Mula si Roderick Mabanan Cajefe, mas kilala bilang Rod, sa pamilyang wala talagang kakayahang magpaaral sa kolehiyo.
Tubong Villareal, Samar, ikatlo siya sa walong magkakapatid.
Nagtapos si Rod ng Bachelor of Secondary Education major in Filipino, sa Leyte Normal University last December 2020.
Top 9 siya sa October 2022 Licensure Examination for Teachers, at may rating na 92.60.

Pagbabahagi ni Rod nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last March 16, 2023 via Facebook Messenger, “Ako ang unang college graduate sa aming pamilya.”
Ang gusto daw sana niyang kunin noon ay mass communication, “Mula pagkabata ay gustung-gusto ko na ang trabaho ng radio anchor and television newscaster."
Pero dahil ipinatupad ang K-12, “Walang fresh graduates na nag-first year kasi nag-Grade 11 sila.
“Limited ang courses na offered lalo na sa province, so napunta sa education and Filipino, kasi limited din ang open na majors, at alam ko na mahilig akong magsulat ng tula since high school.”
Read also: Mary Grace dela Cruz: “nabudol” para kumuha ng architecture, lisensiyado na ngayon
NAMASUKAN SA KARINDERYA
Pagbabahagi ni Rod, hindi rin siya agad nakapagkolehiyo.
“Ako po ay nag-working student, nagtrabaho sa isang karinderya na kumupkop sa akin.”
Sa edad na 16, pagkatapos ng high school ay umalis na siya sa kanilang lugar at pumunta sa city para magtrabaho.
“Nalaman na lang ng parents ko na nag-aaral ako sa college noong nasa ikalawang semester na ako ng first year.”

Kahit nakapasa sa isang scholarship at may allowance ay tuloy pa rin siya sa trabaho.
“Madalas akong inaantok, patangu-tango sa upuan, and minsan nakakatulog sa klase.
“Sa loob po kasi ng apat na taon, palagi akong gigising ng alas tres ng madaling araw para mamalengke, at tumulong sa mga lulutuin.”
Pinakamahaba na niyang tulog ang limang oras.
“Nagse-serve po ako sa mga customer nang naka-school uniform, naghuhugas ng plato, madalas ding late kasi kailangan ko munang ihatid sa school ang anak ng may-ari ng karinderya.”
Sa gabi niya ginagawa ang school works niya.
“Nagbabasa na ako ng lesson para kinabukasan, kahit makatulog ako sa klase, alam ko yung pinag-uusapan nila.”
NAitawid ang college dahil sa scholarship
Isa pa sa major challenge sa buhay college niya ay nang maghiwalay ang kanyang parents.
“Yung allowance ko sa scholarship, hinahati ko and ibinibigay kay Mama para maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.”
Dahil scholar, hindi na problema ni Rod ang tuition fees.
“Kailangan ko lang i-maintain yung grades ko para hindi ma-eliminate sa program and manatiling scholar.”
Read also: Loi Canino: Nag-shift, ligwak sa scholarship, Top 9 sa board exam at may PHP300K cash gift
Kaya pag dumadating sa point na ang hirap na ng lahat para sa kanya, “Palagi kong pinipili na huwag piliin ang huminto.
“Kasi napakalaking opportunity para sa akin ang makapagkolehiyo lalo na’t noong una ay hindi pa free tuition sa state colleges.
“Na-implement lang yun noong ako ay nasa second year na, which is binabayaran pa rin ng scholarship yung tuition ko.
“Sa amin kasi sa province, ang tertiary education is more of prebilihiyo lalo na sa tulad ng pamilya namin na wala talagang kakayahang magpaaral sa kolehiyo.”
SARILING DISKARTE SA PAGRE-REVIEW
Nahirapan si Rod sa paghahanda sa board exam. Wala kasi siya masyadong time mag-review dahil employed siya.
Pero aniya, “Walang makakapigil sa taong pursigidong makuha ang isang bagay.
“I always make sure na hindi ko napapabayaan yung review.”
Para lagi siyang may time mag-review, laging nasa bulsa niya ang flashcards na siya mismo ang gumawa.
“Ako lang yung nagko-coach sa sarili ko since wala akong masyadong time um-attend sa lectures dahil sa schedules sa work, and medyo pricey para sa akin ang payment for the review.
“Itinawid ko yung board exam na self review."

