Filipino comfort food ang ino-offer ng Virginia’s Heritage Pancit Cuisine na itinayo noong December 2021.
Matapos lamang ang limang taon, mayroon na itong apat na branches: tatlo sa Laguna (Calamba, Sta. Rosa, at Biñan) at isa sa Muntinlupa.
Nasa likod nito ang isang ginang, si Virginia Epanto, na nagsimula sa pagluluto ng short orders ng pancit para sa mga kapitbahay at mga kakilala.
Pampalipas-oras lamang ito ni Aling Virginia dahil nagtatrabaho naman ang kanyang mister na si Antonio Epanto.
Tinutulungan siya ng tatlong anak sa pagluluto at sa pagbabalot ng mga orders.
“Actually, yung business ng mom ko, pastime niya lang talaga. Hindi talaga siya totally for profit or para buhayin kami. Housewife talaga siya, e," kuwento ng bunsong si Fatimah Epanto-Ocba.
“Yung dad ko talaga yung nagpo-provide for us. Pero since wala siyang ginagawa sa bahay, nagluluto at nagbebenta siya ng pancit.”
Pero nang pumanaw ang ama ni Fatimah, nanamlay si Aling Virginia.
Si Fatimah ang umisip ng paraan para manumbalik ang saya at sigla ng ina.
Nung nabubuhay pa ang kanyang ama, pangarap nitong magtayo ng restaurant na ang ise-serve ay mga luto ni Aling Virginia.
Ito ang naisip tuparin ni Fatimah.
Ang specialty ng restaurant ay mga Filipino dishes na level up ang lasa. Yung tipong maaalala mo ang luto ng iyong nanay.
Mula sa trahedyang sinapit ng pamilya, bumangon sila, at pikit-matang itinayo ang isang food business para buhayin ang alaala ng nasirang ama at tuparin ang pangarap nito noong nabubuhay pa siya.
Read: Is it safe to eat hard-boiled eggs with grayish yolks?
THE BIRTH OF AN UNEXPECTED BUSINESS
“Very unexpected yung journey namin nung pagsisimula talaga namin,” kuwento ng owner na si Fatimah sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Si Fatimah, 29, ay owner ng Virginia’s. Siya ay nagtapos ng Economics sa University of the Philippines – Los Baños noong 2016.
“Before, I was in a corporate world. I was at Mang Inasal. So, I'm doing trade marketing po.
“So, namatay yung dad ko last October 2021,” ani Fatimah ukol sa amang inatake ng cardiac arrest.
“And then sobrang sudden lahat ng nangyari. And then walang kasama yung nanay ko sa Laguna. Kasi yung dalawang [older] brothers ko naman, nasa abroad na.
“So, pag nasa Manila ako, naiiwan lang sa Laguna talaga yung parents ko. Sila lang talagang dalawa.”
Ang pagkamatay ng ama ay naging malaking dagok sa pamilya, lalo na sa kanilang ina.
“Sobrang devastated talaga nung mom ko.”
Hindi nagdalawang-isip si Fatimah na iwan ang kanyang buhay at trabaho sa Maynila para samahan ang kanyang ina.
“I have to move back in Laguna for my mother kasi ayaw ko nang mawala yung isa. Nawalan na ng isa, e.”
Panandalian lamang dapat ang plano ni Fatimah sa Laguna. Kailangan niyang manatili sa tabi ng ina para maka-recover.
Bukod doon, wala siyang tiyak na plano.
“Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa Laguna at all. So, doon lang siya nag-start, e, kasi wala, wala akong ginagawa sa Laguna.”
Nagdesisyon siyang magtayo ng restaurant.
“Gusto niya talagang mag-start ng family business, kasi my mom was very good at cooking talaga.
“Pero that time, sobrang busy ko sa work. Walang gagawa. Walang mag-i-initiate.
“So, parang yun yung tumatak sa akin. Ito yung hindi ko na-fulfill na dream ng tatay ko.”
Dahil walang ginagawa sa bahay, naisip daw ni Fatimah na sign ito ng Diyos para tuparin ang pangarap ng ama.
Pero nag-umpisa raw muna sila as an online food business para mas mabilis ang pagsisimula.
