PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Rolan Popatco Jr.: Proud Aeta now a medical technologist

Congrats!
by Bernie V. Franco
Published Mar 31, 2026
Rolan Popatco Jr.
In August 2025, Rolan Popatco Jr., an Aeta, received his college diploma. “Hindi ito DIPLOMA lang nang iisang tao, Diploma ito nang buo kong TRIBO." Just this March 2026, Rolan passed the 2026 Medical Technologist Licensure Exam.
PHOTO/S: Rolan Popatco on Facebook

Maraming rason para sumuko na lamang at itigil ni Rolan Popatco Jr., isang Aeta, ang pagkuha ng kursong Medical Technology.

Mahihirap na subjects, bagsak na grades, diskriminasyon, at marami pang iba.

Subalit dahil sa kanyang motivation, tinapos niya ito sa College of Our Lady of Mt. Carmel sa Pampanga, at ginawa ang makakaya para makapasa sa Medical Technologist Licensure Examination (MTLE) nitong March 2026.

Siya ngayon ang itinuturing na kauna-unahang licensed medical technologist na Aeta sa kanyang probinsiya.

Lahat ng hirap kinaya ni Rolan dahil sa nag-aapoy na hangaring tulungan ang kanyang kinabibilangang community sa Porac.

Rolan Popatco
Photo/s: Facebook
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

FIRST AETA MEDTECH IN PAMPANGA

Si Rolan ay isa sa 7,838 board passers mula sa 9,317 na nag-take ng MTLE.

Nakakabilib ang journey ni Rolan bago siya naging registered medical technologist o “medtech.”

Kuwento niya, nagkaroon lamang siya ng dalawang linggo para mag-review para sa board exam.

Siya rin kasi ang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa kanilang bulubunduking lugar sa Barangay Camias.

Sineseryoso niya ang tungkuling ito. Kaya kahit kelangan nang mag-review, patuloy siya sa pagtupad sa mga responsibilidad bilang SK chairman.

“Bago ang result, umakyat po kasi ako sa Mount Negron [isang bundok sa Porac]. Iniwan ko ang result kasi ang sabi ko, pakiramdam ko… Kasi SK chair din ako, hati ang oras ko. Kung saan sa katotohanan, two weeks lang ako nag-review,” aniya sa wikang Kapampangan sa interview ng Pampanga PIO Facebook page.

“Kasi yung October to December [2025], busy sa SK. Sa January [2026], fiesta, may paliga kami…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Wala talaga akong time kundi two weeks. Nag-review ako, and, at the same time, sabi ko hindi na ako mag-e-exam.”

Pero, kulang man sa preparasyon at nagkaroon ng agam-agam, itinuloy pa rin niya ang pagkuha ng MTLE, na ginanap noong March 5 to 6, 2026.

Lumabas ang resulta noong March 11. Pasado si Rolan.

“Sabi ko kung isinuko ko ito, isinuko ko na ang laban ko para makatulong. Yun na lang ang inisip ko.

“Pagdating sa exam, wala akong ibang inisip kundi pagkatapos nito, tutulong ako nang malaki, hindi lang para sa akin kundi para sa kapwa ko Aetas.”

Rolan Popatco Jr.
Rolan only had two weeks to review for the licensure exam.
Photo/s: Rolan Popatco on Facebook / DZXL
CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

LGU SCHOLAR

Sa kanyang sariling salita, sa bundok nakatira si Rolan.

Nung natapos niya ang high school, bumaba siya sa “kapatagan” para ipagpatuloy ang pag-aaral.

Sa pagtuntong niya ng senior high school, naging scholar siya ng Local Government Unit (LGU) sa kanilang lugar sa pamumuno ni Pampanga Governor Lilia Pineda.

Scholar si Rolan hanggang siya ay mag-college dahil siya ay SK chairman.

Read High school student in Butuan gets 41 local, international awards

Rolan Popatco's motivation

At ngayong registered medical technologist na siya, pinapangarap naman ni Rolan na mag-aral ng medisina at maging doktor.

Sa isang separate interview, ibinahagi niya kung bakit.

“Lumaki ako sa bundok talaga ng Porac,” pahayag ni Rolan sa panayam niya sa DZXL News nitong March 24, 2026.