Ang ginawa pa ni Rod ay tinipon ang lahat ng kaklase na gaya niya ay nagse-self-review rin.
“Then, ako yung nag-serve as coach nila where I got to practice my mastery on the concepts, and natutulungan ko pa sila.”

Nagkaroon man ng challenges during review, hindi gaanong nahirapan si Rod sa board exam.
Aniya, “Hindi masyado since pinahirapan ko na yung sarili ko during review.”
Dahil secondary level, nahahati ang exam nila sa three components.
“Ang huling dalawang components ay tigtatatlong oras para tapusin na binubuo ng 150 items per components. Pero tinapos ko yung sa akin sa loob ng isang oras at ang isa naman ay sa loob ng 45 minutes.
“Pero para magawa iyon, kailangan kong bumalik sa preparation ko during college.
"Na kailangan ko uling mag-adjust ng tulog, at gumising ng 3:00 a.m. Natutulog ako na tulog na yung mga kasamahan ko, at gumigising ako na tulog pa sila.”
Lagi rin niyang ipinapaalala sa sarili ang quote ng NBA superstar na si Lebron James: “If you want something, you’re not just going to sit down and do nothing.”
Read also: Rahma Arabani: pasado sa board exam, panalo sa mga pagsubok na pinagdaanan
PINANGARAP MAGING TOPNOTCHER
Aminado naman si Rod na nangarap siyang maging topnotcher, “Yes! Ang lahat pong iyon ay planado.
"Hindi pa man ako nagsisimulang mag-review, gumawa na ako ng sarili kong tarpaulin na nagko-congratulate sa akin na ako ay nag-top sa board exam.
“Idinikit ko sa tapat ng higaan ko para paggising at bago matulog, reminded na ako kung ano yung goal ko.”
Ang ginawa niyang tarpaulin ay siya lang ang may alam at nakakakita.
“Ang prinsipyo ko kasi is, ‘Keep it in private, move in silence, and surprise them with the result.’”

May isa pa siyang rason kung bakit gusto niyang maging topnotcher.
Ani Rod, “Pambawi ko po sa sarili ko, kasi hindi ko nagawa yung pangarap ko na magtapos na may latin honor dahil lang sa iisang disqualifying grade.
“Pero ako po yung kauna-unahang Filipino major mula Leyte Normal University na nag-top sa board exam.”
At nang malaman niyang topnotcher siya, “Huminto muna ng 15 seconds ang mundo ko!
“Hindi ako makagalaw, and talon ako nang talon after. Sa forecast ko kasi, nasa 86 lang yung average ko, pero 92.60 ang nakuha ko.”
Read also: Van Gabriel Pineda, after malugi sa tapsi business, nag-Top 8 sa board exam.
Ang isa pang ikinatuwa niya, nang kumustahin niya ang mga kasama niyang nag-self review, “Out of nine, walo po kaming pumasa.
“Nagpasalamat ako sa iba kong kaklase na nag-share ng learnings. Ibinalita ko rin sa family ko na nagawa ko ang goal ko.”
Inialay ni Rod ang tagumpay una sa kanyang pamilya.
“At sa scholarship foundation na nagtawid ng college ko, sa Leyte Normal University.
"At sa may-ari ng karinderya na hindi ako itinuring na iba kundi parang tunay na kapamilya nila.”

Sa ngayon ay part-time lecturer siya sa Carl Balita Review Center.
“Naggi-give-back sa free lectures na nakatulong sa akin during my preparation, and sa pinakasimpleng paraan na alam ko, tinutulungan ko yung mga katulad kong noon ay nangarap na ipasa ang board exam.
“Plano ko rin pong mag-masters bago matapos ang taon, loobin nawa.”
Ang mensahe niya sa mga mahihirap na kabataang nais makatapos ng pag-aaral:
“Life itself is mahirap, and it is more difficult than constructing essays and doing researches.
“Kung nahihirapan ngayon, magpasalamat, because you are given the chance to know more of yourself and the things that you are capable of doing.”
Aniya, huwag matakot humakbang pasulong.
“There is much to learn and to experience beyond your comfort zone.”