“Kasi nasa bahay ako at yung nanay ko, nag-iiiyak umaga magdamag.
“So, baka ito na yung calling and sign para start ko siya.”

Inamin ni Fatimah na kabado siya dahil “wala akong experience in running a business.”
Pero agad namang umusad ang lahat dahil sa social media.
“Naggawa ako ng Facebook page for that, ‘tapos naka-post din siya and all.
“So, hindi lang mga kapitbahay, hindi lang mga friends, hindi lang mga kakilala namin yung bumibili…
“Yung mga taga-Calamba na rin talaga na pumupunta doon, 'tapos di namin talaga kilala at all.
“Biglang kakatok, ‘A, nakikita po namin sa Facebook…’ ganun. ‘Bibili po kami ng ganito.’
“So, naging busy yung nanay ko. Wala na siyang time umiyak. Wala na siyang time malungkot kasi paggising niya sa umaga, sabi ko, ’Nay, may order tayo.’”
Naalala ni Fatimah yung panahong sideline pa lamang ng kanyang ina ang pagluluto.
“Iyong dalawang kuya ko, magtuturuan, nag-aagawan sila kung sino magluluto. Kasi kung sino magluto, sa kanya yung pinagbentahan,” ani Fatimah.
“As in nakasupot lang siya, and then ibibenta niya lang ng PHP60 per order. Ano lang, short order, ganun.
“’Tapos walang pa ring mga bilao. Ang niluluto lang talaga niya noon canton, bihon, sotanghon.”
Nung nagkaroon ng food fest sa kanilang elementary school, nagpaturo raw siya sa ina kung paano lutuin ang specialty nito.
“Sabi ko, ‘Gusto ko lutuin yung pancit mo. Gusto kong manalo.'
“Kahit sinong makatikim, kahit sa school ko, talagang nagustuhan nila.
“Doon ako nag-start na bata pa lang ako, nagluluto, pancit talaga.
“So, lahat kami doon sa family, alam namin yung recipe nung nanay ko na pancit, even before pa, nung bata-bata pa kami. Tinuturuan na kaming magluto ng nanay ko.
“And then, sunud-sunod na yung mga recipe niya na favorite ng tatay ko—adobo, spareribs, which is yun yung nasa menu namin ngayon.”
Nang simulan ang online food business sa bahay, napansin daw sila ng Pera-Paraan, isang programa sa GMA-7 na nagtatampok ng mga negosyo.
Nagkaroon daw ng malaking impact sa negosyo nina Fatimah ang TV exposure. Mas dumami raw ang kanilang orders sa Facebook.

OPENING THE FIRST BRANCH
Pagsapit ng December 2021, ilang buwan lamang matapos pumanaw ang ama at simulan ang food business via online, naisip ni Fatimah na kumuha na ng puwesto.
“December 2021, yun nga yung turning point.
“Nasabi ko, ‘Gusto kong maalala yung tatay ko na masaya ako, masaya kami.’
“So yun yung determination ko noon. Sabi ko, ‘Gusto niya ito, e. So, itatayo ko ito, para sa kanya ito.' So, December 2021 yun.”
Dagdag pa rito, madalas daw mahimok si Fatimah ng mga kamag-anak at mga kakilala na magtayo na ng physical store.
“Parang sabi nila, ‘May puwesto doon sa Biñan, may puwesto sa ganito. Bakit hindi na kayo magtayo...' ganun. 'Mag-dine in na kayo...’ ganun.”
Lalong lumakas ang loob ni Fatimah na kumuha na ng puwesto at magtayo ng restaurant.
“Kasi feeling ko naman, gina-guide naman kami ng Diyos at ng tatay ko, e. Kasi nakikita ko yung path. Nakikita ko kung ano yung gusto kong maging kami in the future. Nakikita ko yung dream ko na kaya namin abutin.”

Nakahanap daw ng puwesto si Fatimah sa Calamba.
“...within the heart of Calamba, sa bayan papuntang bahay ni Rizal. Very affordable, and sobrang bait yung nakausap ko na nagpapaupa.”
Mabilis daw kumilos sina Fatimah.
