Kasabay ng pagsikat ng pastil bilang street food ng mga Pilipino ay ang kontrobersiyal na pag-“reinvent” nito.
Ang binalot-style rice dish ng Mindanao ay ginagamitan ng dahon ng saging.
Ang laman sa loob ay kanin na may toppings na hinimay na karne ng manok, baka, o isda.
Itinuturing itong “halal” food o istriktong inihanda batay sa mga kaugalian at tradisyon ng Islam.
Ang original recipe nito ay mula sa Maguindanao, at inihahanda sa mga espesyal na okasyon tulad ng kasal, birthday, at iba pang Muslim celebrations.
Kaya ang pagkakaroon ng pork pastil ay itinuturing na “culturally insensitive."
Sa report ng GMA News Online noong September 28, 2024, nagpahayag ng pagkadismaya si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Spokesperson at Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun ukol rito.
Aniya, “We’re happy because it’s becoming mainstream in other parts of the country… [but] cultural appropriation should be looked into because in Muslim Mindanao culture, it’s culturally insensitive kapag ang ginawa nating meat sa pastil ay pork.”
May mungkahi si Pendatun, “Puwedeng tawagin na lang pork binalot."
Sa paliwanag ng RelihiyongIslam.com, hindi pinahihintulutan ang pagkain ng baboy sa anumang kondisyon sa mga Muslim, base sa teksto ng Qu’ran o ang kanilang banal na aklat.
Ganito ang nakasaad: “Ipinagbawal lamang Niya sa inyo ang Maytah [patay nang hayop], at dugo, at karne ng baboy…” [Maluwalhating Qur’an 2:173]
Read: Pub hangs shoe as insurance policy when customers order beer
why pastil issue matters
Ang pahayag ni Pendatun ay kasunod ng obserbasyon ni Mubarak Maliga Tahir, na ayon sa kanyang Facebook profile, ay isang guro sa Mindanao State University.
Sa isang mahabang Facebook post na nalathala noong September 22, ipinaliwanag ni Tahir ang umano’y “pambabastos at pagyurak sa kultura ng mga Moro at Muslim” sa paglikha ng bersiyon ng pastil na ang toppings ay karneng baboy.
Ani Tahir, “ang pagkaing pastil ay bahagi na ng kultura ng mga Moro sa ibang bahagi ng Mindanao, partikular sa probinsya ng Maguindanao at Cotabato.
“Ang awtentik at orihinal na Pastil ay gawa sa kanin na may toppings na Kagikit o Kalikit na gawa sa hibla ng karne ng manok, na dumaan sa halal na proseso nang pagkatay. Kung minsan naman ay gawa sa karne ng isda.
“Sa kasaysayan ng kultura at pagkaing Moro, kailanman ay hindi naging bahagi ng Pastil ang karne ng baboy— isang paglabag sa katuruan ng paniniwalang Islam.”
Na-upload ang post sa Facebook, kalakip ang larawan ng tinawag na “Pork Pastil” na nakita lamang din umano ng guro sa social media.
Tulad ni Pendatun, hindi rin tinututulan ni Tahir ang pagkakaroon ng ibang bersiyon ng orihinal na Moro rice dish.
Ngunit ang paggamit ng sangkap na ipinagbabawal sa kanilang relihiyon ay malinaw na “kawalang sensibilidad sa kultura ng iba.”
Dagdag pa niya, “WALANG PROBLEMA kung ito ang konsepto ng presentasyon ng pagkain, gaya ng Binalot ng Luzon na halos magkapareho ng konsepto maliban sa karneng ginamit bilang ulam o toppings.
“Kung may mga ganitong katawagan, mainam na panatilihin ang katawagan na ito at huwag ng subuking gamitin ang Pastil.”
Hamon pa ng guro, “mahalagang alam at tungkulin ng bawat isa sa atin na may kamalayan tayo sa kultura— cultural awareness at sensitivity.”

Sang-ayon dito si John Sherwin Felix, ang founder ng Facebook page na Lokalpedia na nakatuon sa “local food biodiversity and heritage.”
Ani Felix, bagama’t malaki ang nagagawa ng popularidad ng pastil sa pagpapalawig ng Moro culture, may mga bersiyon umanong malayo sa tunay nitong pinanggalingan.
Bagama’t mas malaking usapin ang paggamit ng karneng baboy, ang pagbebenta umano ng pastil na nakabote ay isa ring paglihis sa orihinal nitong bersiyon.
Paliwanag ni Felix sa kanyang Facebook post noong September 19, 2024, “’pastil in a bottle’ sold online, is technically inaccurate. If it’s just the meat, it’s called kagikit—the topping. It only becomes pastil when wrapped with rice in banana leaf.”
Ilang negosyante ang nagbebenta ng hinimay na karneng inilalagay sa mga garapon at imina-market bilang “Pastil,” lalo na sa social media site na Tiktok.
Ang binalot version naman nito ay sikat bilang survival meal, lalo na sa mga estudyante at manggagawang may limitadong budget.
Mabibili sa mababang halaga ang pastil: mula PHP25 hanggang PHP50, depende sa toppings nitong karne na minsan ay may itlog o gulay.
Read: Fresh grad complains about PHP40K starting salary; netizens react
ANG ISYU NG ‘CULTURAL APPROPRIATION’
Sa February 28, 2023 Facebook post ni Kristine Mae Suela ng The Mindanao Tech, ang official student publication of the University of Southern Mindanao, tinawag nitong “Cultural Appropriation” ang ginagawang pagpapasikat ng pastil sa iba’t ibang kultura gamit ang kani-kanilang bersiyon.
Sabi ni Suela, ang Cultural Appropriation ay pangunguha o pagnanakaw raw ng dominant group ng mga magagandang elemento ng kultura ng isang non-dominant o minority group upang gawing “props” o kaya naman ay pagkakitaan.
Naayon ito sa inilathala ng Brittanica.com bilang halimbawa: “A member of a majority group profiting financially or socially from the culture of a minority group is cultural appropriation.”
Pagpapatuloy ni Suela, upang maiwasang makasakit ng ibang kultura, “You can eat and cook another culture's food that is not your own but knowing the manner it can be handled with respect and awareness is enticingly beautiful and thoughtful.”