Ang medical procedure na isinagawa kay Richard Norris ng Hillsville, Virginia, USA, ang itinuturing na pinakaunang matagumpay na full-face transplant.
Kung tutuusin, mahirap isipin na ang isang tao ay magkakaroon ng panibagong mukha na galing sa ibang tao, pero nangyari na nga ito.

WHAT HAPPENED BEFORE THE FULL-FACE TRANSPLANT?
Noong 1997, nasira ang mukha ni Richard kasunod ng isang isang insidente matapos niyang makipagtalo sa kanyang nanay.
Sa kainitan ng argumento ng mag-ina, nagbanta si Richard na babarilin niya ang sarili.
Batay sa ulat ng pulisya na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga nangyari noon, kinargahan ni Richard ng bala ang baril.
Pumutok iyon at tinamaan siya sa mukha.
Sumabog ang kalahati ng kanyang mukha, kasama ang kanyang ilong, mga ngipin at baba.
Ayon sa kanyang ina ay aksidente ang dahilan ng pagkakabaril ni Richard sa sarili.
Sumailalim siya sa iba’t ibang medical procedures para maayos ang kanyang mukha.
Pero hindi naging matagumpay.
Dahil doon, nagkaroon si Richard ng depression at naging suicidal. Hindi na rin siya halos lumalabas ng bahay.
Read: Pet cat accidentally shipped to Amazon warehouse
RICHARD NORRIS's FACE DONOR
Twenty-two years old si Richard nang mangyari ang insidente.
Makalipas ang 15 taon, nabigyan siya ng panibagong pagkakataon para maisaayos ang kanyang mukha.
Namatay si Joshua Aversano ng Baltimore matapos masagasaan ng kotse.
Twenty-one years old pa lang noon si Joshua.
Nalaman ng pamilya ni Joshua mula sa mga doktor ang tungkol sa sirang mukha ni Richard.
Idinonasyon ng pamilya ang mukha ni Joshua kay Richard dahil marami sa kanilang facial features ang magkahalintulad.
Dahil sa desisyon ng pamilya Aversano, naisagawa kay Richard ang first ever full-face transplant ng grupo ng surgeons mula sa University of Maryland.
Nangyari ang procedure noong March 2012 na tumagal nang 36 na oras.
Kabilang sa mga ginawa ng mga doktor ay ang pagta-transplant ng mga ngipin ni Joshua kay Richard, gayundin ang panga, at mga ugat at muscles ng dila.
Delikado ang procedure at binigyan din lang si Richard ng 50 percent chance na maka-survive.
Read: Steve Jobs’s signed business card sold for PHP10M
RICHARD NORRIS MEETS SISTER OF FACE DONOR
Naging matagumpay naman ang operasyon.
At makalipas ang tatlong taon mula nang isagawa ang full-face transplant kay Richard, naging masaya na siya sa kanyang bagong buhay at bagong mukha.
Noong February 8, 2020, ini-upload ng 60 Minutes Australia, isang current affairs program sa Australia, sa YouTube channel nito ang pagkikita nina Richard at ni Rebekah, ang kapatid ni Joshua.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makikita ni Rebekah ang mukha ng kanyang namatay na kapatid mula nang ilipat kay Richard.
Sa segment ng programa ay makikita si Rebekah nang dumalaw sa bahay ni Richard sa Virginia.