“So, wala nang patumpik-tumpik pa. Doon na nag-start lahat. Wala na akong sinayang na oras. ‘Tapos, katulong ko din doon, siyempre, yung nanay ko.”
Magkano ang gastos nila?
Limitado lamang daw ang budget nila na galing sa kanyang savings na PHP100,000.
Para sa disenyo ng kanilang restaurant, halos mag-DIY (Do-It-Yourself) si Fatimah.
“Yung contractor, local lang siya, hindi talaga siya yung malaking contractor na gumagawa. Hindi namin afford, e.
“’Tapos arkitekto, wala din. Kami-kami lang. IKEA lang. Yes, IKEA ako, ‘tas tinitingnan ko. Pinagsasama-sama ko sa isip ko ano yung magandang kombinasyon. Kasi meron naman doon parang decks na puwedeng tingnan.
“So, sabi ko, ‘Ah, okay, parang maganda yung wall plan.’
“’Yung nanay ko, mahilig sa halaman. Something that can create yung branding ng nanay ko, and, at the same time, yung homey feeling. Sabi ko, yun yung kailangan maramdaman nila kapag nasa store sila. Hindi siya kailangang enggrande, pero kailangan mukha siyang bahay.”

Ginamit daw ni Fatimah sa negosyo ang kanyang mga natutunan sa dating trabaho.
“Naging abala ako sa pagpaplano sa marketing, paano ba yung design...
“Yung nanay ko naman, siyempre, more on bahay talaga siya, housewife. So, hindi extensive yung knowledge niya when it comes to marketing, kung paano ipa-price, kung paano siya ipo-promote. Kaya doon ko siya tinulungan.”
Dahil kulang sila sa budget, ang mga kasangkapan daw nila sa bahay tulad ng refrigerator, mga kawali at lutuan, mga plato, utensils, at iba pa, ay dinala nila sa kanilang unang branch.
Hanggang ngayon nga raw, ang refrigerator nila sa bahay ay nasa unang branch pa rin.
Maganda raw ang takbo ng negosyo sa kanilang unang branch. Dinumog ito ng mga residente roon.
Muli raw silang binisita ng GMA-7 noong 2023 para sa success stories ng mga negosyong dati nilang naitampok.
Nakatulong daw uli iyon nang malaki sa kanilang first branch.
“Since that time, nag-expand kami into more branches, hindi na lang Calamba.
“Nakilala na rin sa Sta. Rosa, sa Biñan… sa Laguna, which is yun naman yung strategy namin.
"Hindi muna mag-Manila. Parang i-saturate muna yung Laguna. Then pag kilala na kami, saka kami pwede sigurong palapit nang palapit na sa NCR.”
Ang pinaka-recent branch na kanilang binuksan nito lamang July 2025 ay sa Muntinlupa.

THE BIRTH OF A NEW PRODUCT
Apat na ang branches nila sa maiksing panahon, pero ani Fatimah, dumaan sila sa matinding hirap at pagod.
“Actually, maraming times lalo nung nagsisimula pa lang kami. Wala akong kasama, wala akong katuwang, wala akong katulong dito...
“Yung first branch namin, kami lang ng nanay ko. Magbubukas kami ng 10:00 A.M. but before that, namamalengke pa kami.
“’Tapos magsasara kami ng 7:30 P.M. After that, magbabalot kami ng lumpiang shanghai para kinabukasan.
“Kami din yung tumatao sa store—nanay ko nagluluto. Ako nagti-take ng orders, ng mga deliveries... Hanggang sa lumago nang lumago.”
Ilang buwan lamang matapos itayo ang first branch, isang kilalang restaurant ang itinayo malapit sa lugar.
Pero hindi nawala ang paniniwala ni Fatimah sa kanilang negosyo.
“We have so many competitors in Calamba and they offer palabok, [pancit] Malabon, and even mga bihon.
“Pero I noticed the common denominator sa kanila, they offer and strengthen on same products like [pancit] Malabon, pichi-pichi…
“So, I think we should strengthen on products that they don't have, and doon tayo mag-focus. Ipakilala natin siya. Tutal masarap naman siya. So we focused on crispy palabok,” pagtukoy niya sa kanilang specialty dish.
