Patok na patok ang mga eat-all-you-can restos dito sa Pilipinas.
Pero kakaiba ang naisip ng negosyanteng si Ratchel Lumbab o Ratz mula sa Danao City, Cebu.
Imbes kasi na putok batok na mga putahe o samgyupsal ang ino-offer niyang unli food sa tindahan niyang Ratz Freshly Goodies, sariwang prutas ang labanan.
Ang regular price ay PHP199 kada tao, pero binabaan pa niya ang presyo sa PHP150 ngayong Agosto.
Bitbit ang isang basket na may balot na supot, puwede ka nang magpa-balik-balik sa buffet, kung saan mga sariwang prutas ang nakahain, at puwede kang kumain nang hanggang kaya mo.
Paalala lamang, bawal magtira sa basket o mag-uwi ng prutas na hindi mo mauubos.
Sulit na, healthy pa!

DANAO CITY’S PRIDE, FIRST IN THE VISAYAS
Nakaka-amaze ang gimmick ni Ratz para tulungang pasiglahin ang bentahan ng mga prutas na inaangkat mula pa sa Mindanao.
Sa Facebook post niya nito lamang July 3, ipinagmamalaki ni Ratz na ang ideya ng kanyang negosyong unli fruits ay “first ever in Visayas.”
At ang mas kahanga-hanga ay ginawa niya ito hindi lang para kumita kundi upang matulungan ang mga magsasakang nalugmok simula nang magka-pandemya.
Ani Ratz sa panayam ni Vonne Aquino para sa Dapat Alam Mo! ng GTV, “Ang number one ko talagang adhikain noon is yung matulungan yung ating mga magsasaka na paano na maibenta nila yung mga produkto nila na sakto ang presyo.”
Regular na nagha-house-to-house si Ratz sa pagde-deliver ng mga prutas at gulay, hanggang nito lamang Hunyo ay naisipan din niyang mag-offer ng unli prutas sa mga bumibisitang suki sa kanyang tindahan.
Hindi gaanong pinansin ang eat-all-you-can fruits ni Ratz noong simula.
Aniya, “Hindi agad siya pumapatok kase sabi baka scam lang kase napakamura.
“Pero nung meron na ibang pumupunta dito galing sa iba’t ibang lugar gaya ng sa Cebu [City], sa Mandaue, Lupu-Lapu…
“Meron din mga dayuhan, so, na-amaze po sila kase doon daw sa Singapore at Taiwan, napakamahal po ng durian.”

Simula noon, buong pamilya o barkada ang dumarayo upang matikman ang sariwang prutas sa presyong abot-kaya ng bulsa.
BAGSAK-PRESYONG PRUTAS MUKBANG, ANYONE?
Direct from farmers binibili ni Ratz ang kanyang mga paninda kaya’t naibebenta niya ito nang bagsak-presyo. Iyan ang susi ng kanyang tagumpay.
Bukod sa unli fruits, tampok din sa kanyang tindahan ang mga mixed fruits platters na kung minsan pa nga ay may kasamang spicy salt, sweet spicy hipon, at spicy native suka.
Nagsu-supply din si Ratz sa ibang tindahan at nagbebenta ng mga prutas at gulay sa presyong wholesale.

Ilan sa mga paboritong selection ng eat-all-you-can ngayong season ang rambutan, lansones, papaya, ubas, pakwan, mangga, pinya, at bayabas.
Pero hindi maipagkakailang durian ang pinakasikat sa lahat ng kumakain dito, lokal man o mga dayuhan.
Kuwento ni Ratz, “Yung pinaka-bestseller po namin talaga ay ang durian. Tatlong beses sa isang linggo, mga 3,000-4,000 kilos po ang nauubos namin sa durian.”
Talaga namang sulit ang bayad sa prutas mukbang na healthy na ay masarap pa!
Ito ang isang pagkakataong hindi mo kailangang ma-guilty kahit pa mag-unli!