Nag-trending noong 2016 ang member ng LGBTQIA community na napaaway at nasugatan sa isang insidente.
Siya si Deo Balbuena, a.k.a. Diwata, na sa kabila ng mga natamong sugat, nakuha pang rumampa a la-beauty queen sa presinto sa Pasay City.
May introduction pa siya, “Nagmula sa kalangitan, lumagapak sa kalupaan, narito na sa inyong harapan ang nag-iisang Diwata na mukhang kawatan.”
Kita sa kanyang mukha ang marka ng dugo, malaking sugat sa noo, at kamay.
Nagtungo sa presinto si Diwata para ireklamo ang dalawa niyang kaibigang sinaktan at sinugatan siya gamit ang cutter.
Ani Diwata sa interview, nakita niya sa ilalim ng tulay sa Pasay kung saan siya nakatira, ang dalawang kaibigang gumagamit umano ng bawal na gamot.
Nauwi sa sakitan ang away kaya nagtamo siya ng mga sugat.
Sabi pa noon ni Diwata sa TV interview, “Mas nababagay kayo sa kulungan kasi mga kriminal kayo.
“Tingnan mo yung ginawa mo sa akin, ang ganda-ganda ng mukha ko sinira mo.”
Ang pagiging karakter ni Diwata ang dahilan para mag-trending siya.

Nag-trending si Diwata, a.k.a. Deo Balbuena, noon nang mapaulat nang masangkot sa krimen.
DIWATA EIGHT YEARS AFTER
Makalipas ang walong taon, nagbago na ang kanyang sitwasyon.
Naitampok ang kuwento niya sa January 28, 2024 episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
Nakalabas na sa kulungan ang dalawang nakaaway na kaibigan, at nagkapatawaran na sila, ayon kay Diwata.
Nag-iba na rin ang buhay niya, at malayo na ang kanyang narating.
Mayroon na siyang 24-hour pares business sa Pasay na tinawag niyang Diwata Pares Overload Unli Rice.
Sabi niya ukol sa name ng kanyang business: “Nasanay na kasi sila. Yun kasi naging palayaw ko noon pa.”
Kuwento niya sa KMJS, nang mangyari ang insidente noong 2016 ay kakaluwas lang niya sa Maynila mula Samar.
Nakipagsapalaran siya sa Maynila sa hangad na magkaroon ng magandang buhay.
Nag-sideline siya noon bilang construction worker, at nagtinda ng kape, sigarilyo, at mga candy.
“Hanggang sa may naipon ako. Bumili ako ng kaldero, bumili ako ng kalan, tapos nag-start na kaming mag-pares.

Diwata being interviewed by Juancho Trivino for GMA show
Ang offer ng kanyang kainan ay unli rice at unli sabaw na may kasamang softdrink for PHP100.
“Yun ang nagustuhan ng mga tao,” aniya.
May pag-iwas si Diwata nang tanungin kung magkano ang kinikita niya sa kanyang paresan.
Pero may mga naipundar na siya dahil sa kanyang pagsisikap.
Mayroon na siyang sariling tirahan na bagamat maliit ay disente. Hindi na siya nakatira sa ilalim ng tulay.
May sarili na rin siyang kotse.
“Simple lang itong bahay ko pero ang laki ng pasasalamat ko dahil, at least, dito, kahit simple lang siya, at least, sigurado naman akong safe kaming lahat.
“Dati ang sasakyan ko bike lang, ngayon nakabili na ako ng sasakyan na talagang pinaghirapan ko talaga. Nakakatuwa.”

Sa isang separate vlog interview, hindi napigilang maiyak ni Diwata nang alalahanin ang hirap na pinagdaanan niya noon—ang mangalakal ng basura para lang may makain sila.
Nakakatuwang ang walang makain noon, may 24/7 na kainan na ngayon na siyang susi sa pagbabago ng kanyang kapalaran.