Patok ngayon ang crocodile lechon na ini-offer ng Crocodile Park & Zoo sa Davao City.
Ngunit hindi gaya ng litsong manok, baboy at baka, hindi basta-basta ang paglilitson ng crocodile.
Ibinahagi ni Jane Oquias, ang marketing and sales account specialist ng Davao Crocodile Park & Zoo, ang mga detalyeng dapat malaman bago makapaglitson ng buwaya.

Nakapanayam si Jane, na ten years nang employee ng Crocodile Park & Zoo, ng TeamCanlasTV channel sa YouTube.
Pagbabahagi niya, "Nagsimula ang crocodile lechon noong 2012, Araw ng Davao. Gusto naming ipakilala sa publiko na crocodile meat is edible.”
Pagtitiyak niya, “Nakakain ang meat ng crocodile.”
Pero babala niya, hindi basta-basta na puwedeng mag-ihaw ng buwaya.
“Ang Crocodile Park & Zoo kasi ay may permit ng DENR [Department of Environment and Natural Resources].
“So, allowed kami ng slaughter, allowed kami ng farming and production ng saltwater crocodile.”
Read also: Pinoy netizens di aprub na kabilang ang hotsilog at Kinalas sa Worst Dishes in the World
May ipinaliwanag pa siya tungkol sa uri ng mga buwaya.
“Para sa kaalaman lang ng publiko, may dalawang uri ng crocodile sa bansang Pilipinas—ito ang saltwater crocodile, iyang niluluto namin as lechon, at ang freshwater crocodile na endagered specie ng crocodile na matatagpuan lang dito sa Pilipinas.
“Sa dalawang iyon, ang puwedeng-puwede lang ihawin o gawing leather products ay saltwater crocodile.”

Isa rin sa aniyang rason kung bakit sila nag-iihaw ng saltwater crocodile ay para makontrol ang populasyon nito.
“Hindi kasi puwedeng dumami sila, hindi rin naman puwedeng bumaba ang populasyon nila.
“To make it even, naglilitson din kami for the purpose of their leather products.”
At bukod sa litson, “Mayroon kaming bentang crocodile belts, crocodile bags ,at klase-klaseng crocodile products na maaari ninyong mabili sa aming souvenir shop.”
Ibinahagi naman ni Jeck Rogas, anim na taon nang nagluluto ng crocodile lechon, kung paano ang ginagawang preparasyon sa paglilitson ng buwaya.
Aniya, “Mina-marinate namin ng midnight.
“Nilalagyan namin ng mga laman, cabbage, onions, sili, paminta, sibuyas.
“Pagkatapos na maitali namin, isasalang na namin sa apoy.
“Tatlong oras matapos naming maisalang, puwede na naming i-serve.”
Read also: Balut, naka-display bilang isa sa “most disgusting foods” sa Swedish museum
Ani Jane ay kakaiba rin ang karne ng buwaya.
“Yung meat niya, yung taba ay anywhere sa part ng body niya.
“Hindi kagaya sa baboy na second layer lang—balat saka taba. Si crocodile is everywhere [may taba] kahit dito sa lalamunan, sa tail, sa belly.”
At ang lasa, “Parang chicken, baboy, baka o tuna.
“Ang kaibahan lang, crocodile meat is low in calories. Kahit kumain ka ng marami hindi siya yung masyadong nakakaano, lalo na sa mga may high blood pressure.
“Sa presyo ka lang niya maha-high blood.”

Nasa PHP1,500 ang isang kilo ng lechong crocodile.
Maaari ring bumili ng 100 grams sa halagang PHP150.
Paalala ni Jane sa publiko, “Once na may makita kang crocodile sa labas o sa ilog or anywhere, bawal na bawal mo iyang hulihin.
“Ang una mong gagawin ay tatawag ka ng barangay, 911 o sa DENR. Sila na ang magre-rescue. Bawal hulihin at bawal gawing pet.”
Natutuwa si Jane na buhat nang simulan nila ang pagluluto ng crocodile lechon, tinanggap ito ng publiko.

Karamihan sa mga turista ay dinarayo ang Crocodile Park and Zoo dahil sa lechon.
Marami ring gumagawa ng social media content kung paano nila isinasagawa ang mga proseso.
“Hindi siya normal na karne kasi exotic siya, pero parang, ‘Why not try it?’”
Ang Crocodile Park and Zoo ay bukas Lunes hanggang Linggo, mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Para sa mga bibisita na gustong makita kung paano nililitson ang buwaya, at matikman ito, maaaring makita ang schedule ng roasting ng crocodile saltwater sa official Facebook Page ng park.
Matatagpuan ang park sa Riverfront Corporate City, Diversion Road, Ma-a, Davao City.