Rumampa sa kauna-unahang pagkakataon sa nakaraang Paris Fashion week si Maymay Entrata.
Muse si Maymay sa dalawang fashion events, isa para sa Filipino designer na si Leo Almodal at sa Vietnamese designer na si Phan Huy.
Read: Maymay Entrata makes runway debut at Paris Fashion Week 2024

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Maymay sa 16th Star Awards For Music, na ginanap sa RCBC Plaza sa Makati City noong October 27, 2024.
Dito nagkuwento ang Kapamilya actress tungkol sa kanyang debut sa Paris Fashion Week.
"Feeling nahihilo kasi nagkasakit ako," natatawang bungad ni Maymay.
Sabay sabi niya, "Pero feeling ko prinsesa ako."
Nakaramdam ba siya ng kaba?
Sagot ni Maymay, "May kaba talaga. Kahit saan naman ako isasalang, maliit man o malaki ang gagawin ko, lagi akong kinakabahan.
"Ang importante dun, di ako nagpatalo sa kaba, saka nandun ang Panginoon ko, Siya ang naggabay talaga sa akin sa lahat, malaki man o maliit ang ginagawa ko."
Patuloy niya, masaya siya na napabilang siya sa fashion show sa Paris.
"Pero sobrang thankful kasi siyempre binigyan nila ako ng oportunidad para mag-walk sa fashion show.
"Very thankful talaga ako na binigyan nila ako ng opportunity kasi kahit paano, minsan sa buhay mo, nangyari yun. Sana maulit siya."

Proud din si Maymay sa ibang Filipino stars gaya nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach na nakaalagwa na talaga sa mundo ng fashion sa international scene.
"Siyempre nakaka-proud bilang isang Pinoy, lalo na tayo, yung support system nating mga Filipino, 100% talaga yung support natin.
"Yung mga Pinoy na pumapasok talaga sa mga international na mga ganap, laban natin yan.
"Ako, ganun din ako sa kanila."
Read: Maymay Entrata, boyfriend Aaron Haskell unfollow each other on Instagram
MAYMAY ENTRATA as a singer
Samantala, ang patok na kanta ni Maymay na "Amakabogera" ay kumpirmadong gagawan na ng English version.
Ang "Amakabogera" ay slang term para sa "I'm a Kabogera," na ang ibig sabihin ay, "I'm a stunner." Ang kanta ni Maymay ay may upbeat tune at mapapa-rampa ka pag narinig mo.
Reaksiyon ng dalaga, "Siyempre masayang-masaya kasi di lang target yung audience dito sa Philippines kundi maging sa ibang bansa.
"Kaya sobra ang pasasalamat ko sa mga producers ko dito sa Philippines—Star Music, Star Pop family, ABS-CBN Music, yung producer ko na si Mr. Carlo Katigbak. Siya rin ang magiging producer ko sa upcoming album ko at sa ABS-CBN Music."
Labis din ang pasasalamat ni Maymay sa pagkapanalo ng kanta niyang "Autodeadma" bilang Novelty Song Of The Year sa 16th Star Awards For Music.
"Sobrang masayang-masaya, sobrang blessed talaga kasi nga sa binigay na recognition na ito ng PMPC. Di ko naman akalain na magkaka-award kami, wala kasi akong bagong kanta this year.
"Tapos itong 'Autodeadma' two years pa lang ito nare-release tapos nabigyan siya ng award.
"Sobrang thank you, PMPC, kasi parang yung pakiramdam na patuloy silang nagsusuporta sa musika ko. Dun ko talaga sila na-appreciate, maraming salamat po sa recognition."
Read: SB19, Ben&Ben among big winners at 16th Star Awards for Music