Simple ang kanilang pamumuhay: nagtatanim ng root crops at prutas sa kanilang lupa, at naghahanap-buhay din sa komunidad nila.

Sabi niya, may fulfillment ang makapasa sa board exam, pero nilinaw niyang hindi rito nagtatapos ang kanyang journey.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Ang pangarap ko dati mag-medtech lang para mabawasan ang diskriminasyon [sa Aetas] sa ospital, yun lang ang pangarap ko dati.

“Kasi may certain case dati na parang hindi binibigyang-pansin yung mga Aetas dahil sa isang hospital.”

Naririnig daw niya sa mga kasamahan ang mga ganitong kuwento, at tanggap niyang hindi maaalis ang diskriminasyon sa kanila, pero puwede raw "mabawasan" ito.

"Siguro ito na yung time para mag-aral ako ng medtech, para makapasok ako sa ospital na, ‘Ah, meron palang Aeta na kayang i-adapt o kayang [ma-overcome] ang ganoong hirap…’

“Kasi lingid sa iba, mahirap naman talaga ang medtech, e. Kahit sinong tanungin niyong medical technologist, mahirap yung ganoong journey.

“Pero para sa akin kasi, mahirap maging medtech, pero [mas] mahirap makita yung kapwa ko Aeta na nahihirapan sa larangan ng kalusugan.”

Napag-isip-isip daw niyang puwede pa siyang mangarap para mas makatulong sa kanyang mga katribo.

“Yun yung fulfilling sa akin,” sabi ng binata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

May mas mahalaga pa raw kesa mataguriang kauna-unahang registered medtech na Aeta sa Pampanga.

“Mas tinitingnan ko yung breaking the stereotype na ikaw yung magtatanggal, magbabawas ng diskriminasyon… yung makakatulong nang mas malaki sa community," pahayag ni Rolan.

At kung matupad ang pangarap niyang maging doktor, matutugunan ang healthcare needs sa kanilang komunidad.

Malaking palaisipan kay Rolan na sa kabila ng sariwang hangin at masustansiyang pagkain, maraming bata raw sa kanilang tribo ang may cleft palate at mga matatanda na may tuberculosis.

Read: Mario Resurreccion, 77, senior high grad plans to go to college

STRUGGLES AND SACRIFICES

Ibinahagi rin ni Rolan ang mga sakripisyo bago nakatapos ng pag-aaral.

Mabigat daw sa loob niyang iwan ang kanilang lugar sa bundok sa takot na baka wala na siyang datnan sa kanyang pagbabalik.

Sabi ni Rolan, may mga taong umaangkin sa lupa ng kanyang mga ninuno.

Nariyan ang mga nagmimina at mga tagapatag na sinasabing hawak nila ang titulo ng lupa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Aminado siyang nagtalo ang kanyang kalooban bago siya tuluyang nagdesisyong bumaba at ipagpatuloy ang pag-aaral.

Bukod pa rito, maraming beses daw na gusto na niyang tumigil sa pag-aaral dahil nahirapan siya.

Hindi raw madali ang mga subjects na Biology, Anatomy, at Biochemistry, lalo pa at malayo ang mga ito sa kinuhang college course sa Information and Communications Technology strand na pinili niya noong senior high.

“Maraming beses na po na sumuko ako. Iniiyakan ko ang isang subject. Honestly, nakakakuha na po talaga ako ng sobrang bagsak na grade sa subject,” lahad niya.

Nagsabi na raw siya sa mga magulang na hihinto siya, at pinayuhan siyang umuwi muna.

Subalit sa tuwing uuwi siya, nare-remind daw siya kung bakit hindi siya puwedeng tumigil sa pag-aaral.

Tumatambad sa kanya ang mahirap na sitwasyon ng kanilang lugar at ang mga kakulangan dito.

Na-realize ni Rolan na mas mabigat ang kanyang rason para ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maka-graduate.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Hindi pala ako puwedeng sumuko. Kailangan kong pumunta sa baba. Kailangan kong ilaban ito para sa community,” saad niya.

Kung tutuusin daw, marami sa mga Aeta ang teachers, social workers, pulis, nagti-take ng Nursing, pero may kulang pa rin.

