Tatlong klase ng food and beverages ang dapat iwasan dahil sa health risks na maaaring maidulot ng mga ito.
Ito ang tinalakay ng Pinoy Olympic nutrition coach na si Jeaneth Aro, na naging nutritionist ng ilan sa Filipino medalists natin sa Tokyo at Paris Olympics.
Paliwanag ni Aro, ang sobrang pagkonsumo ng mga pagkain at inuming ito ay puwedeng mauwi sa pagkakaroon ng iba-ibang sakit.
Tinukoy niya ang mga ito sa kanyang YouTube video na may titulong “Top 3 Foods to Avoid” noong January 13, 2025.
ULTRA-PROCESSED FOOD AND SNACKS
Ang una sa listahan ng registered dietitian ay ang tinatawag na ultra-processed food (UPF).
Ito ay yung mga ready-to-eat products na gawa sa factories.
Taglay ng mga ito ang chemically modified substances mula sa pagkain at may halong preservatives, additives, at artificial color.
Kadalasan ay walang sustansiya ang mga pagkaing ito.
Ilang halimbawa nito ay mass-made bread, ready-to-eat meals, sweetened breakfast cereals, chips, biscuits, ham, at sausages.
Dagdag pa ni Aro, kasama rito ang bacon, corned beef, at processed meat.
“Most ultra-processed foods don’t contain the nutrients you need for good health. Instead, they contain high levels of sugar, saturated fat and salt, which can cause chronic health problems,” ayon sa Australian blog na Health Direct.
Pagsang-ayon ni Aro, “Kadalasan ang mga food-like substances na ito ay mataas sa calories, pero mababa sa nutrients.
“Kaya tinatawag din silang empty calories dahil nagbibigay ito ng energy pero kulang sa sustansiya.”
Binanggit niya ang inilabas ng British Medical Journal na nili-link ang UPF sa pagbigat ng timbang at obesity.
Paliwanag ni Aro, “[D]ahil ito sa mataas na sugar content, refined carbohydrates, at unhealthy fats na hindi nakakatulong sa pagkaramdam ng pagkabusog, kaya madali tayong magutom.”

Kadalasan, ang UPF ay mataas din ang salt at trans fat content. Maaari itong magdulot ng pagtaas ng blood pressure at cholesterol level, na kalaunan ay puwedeng mauwi sa heart disease.
Ang processed sugar naman sa UPF ay puwedeng maging sanhi ng biglaang pagtaas at pagbaba ng blood sugar.
Kalaunan ay puwedeng magresulta ito sa insulin resistance ng katawan.
Kung mahilig sa snacks tulad ng chips at biscuits, rekomendasyon ni Aro na piliin bilang alternatives ang prutas, nilagang kamote, at roasted mixed nuts.
SEED OILS
Nagbabala rin si Aro sa ilang uri ng mantikang ginagamit sa pagluluto.
“Akala natin ay mas healthy sila, pero ang totoo, ang mga cooking oils na tulad ng canola, soybeans, sunflower, at corn oil ay mataas sa omega-6 fatty acids na maaaring magdulot ng imbalance sa ating katawan when consumed in high amounts.”
Paliwanag ni Aro, ang sobrang pagkonsumo ng omega-6 mula sa seed oils ay nagreresulta sa imbalance ng omega-6 at omega-3 ratio.
Dagdag niya pa, lumabas sa pag-aaral ng Journal of Nutrition and Metabolism na ang sobrang intake ng omega-6 ay "nauugnay sa inflammation, na maaring magresulta sa sakit tulad ng arthritis at heart disease."
Binanggit din ni Aro na sa Gut Journal noong December 2024, tinalakay na posibleng konektado ang mataas na intake ng seed oils—tulad ng canola oil, sunflower oil, at corn oil—sa colon cancer.
Pagpapatuloy niya, “Natagpuan sa tumor samples na natagpuan sa 81 na pasyente na may mataas na level ng bioactive lipids, na nauugnay sa omega-6 fatty acids na madalas na natatagpuan sa seed oils.”
Disclaimer ni Aro, “Bagama’t hindi pa ito direktang nagpapatunay na ang seed oils mismo ang sanhi, malinaw na may connection sa diet na mataas sa ultra-processed foods na madalas gumagamit ng seed oils.”
Ibinigay niyang alternative sa seed oils ang coconut oil at olive oil.
“Ako, personally, coconut oil ang gamit ko sa pagluluto sa bahay,” sabi ng nutritionist.

SOFT DRINKS AT SUGARY beverages
“Sobrang taas ang sugar content ng mga inuming ito na posibleng magdulot ng iba't ibang problema sa kalusugan,” sabi ni Aro.
“Ang isang 350ml. na soft drink ay may halos 10 teaspoons ng sugar. Lampas na ito sa recommendation ng World Health Organizaiton na nagsasabing dapat ang asukal ay hindi hihigit sa six teaspoons per day para sa adults.”
Ang regular na pag-inom ng soft drinks at iba pang matatamis na inumin ay nagreresulta raw sa blood-sugar spike at nagiging dahilan ng insulin resistance, at kalaunan ay diabetes.
Sabi pa ni Aro, “Ang mga soft drinks ay puno ng empty calories na walang sustansiya at maaaring magdulot ng labis-labis na pag-angat ng inyong timbang."
Nakakasira rin ng ngipin ang sobrang pag-inom ng soft drinks dahil sa asukal at acidity nito.
Healthy alternative raw ang buko juice, homemade lemonade, at tubig.
Sa halip daw na magkonsumo ng UPF, seed oils, at soft drinks, “Piliin ang mas natural at nutrient-dense na whole foods.”