“So, we target as Laguna's famous crispy palabok kasi wala pa naman [sa Laguna].
“So, yung crispy palabok, doon namin na-strengthen, and the black kutsinta, the leche kutsinta.”
Ang mahigpit daw nilang kalaban ay nag-i-specialize sa delivery at mga produktong tulad ng pancit Malabon, spaghetti, at pichi-pichi.
Kaya umisip si Fatimah ng iba pang produkto.
Nag-offer sila ng rice bowl meals para maengganyo ang mga tao sa dine-in at hindi lang delivery.
Naglabas din sila ng pancit cake, na binubuo ng iba-ibang uri ng pancit at napapalibutan ng nakatayong lumpia para magmukhang bilog.
“So, nilalagyan din iyan ng candle sa gitna, nagki-cake blowing sila tapos pina-arrange namin yung [lumpiang] shanghai doon.”
Mainit daw ang pagtanggap ng mga customers dito.
Isa pang naging hamon sa kanila ay ang pagtatayo ng branch sa Santo Tomas, Batangas.
Noong una raw ay pumatok ang negosyo, subalit nagsulputan ang mga establishments tulad ng mall at grocery store.
Kahit positibo ang feedback ng mga customers, parking ang naging problema sa lugar na iyon.
Matapos ang isang taon, nagdesisyon sina Fatimah na isara ang branch doon.
At mula sa mga challenges na ito, marami raw silang natutunan tungkol sa pagpapatakbo ng negosyo.
“So, yung mga ganun ang learning, magpi-fail at magpi-fail ka talaga, e.
“Pero, at least, now, you know, na eto yung mga learning mo na hindi mo na uulitin, itong mga mistakes na ito.
“Kasi naman, ‘Sige, try natin…’ Siyempre, calculated pa rin yung risks, pero hindi naman natin talaga malalaman kung di natin susubukan, e.
"Kaya kapag nagkamali na kami doon, wag na natin ulit gawin. So, ibang strategy na tayo.”
Read: 2 students grow PHP1K into 6-figure potato business
COLLABORATIONS AND PROMOTIONS
May mga local food vloggers din daw na bumisita sa kanilang store.
Ang iba ay talagang nagsadya sa restaurant. Ang iba ay talagang inimbitahan niya.
Hindi raw siya nag-sugarcoat para sa content. Kumbaga what the viewers will see on the vlogs is what the customers will get.
“Kailangan di mo sila i-fail doon kasi masasayang lang yung efforts mo. So, yung ano namin, kailangan yung quality is the same. Kung ano yung nakikita doon sa mga vlogs, kung gaano siya kadami, yun din dapat yung ise-serve doon sa customer.”
Positibo raw ang reviews ng mga ito kaya nakatulong din sa pag-promote ng restaurant.
Itinuloy rin ni Fatimah ang Facebook ads.
HER FATHER’S LEGACY
Pagdating sa pinansiyal, nagkaroon daw ng mga pagkakataong abonado pa siya, lalo na noong nagsisimula pa lang ang business.
Pero hindi raw pinanghinaan ng loob si Fatimah.
“Hindi lang siya basta para kumita din, e. Hindi lang siya basta dahil gusto naming magnegosyo para magkapera.
“Parang ano siya, e, may emotional factor sa amin, e. ‘Ano iyan ng tatay mo, hindi mo puwedeng pabayaan.’
“So, hindi lang siyang purely [for profit]. Kahit sa mga tao namin sinasabi namin na ganun, ‘Hindi lang siya for profit generation. Kapag magkakamali kayo at masisira yung negosyo, sisirain niyo yung legacy ng tatay ko.’”
ENJOYING THE FRUITS OF THEIR LABOR
Abala ngayon si Fatimah sa pagpapatakbo ng kanilang four branches.
Umuwi na rin ang isa niyang kuya at ang pamilya nito. Sila ngayon ang magkakatuwang sa pagpapatakbo ng kanilang food business.
Tinatayang may 20 employees sina Fatimah sa apat na branches nila.