Ang payo niya sa mga kabataang Aeta na nangangarap na may marating: “Wag matakot kung anuman sila. Kapag kulot ka, kapag kayumanggi ka, discriminated ka na. Yun ang iniisip ng iba, e. Kapag iba ka sa iba, parang feeling mo, iba ka na. Dina-down mo na ang sarili mo, which is not.”

Noong siya raw ang nag-aaral, ang inisip niya ay unique siya. Wala siyang katulad, kaya kailangan niyang ipagmalaki kung sino siya.

“Wag niyong isipin na iba tayo. May angking galing tayo. Aeta tayo na kaya din nating i-adapt kung anong meron sila," pahayag ni Rolan.

"Mahirap talaga, e, wala namang madali sa buhay. Walang madali sa larangan ng edukasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang isipin ng kabataan na tatahak sa medical field o kahit anumang field, isipin lang nila kung para kanino sila lumalaban, para kanino ba, at saan sila makakatulong nang malaki."

Rolan Popatco Jr.
Being a Sangguniang Kabataan chair in their community, Rolan has a deep sense of responsibility to take care of his fellow Aetas.
Photo/s: Rolan Popatco on Facebook
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

ROLAN’S MISSION

Sa kanyang graduation post noong August 2025, malinaw na naipahayag ni Rolan ang kahulugan ng kanyang pagtatapos.

“Hindi ito DIPLOMA lang ng iisang tao, Diploma ito nang buo kong TRIBO,” ang published-as-is post niya sa kanyang feed.

Ang kanyang pagtatapos ay patunay raw sa kakayahan ng lahing madalas makaranas ng diskriminasyon.

“Isang patunay na ang pangarap ay hindi lang para sa mga nasa kapatagan," hayag niya.

Sa kanyang pag-aaral, nag-try daw siyang makipagsabayan sa mga kaklase. Aminado siyang nahuhuli siya.

"Habang ang aking mga kaklase ay nagmamadaling intindihin ang bagong aralin, ako'y nangangapa pa rin sa mga lumang konsepto."

Iba man ang kanyang anyo, na madalas maging tampulan ng pamimintas, "Katulad mo, kami rin ay may pangarap. Pilit na humahabol sa daloy ng karunungan."

Maraming beses daw niyang naisip na magbungkal na lang ng lupa.

"Pero sa bawat pagkakataon na nadapa ako, lalo kong naririnig ang bulong ng mga nauna Mga tita at tito kong nagtapos nang Guro at Social Work, Mga nakakatanda sakin na nanatiling lumaban sa gitna nang kahirapan at higit sa lahat hiyaw ng mga kabataan na nag-aasam ng pantay na pagtingin," ang published-as-is post niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang pangarap na ito ay hindi para sa akin lamang. Ito ay para sa bawat katutubong minamaliit, para sa bawat Ayta nakararanas ng diskriminasyon.

"Sa katunayan suki ako nang lipunang tingin sa aking ay Iba."

Madalas daw siyang tanungin kung bakit siya nag-aaral.

Sa pagpapatuloy niya: "Ang diploma na ito ay hindi lamang papel na may pangalan ko. Ito ay patunay na ang kagitingan ay hindi nasusukat sa kulay nang balat o sa estado nang buhay.

"Ito ay pagpapatunay na ang determinasyon ay higit na mahalaga kaysa sa katalinuhan.

"Ito ay sagisag ng pag-asang dala-dala ko mula sa bundok, papunta sa mundo na nangangailangan ng pagbabago.

"Pagbabago na mabawasan ang tingin na galing sa bundok na may pangarap tulad ko.

"Ito ay simbolo na ang isang ayta ay kayang abutin ang mga pangarap na inakala nilang imposible."

At sa kanya raw pagtatapos, "Hawak ang diploma, bitbit ang karangalan nang aking tribo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
In August 2025, Rolan Popatco Jr., an Aeta, received his college diploma. “Hindi ito DIPLOMA lang nang iisang tao, Diploma ito nang buo kong TRIBO." Just this March 2026, Rolan passed the 2026 Medical Technologist Licensure Exam.
PHOTO/S: Rolan Popatco on Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results