PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Jayvee Fuentebella: Top 1, Electronics Technician Licensure Exam

“Hindi ito madaling landas.”
by KC Cordero
Published May 6, 2025
Jayvee Fuentebella and the list of topnotchers
Pinagsikapan ni Jayvee Fuentebella na maging board topnotcher. “Hindi dahil sa yabang—kundi dahil gusto kong sukliang lahat ng hirap, luha at puyat. Gusto kong magbunga yung sakripisyo ko, ng pamilya ko, ng mga taong naniwala sa akin.” (Photos: Bacolod Sectoral Youth Affairs, PRC)

Si Jayvee Fuentebella ang Top 1 sa April 2025 Electronics Technician Licensure Examination.

Nakakuha siya ng rating na 95 percent.

Twenty-three years old na siya ngayon, at residente ng Barangay 3, Bacolod City, Negros Occidental.

Photo of Jayvee Fuentebella
Ang topnotcher na si Jayvee Fuentebella. Photo: Facebook

Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Electronics Engineering (BS in ECE) sa Technological University of the Philippines Visayas noong July 12, 2024.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nakapanayam si Jayvee ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 5, 2025 via Facebook Messenger.

Kuwento niya, pang-apat siya sa kanilang magkakapatid.

On-call mechanic ng mga sasakyan ang kanyang ama, at housewife ang kanyang ina.

Read: Ina Desiree Mamauag, Top 10 in physician's board exam amid family tragedy

WHY JAYVEE FUENTEBELLA CHOSE ECE

Nagkataon na kasagsagan ng pandemya noong mag-uumpisa pa lang si Jayvee na mag-aral sa kolehiyo.

“Sa panahong iyon, nakapasa ako sa DOST [Department of Science and Technology] scholarship at ang mga pagpipilian kong paaralan ay Carlos Hilado Memorial State University at TUPV.”

Pinili niyang mag-enroll sa huli.

“Noon pa man ay pangarap ko na talagang maging isang inhenyero. Pinili ko ang electronics engineering o ECE dahil sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, lalo na noong panahon ng pandemya.

“Nakita ko ang malaking potensyal ng ECE pagdating sa hinaharap, kaya naramdaman kong ito ang pinakaakmang kurso para sa akin kumpara sa civil engineering at mechanical engineering.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Para kay Jayvee, pinakamahirap para sa kanya ang dalawang unang taon niya sa kolehiyo.

“Sa panahong iyon, puro online class lang ang sistema.

“Walang pisikal na interaction, puro screen, puro modules at virtual meetings na kadalasan ay may kasamang signal problems o technical issues.

“Oo, nagmi-meet naman kami ng mga professors namin, pero ramdam ko talaga na kulang.”

Pagbibigay-diin niya, “Iba pa rin kapag face-to-face ang klase.

“Yung tipong makikita mo talaga ang effort, mapapansin ka ng prof, at mas makakapag-focus ka.”

Read: Lucy Guo: College dropout, youngest self-made woman billionaire

JAYVEE FUENTEBELLA GETS FAILING GRADE ON HIS SECOND YEAR

Isang malaking dagok sa buhay-estudyante ang naranasan noon ni Jayvee.

“Nakakuha ako ng ‘0’ sa midterm grade sa isa naming subject.

“Hindi dahil sa tamad ako o walang pakialam, kundi dahil sa mga limitasyon ng online setup at naging mahirap makipag-communicate.

“Naalala ko pa, sinabi ko sa sarili kong, ‘Wala na, tanggal na sa listahan ng Latin honors.’"

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Pagbabahagi pa ni Jayvee sa kanyang naging predikamento: “Second year pa lang ako noon pero para bang gumuho na agad ang tiwala ko sa sarili.

“Mahirap. Masakit. Nakakawala ng gana.”

Siya na rin ang nagbigay-katwiran sa kanyang sarili sa nangyari.

“Pero kahit papaano, itinuloy ko pa rin. Unti-unting bumangon, tinanggap na may mga bagay talagang hindi kontrolado, at natuto akong magsikap pang lalo.”

