Dati ay Barbie dolls lang ang binibihisan ni Alvin Dave Ocampo, 28.
Pero ngayon ay unti-unti na niyang tinutupad ang kanyang pangarap na maging full-fledged fashion designer.
Nakilala siya nang gawan niya ng model replica ang debut gown ni Kathryn Bernardo.
Bukod dito, ginawan din niya ng replicas ang iba’t ibang artista gaya nina Heart Evangelista, Marian Rivera, Maja Salvador, at Enchong Dee.
May mga doll versions din siya ng beauty queens, gaya nina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Miss Universe 2018 Catriona Gray, Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo, at marami pang iba.
Isang dekada nang doll enthusiast si Alvin, lahad niya sa Zoom interview kasama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong March 7, 2022.
Aniya, “I started making dolls since 2011. Until now, siyempre, gumagawa pa rin.
“Pero mas madalas akong gumagawa nung hindi pa ako gumagawa ng pang-tao.”
Nagsimula raw muna ito sa pagdu-drawing ng mga designs ng kanyang idols, gaya nina Francis Libiran at Michael Cinco.
“Then naisip ko, ‘Why not try to do their designs as replicas for dolls since di naman ako nakakagawa ng pang-tao? Why not make it in a doll version?’
“And ngayon, the rest is history.”

Doll replicas of (L-R) Pia Wurtzbach, Rabiya Mateo, and Catriona Gray during the respective Miss Universe pageant stints.
Hindi naman nasayang ang pagod ni Alvin dahil napansin ito ng mga artista at mga idolo niyang designers.
“Siguro ang pinaka-remarkable [compliment] sa akin yung kay Heart Evangelista, na sinabi niya na dapat ganito na lang yung mga pinapansin ngayon sa social media, more on art… parang something like that.
“Siyempre, Heart Evangelista iyon. Hindi ko in-expect na mapapansin niya ako and sobrang appreciative niya.

“Also, the designers na ginagawan ko ng replica. Kine-credit ko talaga lahat sa kanila.
“Siyempre, own designs nila iyon. Nakakatuwa. Akala ko nung una baka magalit sila na ginagawa ko iyon, pero hindi pala. Mas natutuwa sila.
“Siyempre, gawa nila iyon and then ire-replicate ko yon.
“Sir Michael Cinco, sobrang nakakatuwa na a well-known designer na mapapansin ako and magbibigay siya ng message, tips, and tricks on how to sew.”
Si Alvin ay nagtapos ng Tourism Management course sa Far East University noong April 2014.
Pero aniya, noon pa man ay napapansin na siya sa school dahil sa ganda ng kanyang sketches.
Pagbabalik-tanaw ni Alvin, "Drawing lang ako sa likod ng notebook ganyan, ‘tapos napapansin ng mga kaklase ko.
"And then even yung professors ko, napapansin nila, ‘Bakit ka nag-tourism? Bakit parang naligaw ka ata ng landas?’
“Hanggang sa napansin ng dean ng school yung drawings ko, kasi parang ni-refer ako ng professor ko doon sa dean namin.
“Fortunately, naging designer ako ng uniform ng FEU for Tourism.”
Ang paggaya naman niya ng debut gown ni Kathryn Bernardo ang naging rason para mapansin siya ng publiko.
“Nabulabog ang Instagram ko yung kay Kathryn Bernardo, yung debut gown niya by Francis Libiran.
“And nakakatuwa kasi hindi ko ine-expect na mapapansin ni Kat, mapapansin ni Sir Francis yung doll replica.
“Even ABS-CBN napansin din nila. Sobrang unforgettable.”

The first doll creation of Alvin that garnered media attention. Kathryn Bernardo in her debut gown.

Alvin makes another replica of Kathryn in a gown she wore to a Star Magic Ball event.
Kasunod nito, kinomisyon si Alvin ng store department ng isang TV network na gumawa ng 100 pieces ng dressed dolls.
Pati isang kilalang clothing brand ay kinomisyon siyang gumawa ng 100 dressed dolls.
Parehong tinanggihan iyon ni Alvin dahil hilig niya lang ang paggawa at hindi pa niya ginagawang negosyo.
Pero ang inoohan ni Alvin ay ang mag-exhibit ng kanyang doll creations in collaboration with Mattel, ang creator ng Barbie Doll.
Nakagawa siya ng dalawang themed exhibits sa Lucky China Town Mall at SM North Edsa.
THE PROCESS of DOLL DRESSING
Ipinaliwanag ni Alvin ang proseso bilang doll dresser.
“Ang dolls noon na ginagamit ko is from Barbie, twelve-inch doll.
“’Tapos ang ginagawa ko, may ire-replicate ako na gown kay Catriona, ganyan.
“Kumukuha ako ng reference photos, like front, side view, back view of the gown.
“And then mag-i-sketch ako ng puwede kong pattern, kasi trial and error talaga siya.
“For example, yung lava gown, naka-three gowns ako bago ko siya nakuha.”
Matrabaho at mabusisi raw ito sabi ni Alvin dahil manika ang kanyang binibihisan.
Inaabot daw siya ng tatlong linggo hanggang isang buwan sa paggawa ng isang piece.
Sa kanyang rough estimate, tinatayang PHP100,000 na ang nagastos niya para sa mga dresses na nililikha niya for dolls.


Ginagawa ba niyang business ang doll dressing?
“Actually, ngayon hindi muna. More on focused ako ngayon sa pangtao na creations. Yung pagdo-dolls ko ngayon, more like sa hobby.”
Tuluyan na nga siyang kumuha ng fashion design course noong 2019 at ipina-practice na niya ito ngayon.
“Nag-start akong gumawa ng dress February 2020, bago mag-pandemic, so bago-bago lang.
“And unang nabihisan ko si Miss Philippines International Hannah Arnold. Nakakatuwa din,” ngiti ni Alvin.

Binibining Pilipinas-International Hannah Arnold wearing a blue-navy jumpsuit designed by Alvin.
Nabihisan din daw niya ang isang Miss Philippines World candidate.
“Yung iba more on relatives na.”
Kuwento pa ni Alvin, hindi talaga Tourism Management ang gusto niyang kurso.
Pero sa payo ng mga magulang ay itinuloy niya ito.
Ang balak niya noon ay maging flight attendant at mag-ipon para kumuha ng fashion design course.
Kumbaga, nilaktawan na niya ang pagiging flight attendant dahil unti-unti nang nagkakatotoo ang pangarap niyang maging fashion designer.
“Siguro nabilisan ako sa pangyayari… hindi ako naging-FA, diretso ako fashion design, ‘tapos, ayun na, dire-diretso na.
“Nakakatuwa din, syempre. Ang bilis.
“Ngayong designer na ako, nakakagawa na ako ng designs for people and, siyempre, hanggang ngayon natututo pa rin ako.”
Pinagtutuunan daw niya ang paggawa ng formal and wedding gowns.
Sa ngayon, hindi na raw niya balak ituloy ang pagiging flight attendant dahil abot-kamay na niya ang pagiging fashion designer.
“Ito na iyon, e. Designer na ako. Kumbaga, it’s a blessing in disguise na hindi ako natanggap as a flight attendant.
“Pero yung lifelong dream job ko o career, e, eto na. Itutuloy na lang natin.”
