Isang farm sa Botolan, Zambales ang gumagawa ng food products na gawa sa kamoteng inaani ng ilang Aetas.
Hindi na lang ito inilalaga, o ginagawang barbecue o minatamis na kamote.
Sa naturang farm sa Botolan, ang kamote ay ginagawang pandesal, cookies, ice candy, at iba pa.
Ang mga kamote ay inaani ng ilang Aetas sa Botolan. Dito na-relocate ang mga Aetas matapos pumutok ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Ipinakita ng magpinsang Aeta na sina Doglas “Oglas” Domulot at Nerisa “Esang” Castillo kung paano anihin ang mga kamote sa malawak na taniman.
Tampok ito sa Pinas Sarap na umere noong 2018.
Inilarawan ng host na si Kara David na ang taniman ay may malabuhanging lupa dahil nahaluan ito ng volcanic soil nang pumutok ang Mt. Pinatubo.
“Ang volcanic soil, it makes the soil very rich. Sabi nga nila, the sweetest fruits come from volcanic soil daw, e,” ani Kara.
Matapos maipon ang naaning kamote, dinala ang mga ito sa farm na kinaroroonan ng pagawaan ng kamote products.
Doon, ang root crops ay ginagawang cookies, pandesal, wine, at ice candy.
Nang tikman ni Kara ang nilagang kamote, inilarawan niya itong matamis at hindi tulad ng nabibili sa palengke na minsan ay matabang.
Hindi na raw ito kailangang haluan ng asukal o iba pang pampalasa.
“It’s very, very sweet. Puwedeng kainin as it is dahil ang tamis niya,” sabi ng GMA-7 news anchor.
Read: Tipid hack in cooking pasta al dente
KAMOTE TURNED INTO COOKIES, PANDESAL, ICE CANDY
Ipinakita kung paano gawin ang kamote cookies.
Paliwanag ni Kim Mactal, gumagawa ng kamote products, ang una nilang natutunan ay paggawa ng kamote pandesal.
Kalaunan, naisipan nilang lumikha ng iba pang produktong matitipuhan ng younger market.
Sabi ni Kim, “Actually po, nag-start po kami ng pandesal po. Kasi yun po ang pinakamahirap aralin.
“Para po sana ma-catch din yung market ng mga bata, mga students, nag-isip pa po kami ng iba pa pong puwede po na madali po nilang kakainin.”
Ito ang naging daan para gumawa sila ng kamote butter cookies.

Sa paggawa ng cookies, pinaghalo-halo sa mixer ang harina, asukal, margarine, at butter.
Isusunod na ihahalo ang dinurog na nilagang kamote, at lalagyan ng kaunting asin.
Hahaluin ang lahat sa mixer hanggang maging pino ang mixture at maging dough.
Huhulmahin ito para maging hugis cookies at isasalang sa 100-degree Fahrenheit oven sa loob ng 30 minutos.
Sabi ni Kara tungkol sa finished product, “Masarap. Malinamnam. Lasang-lasa ang butter. ‘Tapos merong saktong sweetness. Hindi matamis na matamis.
“May distinct sweetness ang kamote na di nakakaumay. It’s not your ordinary butter cookies na super tamis na nakakasawa. Nalalasahan mo yung kamote.”
Paglalarawan naman niya sa kamote pandesal, lasa raw itong pinaghalong pandesal at monay, na manamis-namis ang lasa.
Kakaiba rin daw ang kamote ice candy at naiiba sa mga nakasanayang ibang flavors.
Sabi ni Kara, “Ang sarap. Alam mong kamote, nalalasahan ang medyo bits of kamote.”

Read: 3 types of food to avoid, according to an Olympic nutrition coach
KAMOTE IN THE PHILIPPINES
Nagmula sa Central America, napadako sa Pilipinas ang kamote noong panahon ng mga Kastila.
Isa ito sa mga pinakakaraniwang itinatanim na tubong-ugat sa bansa.
Hindi kasi ito mahirap patubuin at puwedeng itanim kahit anong oras ng taon.
Hindi rin ito maselan patubuin tulad ng ibang pananim.
Sa 2019 report ng Starchproduction.com, binanggit dito ang halaga ng kamote sa ekonomiya ng bansa.
Bukod sa puwede itong maging main source na pagkain para sa ordinaryong Pilipino, malaking porsiyento nito ay inaani at ibinebenta sa mga planta para gawing starch.
Ang starch ay ginagawang raw material sa paggawa ng alcohol, glue, at syrup, at ginagamit din sa textile o paper industry.