Read: John Michael Bundalian Amio: Top 1 in criminology board exam

JAYVEE FUENTEBELLA GETS SUPPORT FROM FAMILY AND FRIENDS

Para kay Jayvee, na-survive niya ang mga hamon ng college life dahil natutunan niyang kumapit sa mga bagay na mahalaga.

“Pamilya, kaibigan at tiwala sa sarili.

“Sa mga panahong pakiramdam ko'y wala na akong silbi, nariyan ang pamilya ko na kahit simpleng, ‘Kumain ka na ba?’ lang ang tanong nila sa akin, ramdam ko ang kanilang suporta.”

Jayvee Fuentebella holding an application form
Si Jayvee Fuentebella nang lumahok sa isang youth activity. Photo: Facebook
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nakatulong din umano kay Jayvee ang mga ang kaibigang tinawag niyang “Backseat Boys.” Ang ilan aniya sa mga ito ay engineer na rin.

Higit sa lahat, humugot siya ng lakas sa panalangin.

“Sa mga gabing hindi na ako makatulog sa kakaisip, ang dasal ang naging takbuhan ko.

“Hindi ko man agad-agad naramdaman ang sagot, pero tila unti-unting binibigyan ako ng lakas na ipagpatuloy kahit ang bigat na sa pakiramdam.”

Pag-amin pa niya, “May breakdowns, pero alam kong may purpose ang lahat ng bagay.”

Read: Alona Canovas: From constant late enrollee to board topnotcher

JAYVEE FUENTEBELLA’S STRUGGLES DURING THE BOARD EXAM

Tulad ng ibang sumalang sa board exam, naging panibagong pagsubok ito para kay Jayvee.

“Isa sa pinaka-challenging para sa akin sa board exam ay yung mismong pagbabago sa nakasanayan naming Math subject.

“Sanay ako na may solving, may formula, may computation.”

Pero sa araw mismo ng board exam ay nabulaga siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Puro terms, concepts, definition. Halos walang solving.

“First subject pa lang yun kaya para talagang mind game at mood-setter.”

Aminado si Jayvee na medyo kinabahan siya.

“Pero sinabi ko sa sarili ko: ‘Hindi ako papatalo sa umpisa pa lang.’

“Luckily, naipasa ko ang ECE board exam.

“At sa ECT board ay mas lalo akong nabuhayan ng loob, na-top ko siya!

“At pakiramdam ko, malaking bagay yung pagse-set ng mindset ko simula pa lang ng unang araw.”

Kahit napakaganda ng naging resulta para sa kanya ng board exam, hindi itinanggi ni Jayvee na nahirapan siya.

“Hindi lang dahil sa dami ng kailangang aralin, kundi dahil sa pressure.

“Yun bang kahit nag-aaral ka, may mga oras na parang kulang pa rin. Minsan, andami mong gustong i-review pero kulang na sa oras.”

Dagdag pa aniya rito ang mental fatigue.

“Yung tipong ang katawan mo gustong matulog, pero ang utak mo ay gising na gising sa kaba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“At siyempre, may mga tanong din na kahit ilang balik mo sa notes mo dati, parang ngayon mo lang nakita.

“Pero sa kabila ng lahat, lumaban pa rin.”

Read: Meet Sara Samaniego: The basurera influencer in Colombia

JAYVEE FUENTEBELLA ON BEING TOP 1: “LAHAT NG PAGOD, WORTH IT”

Matapat ding inamin ni Jayvee na nangarap siyang maging topnotcher.

Matatas niyang sambit: “Hindi dahil sa yabang, kundi dahil gusto kong sukliang lahat ng hirap, luha at puyat.

“Gusto kong magbunga yung sakripisyo ko, ng pamilya ko, ng mga taong naniwala sa akin.”

Art card congratulating Jayvee Fuentebella
Ang pagiging topnotcher ni Jayvee Fuentebella ay bunga ng kanyang determinadong pagpupunyagi. Photo: DSWD
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At kahit umaasa siyang maging topnotcher, hindi siya sumandig sa suwerte.

