Alam mo ba kung para saan ang mga maliliit na bakal na butones na nakatahi sa bulsa ng jeans?
Tinatawag silang rivets, metal rivets, o copper rivets.
At sa maniwala kayo at sa hindi, napakahalaga ng purpose nila noong naimbento ang maong na pantalon.
Sa katunayan, walang blue jeans kung wala ang metal rivets.
Sila ay kadalasang makikita sa mga bulsa—meron sa harap pati na rin sa likod.
Bilog ang hugis nila, nakausli o nakaumbok ang gitna, at yari sa metal.
Sa unang tingin, aakalaing mga butones sila.
May mga nag-akalang bahagi sila ng disenyo.

Read: The real story behind the small pocket in blue jeans
HISTORY OF METAL RIVETS
Ayon sa website ng clothing brand na Levi's, idinagdag ang metal rivets sa maong para maging "stronger and more durable," partikular sa "improvement in fastening pocket-openings."
Naimbento ang maong na pantalon bilang pambabang work clothes ng mga lalaking may mabibigat na trabaho tulad ng mga minero, magbabakal, magsasaka, at iba pa.
In short, pang-heavy duty ang original purpose ng maong.
Ang mga naunang versions ay nababanat nang husto, natatastas ang tahi, at nasisira ang mga bulsa, na sinasabing “stress points."
Hindi sila umuubra sa mga mabibigat na gawain at dalahin ng mga workers.
At sa tuwing masisira, ipapatahi ulit sila para magamit pa rin.
Noong 1872, nakadiskubre ng paraan si Jacob Davis, isang tailor na taga-Reno, Nevada, USA.
Sa pamamagitan ng pagpupuwesto ng metal rivets sa mismong corners ng mga bulsa, naging mas matibay ang mga maong pants.
Sumulat noon ng liham si Davis sa kanyang among si Levi Strauss, isang Bavarian-born business owner ng dry goods sa San Francisco, California, USA.
Iminungkahi ni Davis kay Strauss na magsosyo sila sa paggawa ng jeans na may metal rivets.
Pumayag si Strauss.
Noong May 20, 1873, nakakuha sila ng patent para sa naimbento nilang produkto—ang blue jeans.
Sa mga nagtataka kung bakit blue ang “blue jeans,” may kinalaman ito sa indigo, tawag sa natural dye na pang-kulay sa outer layer ng jeans.
Nakakatulong ang kulay blue para hindi maging halata ang dumi.
Sa katagalan, nawawala rin ang kulay ng jeans, pero no big deal ito dahil sumikat din ang faded jeans.
Nagsimula sina Strauss at Davis sa paggawa ng mga pantalon sa labas ng kanilang bahay sa San Francisco.
Pumatok ang kanilang produkto at tumaas ang demand para rito.
Pagkalipas ng dalawang taon, o noong March 16, 1875, na-secure nila ang reissue ng kanilang patent at in-expand ang paggamit ng metal rivets sa iba pa nilang garments.
Bukod sa jeans, nagkabit na rin sila ng rivets sa iba pang garment products, tulad ng coats, blouses, jackets, at jumpers.
Taong 1880, itinayo ni Strauss—kasami si Davis—ang kumpanyang gumagawa ng jeans, ang Levi Strauss & Co. The rest, as they say, is history.
Matapos ang higit 150 years, kilala magpasahanggang ngayon ang blue jeans, at ang tatak na namumutawi sa mga tao ay “Levi’s.”
May mga jeans manufacturers na gumaya at naglagay din ng rivets, subalit hinabol sila nina Strauss sa pamamagitan ng lawsuits.
Pero pagsapit ng 1890, nag-expire na ang patent, at ang paglalagay ng rivets sa mga maong pants ay naging standard feature ng jeans manufacturers.

Read: Why are jeans made in Japan more expensive?
EVOLUTION OF BLUE JEANS
Ngayon, mas matibay na ang pagkakagawa at pagkakatahi ng mga jeans.
Sa katunayan, hindi na sila kailangang lagyan ng rivets, pero naging staple accents na sila sa jeans.
Nag-evolve na rin ang blue jeans in terms of color, gayundin ang metal rivets, na noon ay kulay copper at bronze lamang.
Nai-imagine mo bang walang rivets ang suot mong maong?
Sources:
