Madalas na mga magulang ang nag-uudyok sa kanilang mga anak para mag-aral.
Kabaliktaran ang kuwento ni Remilyn Dimla, 42, taga-Tuguegarao City.
Ang bunso kasi niyang anak na nasa Grade I ang nag-inspire sa kanya na magbalik sa pag-aaral sa kindergarten.
Viral recently ang kuwento ni Remilyn dahil nakapagtapos na siya ng kindergarten sa Tuguegarao East Central School (TECS), Cagayan, kung saan siya naninilbihan bilang janitress.

Si Remilyn Dimla (in school uniform) kasama ang ilang guro sa Tuguegarao East Central School
Hindi nakapag-aral si Remilyn dahil sa kahirapan, at lalo pa itong naudlot dahil sa edad na 14 ay naging ina na siya.
Simula noon ay tuluy-tuloy na ang pag-aalaga sa anim niyang anak.
Pero dahil hindi marunong magbasa at magsulat, hindi matulungan sa assignments ang mga anak, kabilang ang bunso na nasa Grade I na nag-aaral din sa TECS.
“Pag minsan, magpapaturo sa akin, wala naman po akong maituturo sa kanya. E, yun, inaya po nila ako mag-enroll,” ani Remilyn sa interview ni Faith del Mundo ng News5.
Sa video report, makikitang nasa dulo ang desk ni Remilyn habang nasa harap naman ang mga kaklaseng tinatayang nasa edad five years old.
Nangingiti pang kuwento ni Remilyn, “Mga pambata po yung ginagawa, e, di, nakiki-join po ako. Siyempre, kinder po ako, e.
“Nakiki-join po ako. Sumasayaw sila, sumasayaw din ako.”

Si Remilyn sa dulo ng classroom kasama ang mga classmates sa kindergarten.
Hindi maiwasang makarinig ng panunukso si Remilyn dahil sa desisyong mag-kinder sa kabila ng kanyang edad.
May mga kaklase raw siya na sinasabihang matanda na para mag-aral.
Pero patuloy lang sa pag-aaral si Remilyn hanggang sa natapos niya ang school year.
Sa ngayon ay medyo marunong na siyang magbasa at magsulat.
Mangyayari ang commencement exercises ng TECS kinder sa darating na July 2023.
At hindi rito nagtatapos ang pagbabalik-eskuwela niya.
Sabi ni Remilyn , “Kung hanggang saan po yung kaya ng utak ko, gagawin ko po. Hanggang saan ang kaya, basta mag-aral lang nang mag-aral.”
Hangad niyang makaabot at makapagtapos hanggang college.
