Isang nine-year-old Pinoy mula sa Oriental Mindoro ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas matapos siyang manalo sa VII Copernicus Olympiad sa Huston, Texas, USA, kamakailan.
Siya si Warren Wade Casuga, ang Grade 4 student ng Holy Infant Academy sa Calapan City na itinanghal bilang Absolute Winner sa Copernicus Olympiad Global Round - Natural Science category.
Ginanap ito sa Rice University sa Texas mula January 21 to 25, 2026.
Ito rin ang kauna-unahang beses na nakuha ng Pilipinas ang pinakamataas na karangalan sa nasabing kategorya.
Tinalo ni Warren ang mga estudyante mula sa 16 countries, kasama rito ang United States, Romania, Turkey, Mexico, Peru, Brazil, Vietnam, China, Taiwan, Azerbaijan, Bolivia, Indonesia, Jordan, Kazakhstan, Pakistan, at Mongolia.
Noong nakaraang taon, anim na Pilipinong estudyante ang nakakuha ng top awards sa VI edition ng Copernicus Olympiad.
Read: UP Open University free tuition: Who are eligible, how to apply?
THE BEST OF THE BEST
Paliwanag ni Warren, tinatayang 5,000 students mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang sumubok sa qualifying round ng math and science competition, subalit nasa 400 students lamang ang nag-qualify.
Bukod kay Warren, dalawa pang students mula sa Philippine Science High School ang nakapasok.
Ang Copernicus Olympiad, ayon sa website nito, ay international competition para sa Grade 3 to Grade 12 students na naglalaban-laban para mag-solve ng complex problems ukol sa Natural Science, Physics and Astronomy, Entrepreneurship, at Math.
Sa ngayon, nasa 54 countries ang sumasali sa qualifying round during its annual competition.
Ani Warren, kumpiyansa siya sa kanyang laban.
“Hindi po ako kinabahan while in the contest because po, I prepared for it po,” aniya sa interview ng DZMM kasama ang amang si Wally Casuga.
Solo raw siyang nanalo sa category na sinalihan, habang sa ibang categories ay kasama niya ang iba pang Pinoy students.
Sinabi ng ama ng bata na ang ang dalawa pang students ay nanalo ng bronze at ang isa pa ay silver sa ibang categories.
Tungkol naman sa kanyang paghahanda, walang palya raw si Warren sa pag-aaral, pagsagot sa maraming practice questions, at pagre-review sa iba-ibang Science topics.
Aniya, focused siya sa pagsasanay at tinutukan ng kanyang ama na si Wally.

WARREN MAKES HIS DAD PROUD
Kuwento ng amang si Wally, apat silang mag-anak na nagtungo sa Texas para samahan sa laban si Warren.
“Sabi ko po sa kanya, kahit anong award mo dito sa contest na ito, okay lang sa amin kasi ang mahalaga lang sa amin dito is your experience and ma-expose ka dito sa mga ganitong contest overseas,” lahad ni Wally.
Proud siya kay Warren dahil hindi lamang ang probinsiya o siyudad ang binigyan nito ng karangalan kundi ang buong bansa.
Kasama raw sa napanalunan ni Warren ay trophies, medals, at bagong iPad.
Ani Wally, hindi rin ito ang unang beses na nanalo sa international competition ang anak.
Nag-uwi na siya dati ng gold medal sa Science at silver medal sa Math sa international math and science competition sa Japan.
WARREN AS A YOUNG KID
Sadyang mahilig daw mag-usisa at matuto ang anak.
May mga tanong nga raw ang bata noon na mahirap hanapan ng sagot.
“Bata pa lang po siya, nakita na namin siya na curious sa mga bagay-bagay.
“So tanong po siya nang tanong kung bakit ito nangyari. Bakit tayo may universe? Bakit may tao? Bakit may ibon? Bakit sila lumilipad, tayo hindi?"
Pagdating sa paglalaro, nag-e-enjoy raw si Warren sa puzzles at gumagawa ng maliliit na experiments.
“Ito pong mga Olympiads na ito, itong mga sinasalihan niyang contest, talagang interest ni Warren.
“Kaya sinu-support po namin hanggang sa abot ng aming makakaya. Finances, lahat po para maka-join po siya sa mga ganitong international competitions.”
Payo naman ni Wally sa mga magulang at sa kanilang mga anak: “Mag-aral nang mabuti, yun po ang una.
“Ang pangalawa, hanapin niyo kung ano yung interes ng mga anak ninyo and focus on that. Kasi mahirap po na pilitin niyo ang bata doon sa mga bagay na hindi nila gusto.”
Ang sunod daw na pinaghahandaan ni Warren ay ang upcoming international competition sa Vietman para sa Mathematics ngayong Pebrero; New York Horizon Olympiad sa July; at isa pang competition sa London sa July o August.
Sinabi rin ni Wally na may mga taga-local government unit na nakipag-ugnayan sa kanila para parangalan at bigyan ng insentibo si Warren.
Read: QC offers scholarships for Filipino language, literature