Matapos ang kanilang emosyunal na pagyayakap, ani Rebekah kay Richard, “Do you mind if I touch it?”
Pinagbigyan naman ni Richard ang hiling ni Rebekah na mahawakan ang kanyang mukha na dating mukha ng kapatid.
Bulalas ni Rebekah, “Oh, my gosh, that's amazing!”
Sinabi rin niya na iyon ang mukha na nakikita niya noong buhay pa si Joshua.
Wala na aniya ang kanyang kapatid, pero dahil nailipat ang mukha nito kay Richard, parang buhay pa rin si Joshua.
Read: Man steals identity of former co-worker for 35 years; co-worker ends up in jail, mental institution
Inamin ni Rebekah na kontra siya noon nang hingin ng mga doktor ang permiso ng kanyang pamilya na mai-donate ang mukha ni Joshua matapos nitong mamatay sa aksidente.
Pero sa ngayon ay tinanggap na niya nang maluwag sa kalooban ang naging desisyon ng kanyang pamilya.
Naunawaan din niya kung ano ang mararamdaman ng mga magulang ni Richard kung tinanggihan ng kanyang pamilya ang request ng mga doktor.
Labis din ang pasasalamat ng parents ni Richards sa pamilya ni Rebekah, na pakiramdam ay mas naging close siya kay Joshua ngayong nakita niyang muli ang mukha nito.
Sinabi naman ni Richard na hindi sapat ang salitang salamat kung paano niya tinatanaw na malaking utang na loob ang ginawa ng pamilya ni Rebekah.
“There are no words to describe how thankful and grateful I am to their family.”
Read: Coffin car sold for PHP1.6M; registered, with license plate
WHAT RICHARD NORRIS MUST DO AFTER FACE TRANSPLANT
Bagaman at matagumpay ang full-face transplant na isinagawa kay Richard, may paalala si Dr. Eduardo Rodriguez, ang nanguna sa isinagawang revolutionary operation.
Ayon kay Dr. Rodriguez, isang malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga balikat ni Richard habambuhay.
Paliwanag niya, laging ang magiging turing ng katawan ni Richard sa bagong mukha nito ay isang foreign object.
Lagi aniyang handang umatake ang immune system ni Richard sa kanyang bagong mukha pag may naramdamang mali.
Para mapigilan ang pag-atake ng immune system sa kanyang mukha, bawal kay Richard ang uminom ng alak, magsigarilyo, at ma-sunburn.
Kailangan din niyang uminom araw-araw ng anti-rejection medicines.
Read: Success! Japanese boy reconstructs shredded 10K yen bill
HOW'S RICHARD NORRIS TWO YEARS AFTER FACE TRANSPLANT
Makalipas ang dalawang taon mula nang mabigyan siya ng bagong mukha, nagbalik sa normal ang takbo ng buhay ni Richard.
Nakapaglalakad na siyang muli sa labas ng kanilang bahay, at nakakapag-shopping nang hindi na nangangamba sa magiging reaction ng mga tao sa kanyang mukha.
Na-feature din siya sa GQ, isang international men’s magazine, noong August 2014 kung saan ibinahagi niya ang mga pinagdaanan mula nang aksidenteng mabaril ang sarili hanggang sa magkaroon siya ng bagong mukha.
Aniya sa panayam ng GQ, nang ma-disfigure ang kanyang mukha, kapag naglalakad siya ay may mga taong pumapasok sa telephone booth para lang pagmasdan siyang mabuti.
Ang iba ay halos mabali ang leeg sa paglingon sa sobrang pagka-shock sa kanyang hitsura.
Ngayon, wala na umanong tumitingin sa kanya.
“Unless they know me personally, they don't know I am a face transplant patient.
“That right there is the goal we had.”
Nagkaroon na rin siya ng girlfriend, si Melanie, na labis ang naging paghanga kay Richard mula nang mapanood ang nangyari sa kanya sa isang documentary.
Ayon naman sa ulat ng Mail Online noong May 5, 2024, nangangailangan ngayon si Richard ng kidney donor.

Nagsimulang bumigay ang kanyang kidney noong 2016 sanhi ng iniinom niyang anti-rejection medicines.
Sumasailalim siya sa dialysis.
Kung tutuusin ay mas madali ang kidney transplant kumpara sa isinagawa kay Richard na full-face transplant.
Pero sa U.S., kokonti ang buhay pa na nagdo-donate ng kanilang kidney.
Mahaba rin ang nasa waiting list ng nangangailangan ng kidney transplants sa U.S. na tinatayang nasa 95,000 katao, ayon sa United Network for Organ Sharing (UNOS).
Nananawagan ngayon si Richard at ang kanyang girlfriend para sa kanyang magiging donor.
Nag-volunteer maging donor si Melanie, pero hindi match ang kanilang organs ni Richard.
Hindi rin nag-match ang kanyang ina.
Sa kaso kasi ni Richard, ang paghahanap ng match para sa kanya ay complicated dahil sumailalim na siya sa isang transplant, at lumikha na ang kanyang katawan ng panibagong antibodies.
Ibig sabihin, ang kanyang blood and tissue ay hindi na perfectly matched sa kanyang mga kapamilya na gaya ng dati.
Sa ngayon, ang potential match para kay Richard ay dapat na may type A- or O- blood.
Read: Couple travels to Switzerland, charged with PH8M phone bill
