Sinabihan si Allan Jay Jumamoy ng kanyang mga magulang na huwag silang tularan.
At iyon ang ginawa niya.
Si Allan, 23, taga-Bohol, ay nagtapos bilang valedictorian sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa Zambales.
Ginanap ang ika-200 commencement exercises ng PMMA noong July 20.
Si Allan na kumuha ng Bachelor of Science in Marine Engineering ang valedictorian ng Class 2023.
Sa kanyang valedictory speech, inilahad ni Allan ang kanyang success story.
“Nagsimula po ang lahat nang sinabihan ako ng mama ko na, ‘Nak, high school graduate lang natapos ko, at saka security guard lang ang papa mo. ‘Wag mo kaming gayahin.’
“Upon hearing those words, my life changed,” bungad ni Allan sa kanyang speech.
Read: Trending: Stir-fried dish na ang sangkap ay bato
Ito raw ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na harapin ang anumang pagsubok.
“I became the determined man who set goals and was ready to face anything to achieve the success I dreamed of.”
Nag-aral siyang mabuti at nagtapos bilang valedictorian noong elementarya.
Pinagbutihan din niya ang secondary school at nagtapos with honors sa senior high school.
“As a sideline I worked as a mathematics tutor and since the year of 2016, I had summer jobs for three consecutive years to lessen my parents’ burden,” sabi ni Allan.
“I took and passed scholarship exams from DOST [Department of Science and Technology], shipping company, and various school admissions…
“Yet I chose PMMA even if it means letting go of other opportunities.
“And today I can happily say to my parents, ‘Ma, Pa, I made it.”
Read: Cadet wears dad’s delivery rider uniform in graduation party

STRUGGLES AS A STUDENT
Binanggit din ng binata sa kanyang speech na sino ang mag-aakala na tulad niyang galing sa "iskuwater" o "informal settler" ang siyang babatiin ng Pangulo? Si Pres. Bongbong Marcos ang guest speaker na graduation ceremony.
Kuwento pa niya, “Naaalala ko pa yung mga gabi na sa ilaw ng poste ako nag-aaral dahil wala kaming kuryente nung ikawalong baitang pa ako.”
Dahil wala silang kuryente noon, sindi ng gasera ang gamit nila. Pero may mga pagkakataong ni pambili ng gas ay wala sila.
“In spite of these difficulties my perseverance and determination were the keys to reach my goals,” ani Allan.
Kung ang iba raw ay nagbase sa “ambition or passion” para pumasok sa academy, may mga katulad daw ni Allan na pumasok doon dahil sa “harsh realities of poverty.”
Marami raw pagsubok ang pinagdadaanan ng isang kadete sa academy, pero nalampasan iyon ni Allan.
Pero hindi raw niya iyon magagawa kung wala ang tulong ng iba, tulad ng kanyang mga kapwa kadete.
“Natutunan ko na hindi lahat ng taong nagtagumpay ay dahil mayaman sila, kundi dahil nagtutulungan sila," aniya.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga tumulong sa kanyang pag-aaral.
Nagbigay rin siya ng mensahe sa kanyang amang maysakit na magpagaling na dahil marami pa silang gagawin.
