahit na naging topnotcher siya sa board exam, “back to basics” kapag magtatrabaho siya bilang law enforcer at magsisimula siya sa pagiging patrolman.
Pero masaya lang siya na magkaroon ng oportunidad para matulungan ang pamilya.
“Marami kasi kaming utang, lubog kami sa utang noong panahong iyon,” aniya bago makapasa sa board.
“Kaya blessing na din tong opportunity na to para maiahon ko ang pamilya ko sa kahirapan.”
