Sa dami ng klase ng longganisa sa Pilipinas, sadyang nakakalito kung alin ang pinakamasarap o pinakasikat.
Halos bawat sulok ng bansa ay may ipinagmamalaking sariling version, depende sa gamit na karne, hiwa at hugis, at mga sangkap.
Pero alin nga ba sa mga ito ang the best para mga Pinoy?
Read: Pork Pastil under fire: why it's "culturally insensitive"
ANG LONGGANISA, BOW!
Ang longganisa ay halaw sa longaniza ng mga Espanyol na counterpart ng sausage na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Masasabing kauri nito ang bratwurst ng Germany, breakfast sausage ng America, sundae ng South Korea, kielbasa ng Poland, at chipolatas ng United Kingdom.
Tulad ng sa ibang bansa, ang sangkap ng Filipino longganisa ay karaniwang giniling na karne (madalas ay pork) at mga pampalasa tulad ng bawang, asukal, asin, at paminta.
Pagkatapos haluin ang lahat ng ingredients, inilalagay ito sa loob ng pinatuyong bituka ng baboy bago iprito o i-grill.
Paborito itong almusal kasama ng sinangag (garlic fried rice) at itlog na mas kilala sa taguring LongSiLog o Longganisa, Sinangag, Itlog.
Napakaraming variety ng Pinoy longganisa, pero sa kabuuan ay dalawang klase ang mabibili sa mga palengke at groceries.
Nariyan ang “de recado” na karaniwang mas maalat at “hamonado” na mas lamang ang tamis.
Bagama’t mas nakasanayan ang longganisang nakapaloob sa sausage casing, mayroon ding mabibili nito na walang balat o skinless.
Read: Hunky chef introduces Pinoy food to foreign audience in socmed
DIFFERENT REGIONS/PROVINCES, DIFFERENT LONGGANISA
Dahil sa pagkakaroon ng samu’t saring version ng Pinoy longganisa, hindi na lang ito tungkol sa pagpili kung de recado, hamonado, o skinless ang nais mo.
Puwede mo na ring tukuyin ang iyong paborito, base sa rehiyon kunsaan ito ginawa.
Narito ang ilan sa mga pinakapopular:
Vigan Longganisa
Dahil sagana ang Ilocos sa bawang, ito rin ang pangunahing sangkap ng ipinagmamalaki nitong longganisa.
Hindi rin sila naglalagay ng asukal o meat extender.
Ang Vigan longganisa ang siya ring main ingredient sa local delicacy nitong empanada, na paboritong itambal sa Sukang Iloko.

Batutay
Ito ang kilalang tawag sa longganisa ng Cabanatuan.
Karne ng baka ang gamit dito sa halip na baboy.
Pagdating sa lasa, nag-aagaw ang alat at tamis nito.
Longganisang Lucban
Ang produkto ng Lucban, Quezon, ang may pinakamalapit na lasa sa gawa ng mga Espanyol, dahil ito’y ginagamitan ng sangkap na paprika, oregano, at spiced vinegar.
Chorizo de Cebu
Hindi lang kakaiba ang lasa ng longganisang ito mula sa Cebu dahil kakaiba rin ang sukat nito: Mas maliit at mabilog ito kumpara sa iba.
Matamis din ito ngunit malalsahan ang sangkap nitong bawang.

Longganisa de Guinobatan
Imbes na giniling na karne ng baboy, hinihiwa lamang ang sahog sa longganisang ito na gawa sa isang bayan sa Albay.
Calumpit Longganisa
Ang ipinagmamalaking longganisa ng Bulacan ay tanyag hindi lamang sa tapang ng lasa ng bawang nito, kundi dahil sa pagkakaroon ng maraming dagdag na sangkap tulad ng dahon ng laurel, dinurog na paminta, asukal na pula, oregano, paprika, at kaunting toyo.
Alaminos Longganisa
Ang bersiyon ng Pangasinan ay may kakaibang orange na kulay dahil bukod sa bawang, asin, at paminta ay mayroon din itong atsuete oil.
Imbes din na tali ay buli grass na mistulang toothpick ang naghihiwalay sa sausage links na mas maliit sa nakasanayan.

Longganisa Ibanag
Tulad ng sa Alaminos, mas madilaw ang kulay ng longganisa mula sa Tuguegarao, Cagayan.
Marami rin itong sangkap na suka.
At bagamat ipinapaloob sa casing ay niluluto ito nang walang balat hanggang lumutong.
Kapampangan Longganisa
Tulad ng tanyag na produkto nitong tocino, ang longganisa mula sa Pampanga ay mapula at matamis. Mayroon din silang bersiyon na skinless ng parehong timpla.

Pinuneg
Ang longganisa mula sa Northern Cordillera region ay gawa sa pinagsama-samang lamang-loob at dugo ng baboy.
Ang blood sausage ay sinasangkapan ng maraming bawang at pinapausukan bago iprito. Inihahain ito kasama ng sukang sawsawan.
Natakam ba kayo sa inihain naming tampok na Pinoy longganisa? Alin ang iyong paborito?
Baka may version din ang inyong rehiyon o lugar ng longganisa, mag-post na lang sa comments section.