Naglabas ng sama ng loob ang isang netizen dahil sa mga bisitang nag-“Sharon”—meaning, nagbalot ng ulam—kahit hindi pa tapos ang event at may mga bisita pang darating.
Ayon sa hinaing ng Redditor na si Dapper_Lettuce8544, nangyari iyon sa birthday ng kanyang anak limang buwan na ang nakalilipas.
“Di sa nagdadamot pero sana they ask for permission muna, or atleast nagpa Go signal kami,” published as post ng netizen.
“May isa pa na proud syang may dala syang plastic labo.
“May isa pa na, nag take away ng food na specifically sinave ko for us and the kids, kaso didn't even asked permission if okay lang ba na iuwi.”
Bilang introvert, hindi raw masabi ng netizen na, "’ay, may dadating pa po akong mga bisita’”.
Hindi rin daw nagtanong sa host ang mga bisitang nag-Sharon kung may iba pang bisitang darating.
Pagtatapos niya, “Sana wala nang mag-Sharon pag na-invite or even asked permission na lang."

NETIZENS SPEAKS UP ABOUT "SHARON" CULTURE
Just for background, ang paggamit ng pangalan ni Sharon Cuneta sa Pinoy slang ay dahil sa 1985 hit song niyang "Bituing Walang Ningning," na ang unang linya ng chorus ay, "Balutin mo ako..."
Samantala, maraming netizens ang nagbigay ng kanilang saloobin kaugnay ng nangyari.
Karamihan sa kanila, nagkakasundong mali ang inasal ng mga bisitang nagbalot ng ulam nang walang paalam sa host.
Binanggit din ang mga sa tingin nila ay “unwritten rules” pagdating sa pagbabalot ng pagkain sa handaan.
(Note: All comments published as is)
Saad ng isang netizen, “Nagbabalot lang ako kapag nag-alok na ung may-ari mismo, o kaya minsan sa townhall sa work kapag as in tapos na lahat kumain tapos may tira tira pa.”
Pagsang-ayon ng isa pa, “akala ko nga magbabalot ka lang food pag tapos na yung party? Hindi yung uuwi nalang may pabalot pa hahahahaha anoyan souvenir”
Ang paalala ng user na ito: “Sharon culture Talaga is pag may cue na pwede na magbalot haha.”

Dagdag ng isang netizen, ang "cue" ay dapat “based sa na-oobserve ko rin sa mga matatanda is (especially sa mom ko), hintayin muna yung party host na magsabi or mag-offer na pwede nang mag-sharon ng handa yung mga natirang bisita sa party.”

May gumawa naman ng “’sharon’ etiquette to remember.”
Una, hintayin daw ang host o sinumang may dala ng food na magsabing “i-uwi mo na yang sobra.”
Ikalawa, tanggapin kapag inabot ng host ang binalot na food. Kung hindi ito gusto ay ibigay sa iba.
Ikatlo, ubusin ang kinuhang pagkain.
Imbes kumuha agad ng marami, kumuha muna nang kaunti at bumalik kung nabitin.
Ikaapat, kung pre-packed ang food, tulad ng fast-food delivery, ialok sa kasama ang hindi mo maubos.
Ikalima, mag-ooffer sa host na tulungan siyang magligpit ng kalat after ng party.
Paglilinaw ng netizen, hindi raw ito rules, kundi mga mungkahi sa tamang pagsa-Sharon sa handaan.

Komento ng isa pang netizen, ang nakasanayan daw niya ay magpapaalam sa host at tatanggapin kung mag-alok ang host ng bitbit.
“Kung hindi mag-offer ang host ng balot, keri lang din naman,” sundot niya.

May isang netizen nag-point out sa shortcoming ng introvert na Redditor.
“Next time try to set boundaries too… need mo din mag step up for yourself in these cases," sabi nito.
Agree ang isa pang user, “True. OP [Original Poster] should also be firm sa mga bisita. Tumatahimik lang din eh pwede naman magsabi na may mga bisita pang darating.”

SHARONIAN ETIQUETTE 101
May mga ibinahagi namang “Sharonian Etiquette 101” ang lifestyle vlogger na si Life of Tita.
Una, huwag daw muna magbalot kapag hindi pa nakakakain ang lahat.
Aniya, “Kawawa naman kung pagdating ng iba, nasimot na ultimo sarsa.
“Eyes on the prize pero wag masyadong gigil.”
Ikalawa, “Kapag nakapag-uwi ng pagkain, huwag na nating laitin na kesyo maalat, walang lasa, masyadong masabaw, malansa, etc.”
Pangatlo, tanggapin lamang kung ano ang inalok.
“Huwag na yung magki-kitchen o ref tour pa tayo at maghahanap ng iba pang maiuwi.”
Pang-apat: “Habang nagbabalot tayo, wala naman sanang sakitan o sikuhan na parang may sale sa mall.”
Pumila raw nang maayos at “wait tayo sa turn natin.”

Ikalima, kung wala kang dala sa napag-usapang potluck, okay lang lalo kung wala kang budget.
“Pero iwasang mag-uwi nang mas madami pa sa mga nagluto o nag-abalang mag-order.” Hintayin daw silang mag-offer.
Pang-anim, huwag kukuha hangga’t walang go-signal.
“Huwag agad mag-assume at pangunahan yung instructions."
Ikapito, “Huwag sasama ang loob kapag hindi pinauwi pati yung softdrinks, sawsawan, calamansi na hindi pa hiwa, chips na bukas na, etc. Baka naman kasi gusto nung nagdala yun.”
Ikawalo, kapag may natapong sarsa o ulam sa lamesa o sahig, “linisin natin."
Kahit pa raw sabihin ng host na "'hayaan mo na iyan,' linisin pa din natin."
Ikasiyam: “Kapag naman pinakuha, wag naman pang-isang linggo. Yung sakto lang na baon o pagkain natin bukas. Mga 1/4 of everything siguro ganon.
“Kapag pinadagdagan, thank you. Pag sapat lang, thank you pa din.”
Panghuli, kung pinahiram daw ng lalagyan, ibalik ito “in good condition.”
Dagdag pa rito, “Alam natin yung pakiramdam kapag may nawawalang Tupperware.”
Kung nasira o nawala ang lalagyan, palitan na lang.
Bilang pagtatapos, sa totoo lang, partikular sa mga hindi nahihiya, wala naman talagang masamang magbalot o magbitbit ng pagkain mula sa handaan o kainan, lalo na kapag marami pang tira.
Pero ang nararapat: magkaroon ng tamang asal, tulad ng pagsasabi o pagpapaalam, at pagiging considerate sa mga kasama o sa host ng handaan.
Sa parte naman ng host, magsabi agad kung puwedeng mag-Sharon. Huwag mahihiya. Yung iba pa nga ay naghahanda talaga o pinagdadala ang guests ng microwaveable containers. Yung iba, may paunang-sabi, "Pagsaluhan natin ang konting handaan," na dapat ay maunawaan ng mga bisita.
