Pinatunayan ni Renair Palabasan na ang kinahihiligan ng isang bata ay maaaring maging propesyon nito pagdating ng panahon.
Tubong Pateros, panganay si Renair sa kanilang magkapatid.
Isang family driver ang kanyang ama, at housewife ang ina.
Pagbabahagi niya nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last March 18, 2025: “Bata pa lang ako ay curious na po ako sa mga electronic devices na nakapaligid sa akin.
“Naaalala ko pa noong bata ako, madalas po akong sawayin ng parents ko dahil mahilig akong magkalas ng mga appliances.
“Gusto ko po kasing malaman kung paano sila gumagana, paano nagkakaroon at nabubuo yung image sa screen ng TV, etc.
“Iyon po marahil ang nagbunsod sa akin para kumuha po ng BSECE sa kolehiyo.”

Nagtapos si Renair ng Bachelor of Science in Electronics and Communications Engineering (old curriculum five-year BSECE) sa Rizal Technological University noong August 3, 2024.
Top 10 naman siya sa October 2024 Electronics Engineering Licensure Examination.
Nakakuha siya ng rating na 87.90 percent.
Read: Kathleen Jane Latimban: no Latin honor, Top 8 in board exam
ANG MALAKING DAGOK SA PAMILYA NI RENAIR PALABASAN
Pagbabahagi ni Renair, dahil sa kanyang hilig magkalikot ng appliances, first choice talaga niya ang BSECE nang magkolehiyo.
Nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo nang makaranas ng matinding pagsubok ang kanyang pamilya.
Kuwento niya: “Nagsimula po ang lahat noong time na na-relocate po kami sa pabahay ng National Housing Authority sa Baras, Rizal, dahil nadamay sa road widening project ng pamahalaan ang bahay namin sa Pateros.
“Malaking dagok po talaga sa amin ang pagkakalipat namin sa malayo.
“Bukod sa malayo sa kabihasnan, wala pang supply ng kuryente at patubig ang bahay nang aming tuluyan.”
Bukod doon: “Naging malayo rin po ito sa pinagtatrabahuhan ng father ko.
“Kaya that time, napilitan po siyang maghanap ng ibang mapagtatrabahuhan na mas malapit sa amin.”
Read: Meet King: Tattoo artist at age 9
RENAIR PALABASAN NAPILITANG HUMINTO SA PAG-AARAL
Malaking adjustment din iyon para sa part ni Renair.
“Sa panig ko naman po ay kinakailangan ko pong bumiyahe ng four hours from Baras, Rizal, papunta sa RTU-Boni, Mandaluyong.
“Ang pasok ko pa po noon ay from Monday to Saturday gawa ng 12 subjects na meron ako, plus OJT pa.”
Ang nangyayari tuloy: “Sa akin lang po talaga napupunta ang mga gastusin.
“Kaya may mga pagkakataon po na uma-absent ako kapag nakikita kong walang-wala na kami.”
Para kay Renair, bilang panganay at breadwinner din, masakit sa damdamin niya na nakikitang nahihirapan ang mga mahal niya sa buhay dahil sa nangyaring pagre-relocate sa kanila.
“Kaya napagdesisyunan ko po munang huminto sa pag-aaral para maghanap ng mapagkakakitaan at makapag-ambag sa pamilya.
“Isinakripisyo ko na po ang pangarap kong maka-graduate on time.”
Ang kanyang naging disposisyon during that time: “’Kako noon, eh, hindi naman isang karera na kailangang makipag-unahan sa iba ang pag aaral.
“Nagtrabaho po ako bilang call center nang halos mahigit dalawang taon.”
Read: Meet Sitti Sahid: Top 3 in respiratory therapists board exam
BAKIT INABOT SI RENAIR PALABASAN NG 10 YEARS SA COLLEGE
Ang maganda, hindi rin isinuko ng mga magulang ni Renair at kanyang mga relatives ang pangarap niyang makatapos ng pag-aaral.
Nagtulung-tulong ang mga ito para makapag-enroll siyang muli.
Ngunit hindi naging madali ang pagbabalik niya sa pag-aaral.
Paglilinaw ni Renair kung bakit, “Sapagkat kamakailan lamang bago ako magtuloy ay binago na ang curriculum ng BSECE course sa lahat ng colleges and universities nationwide.”
Alinsunod aniya ito sa CHED M.O. #101 s.2017.
Dagdag-paliwanag ni Renair: “Samakatuwid ay phased-out na po ang course ko kaya hindi na po offered o bubuksan pang muli ang mga natitira ko pang subjects.
“Maliban na lamang kung ito po ay ipepetisyon sa pamunuan ng unibersidad kung saan dadaan ito sa masusing deliberasyon.”
Ang masakit pa: “Hindi po ako pinayagang magtuloy under the new curriculum of BSECE dahil old curriculum ang BSECE course na kinuha ko at kinakailangan ko rin pong tapusin ito under the old curriculum.
“No choice po ako kundi mag-file ng petition for every subject na papabuksan ko.
“Kaya lahat po ng subjects ko hanggang fifth year ay puro petition.”
Ang isang silver lining sa kanyang dilemma, “Mabuti na lamang at halos isang block section din po ang mga kasabayan ko noon na naabutan din ng curriculum transition.”
May mga nakasama siya para magpetisyong magpabukas ng old subjects.
Kaya nga lang: “May mga pagkakataon na hindi naaprubahan ang petisyon o kahilingan namin dahil walang makuhang professor, or hindi na-meet ang minimum number of enrollees.
“Kapagka ganun po ay katumbas po yun ng delay sa amin ng another one year.”
Hindi naman sumuko si Renair: “Tiniyaga ko ang masalimuot na prosesong ito hanggang sa ako ay makapagtapos.
“Ito po ay matapos ang 10 taon sa kolehiyo.”
Read: Life story of Perlita Ballacillo: security guard turned business owner
PANIBAGONG PAGSUBOK NI RENAIR NANG KUMUHA NG BOARD EXAM
Sa mga pinagdaanan niya sa buhay-college, naniniwala si Renair na nalampasan niya iyon dahil sa tulong at awa ng Diyos.
“Ang akala ko noon na imposible para sa akin na makapagtapos ay naging posible—at higit pa sa hiniling ko ang ipinagkaloob Niya.
“Nagsilbing tulay rin sa pagtatagumpay ko ang mga mahal ko sa buhay na walang sawang sumuporta sa akin; mga professors ko sa RTU, at sa naging review lecturers ko sa Smart EDGE ECE Review specialist na naniwala sa kakayahan ko.”
Hindi sa pag-graduate sa kolehiyo natapos ang mga pagsubok para kay Renair.
Panibagong challenges ang kanyang sinuong nang kumuha na siya ng board exam.
“Apat na taon matapos baguhin ng CHED ang curriculum ng BSECE, ay binago rin ng Professional Regulation Commission ang Table of Specifications or coverage ng ECE board exam at naka-tailor fit ito para sa graduates ng new curriculum ng BSECE.
“Bilang isang graduate ng old curriculum ng BSECE, nagkaroon po ako ng takot noon na baka bumagsak lang ako sa board exam sapagkat hindi na ito akma para sa curriculum ng ECE na tinapos ko.”