“Ang mindset ko lang nun: ‘Ibibigay ko lahat. Kung para sa akin, ibibigay ni Lord.’”

Idinetalye rin ni Jayvee ang mga eksena nang lumabas na ang resulta at nakita niya ang pangalan sa Top 1 ng ECT.

“Nakita ko na lang na umiiyak si Mama that time.

“Naalala ko, hindi ko alam kung iiyak ako, tatawa, o sisigaw.

“Pero ang una kong ginawa, yumuko ako at nagdasal.

“Hindi ko alam kung ano’ng eksaktong sinabi ko, pero sobrang dami kong thank you kay Lord dahil lahat ng pagod, worth it.”

Read: Renair Palabasan: 10 years in college, Top 10 in board exam

Maraming pinaghandugan si Jayvee ng kanyang tagumpay.

“Iniaalay ko ito sa pamilya ko, lalo na kina Mama at Papa para sa lahat ng kanilang sakripisyong hindi ko man laging nakikita, pero ramdam ko.

“Para rin ito sa mga guro kong hindi nagsawang magturo—na kahit hanggang sa pagre-review namin ay walang sawa sila sa pagtse-check sa amin, lalo na si Engr. Renato Deldo na program head namin sa ECE sa TUPV. Napaka-solid ng kanyang guidance.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Sa mga kaibigan kong kasama ko sa hirap ng review sa Homies, Backseat Boys, at sa mga close friends ko na talagang kausap ko every time na down ako.

“Sa Awake Church-Bacolod lalo na kay Pastor Hamelton Porras.

“Ramdam ko yung prayers nila that time habang nagre-review ako.

“At higit sa lahat, para sa aking younger self na minsan ay gustong sumuko, pero piniling magpatuloy.

“At siyempre, kay Lord—na kahit kailan ay hindi ako pinabayaan.”

Read: Kathleen Jane Latimban: no Latin honor, Top 8 in board exam

JAYVEE FUENTEBELLA’S CAREER PLANS

Sa ngayon ay naghihintay pa si Jayvee ng tamang oras para makapag-work sa government o engineering sector na under ng government office.

“Dahil naging 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program] beneficiary ako, naging DOST scholar... part yung programs ng government.

“Kung ano man ang na-achieve ko, dahil yun sa support ng government programs and scholarships. Kaya gusto ko ring mag-serve sa government mismo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi naman dito nagtatapos ang kanyang career plan.

“Gusto kong magpatuloy sa pag-aaral, mag- Masters, at balang araw, gusto kong magturo rin.

“Gusto kong ibalik sa mga susunod na henerasyon yung kaalaman at inspirasyong nakuha ko sa mga naging mentor ko.”

Paalala ni Jayvee sa mga kabataang gustong sumunod sa kanyang mga yapak: “Kung gusto mo ng kursong gaya ng ECE, una sa lahat, handa ka dapat.

“Hindi ito madaling landas.

“Sabi nga nila, ‘If it’s easy, then it’s not ECE.’

“Maraming math, maraming circuit analysis, maraming standards, mapapakanta ka pa, maraming ‘hindi ko na kaya’ moments.

“Pero kung gusto mo talaga, lahat ng hirap ay magiging tulay mo sa tagumpay. Magsimula ka sa tamang disiplina, huwag matakot magkamali, at huwag mahihiyang magtanong.”

Dagdag pa ni Jayvee, kailangan ng isang tao na maniwala sa sarili.

“Walang shortcut sa tagumpay pero kapag pinagsikapan mo, dadating din iyan sa tamang panahon.”

Read: Bicol cop responsible for nabbing notorious criminals promoted

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Pinagsikapan ni Jayvee Fuentebella na maging board topnotcher. “Hindi dahil sa yabang—kundi dahil gusto kong sukliang lahat ng hirap, luha at puyat. Gusto kong magbunga yung sakripisyo ko, ng pamilya ko, ng mga taong naniwala sa akin.” (Photos: Bacolod Sectoral Youth Affairs, PRC)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results