Naging challenge naman sa kanya during board exam proper kung paano mananatiling kalmado habang nagsasagot sa mga katanungan.
“Sa actual exam kasi, nandiyan po yung halu-halong emosyon—kaba, anxiety, pressure, etc.
“Puwede po kasing maka-mental block yan, kaya kahit madali lang ang tanong ay maaaring makalimutan ang sagot.
“Naalala ko rin po na noong second day ay nag-exam po akong gutom dahil sa kakamadali ko po noon, hindi na ako nakapaghanda ng babaunin.”
Read: Meet Paolo Villas: Average student, Top 4 in board exam
gusto lang MAKA-GRADUATE, BONUS ANG MAKAPASA SA BOARD
Hindi naman nangarap si Renair na maging topnotcher. “Never po. Ang pangarap ko lang po talaga ay makapagtapos ng kolehiyo.”
Sa katunayan, ang nasa mindset niya, “Kung makapasa man po ng board exam ay bonus na lamang ito.”

Noong unang nakita ni Renair ang pangalan niya sa list of top 10, aniya ay dedma lang siya.
“Wala po akong naging immediate reaction noon. Kasi hindi ko po talaga expected.
“It took me a week bago po nag sink-in sa akin.
“At noong time na yun, doon na po tumulo ang luha ko.
“Tears of joy.”
Read: Aben Ortega's journey: from OFW to muscovado sugar business owner
PAYO NI RENAIR PALABASAN: “STUDY WITH PASSION”
May mga espesyal na tao para kay Renair na pinaghandugan niya ng kanyang tagumpay.
“Inaalay ko po ito sa parents ko, at sa tito ko po na sumagot ng tuition ko during my final year in college.
“Sa mga professors kong naniwala sa kakayahan ko at nag-build ng momentum ko sa board exam.
“At sa mga kaibigan at batchmates ko na naging kasama ko sa laban na ito.”
Sa ngayon ay nasa professional practice na si Renair. Connected siya sa isang network engineering/cybersecurity company.
Ang payo niya sa mga kabataang gusto ring maging communication and electronics engineer: “ECE is a great choice especially if you want a rewarding career in tech-driven industries.
“Malawak ang saklaw ng ECE. Hindi lang pang-electronics or circuit design ang puwede mong maging field of work.
“You can also work even in information technology, cybersecurity, telecommunications, power systems, automation and much more.”
Paalala pa niya sa mga ito, “The key to being successful in this course is to be genuinely curious about the topics—and study them with passion.”
Read: Meet Isabella Martinez: Civil engineering board topnotcher