Patuloy na dinarayo ang kanilang signature dishes na crispy palabok, pancit sisig, rice bowls na garlic pork adobo, chicken cordon bleu, dulce de leche kutsinta, at malinamnam na halo-halo.
At ang ipinagmamalaki ni Fatimah ay napagkasya nila ang puhunan at napalago nang hindi kinakailangang mangutang.
“So, hindi kami nag-u-open ng isang branch na galing sa utang or hiniram or galing sa [personal] savings.”
Mayroon daw silang savings for personal at nakahiwalay yung for business.
“So, yung business savings, siya yung magpopondo ng next branch.
“Ayaw namin yung mangungutang sa bangko or sa friend para makapagbuno ng susunod na branch.
“For me, para masabi mong naging successful ka, at nakapag-branch out ka, dapat kaya mo na siyang i-fund now.”
Sa kanyang estimate, ang kinikita niya ay may average na PHP100,000 kada buwan per branch.
“Average for all the branches, pero hindi naman pare-pareho. Like, for example, smaller space, siyempre, smaller earnings...”
Para naman sa kanyang sarili, “Sa sarili ko naman, of course, yung travel. Kasi mahilig talaga kami mag-travel, e. Kami ng nanay ko, asawa ko...
“Hindi ako mahilig sa mga material things talaga, bukod sa pag-invest sa business. Ito talagang luho ko, kasi na-addict ako, e, nung naging okay. Na-addict ako mag-invest.
Tatlong bansa sa Europe na raw ang nabisita nilang mag-asawa at sampung bansa sa Asia, kung saan nakasama nila sa biyahe ang ina.
“You know, yung na-e-enjoy namin yung life than before. Sayang, ang sabí ko, sana naabutan ng tatay ko, kasi yun talaga, mahilig talaga gumala saka kumain.”
What's next for Fatimah?
“Gusto kong mag-aral ng culinary, 'tapos I want to upgrade mga dishes.
“And then gusto kong magbukas ulit ng more high-end restaurant in Calamba.
“Gusto ko rin kasing mag-events. Mahilig din ako sa mga ganun, e. So, gusto ko restaurant siya, and at the same time, pwede siyang i-turn into events hall.”

BUSINESS ADVICE
Batay sa kanyang naging karanasan, ano ang mga business advice niya sa future at current entrepreneurs?
“For me, kailangan ikaw mismo sa sarili mo, naniniwala ka dun sa negosyo na itatayo mo.
"Not because you want profit, not because you want to afford material things, pero because you believe in the business plan, you believe in your business idea to the point na kapag nagkagulo-gulo lahat, kaya mo siya ipaglaban."
Pagpapatuloy ni Fatimah, “Kasi kapag andoon yung determination mo… ako meron talagang months na parang abonado pa ako.
“May ganun na parang, ‘Sige, abonohan ko this month.' But next month, hindi puwedeng ganito. So, kailangan meron ka nang in mind ano yung gagawin mo para next month, iba na.”
Nagbigay pa ng halimbawa si Fatimah kung gaano kaimportante ang paniniwala sa itinayong negosyo.
“Hindi ko alam kung may naga-guide ba sa akin o something because feeling ko naman di naman ganun kagaling yung business acumen ko compared sa mga professionals talaga, e.
“Pero at that point [of struggle] parang makaka-survive ka kasi gusto mo siyang ilaban. Makakaisip at makakaisip ka ng puwede mong gawin parang mapunta ka doon sa right way.”
May ilang tips naman siya pagdating sa pag-handle ng staff at pagharap sa mga pagsubok.
“Siguro, first is yung work ethics mo, yung values mo pagdating doon sa craft na ginagawa mo.
“For example, kailangang maging role model sa staff mo. Hindi puwede iyong sinasabi mo sa kanila na dapat gawin nila, pero ikaw sa sarili mo, hindi mo rin pinapakita na yun yung ginagawa mo.
“So, doon ka magkakaroon ng authority issues sa kanila.
“And I think yun yung way para ma-earn mo yung respect nila at yung trust nila. It's a two-way ano, e. Respeto mo sila, irerespeto ka din.
“And then second, rest if you must, but don't you quit. So, magpahinga ka, mag-unwind ka for one time, but after that, you have to think of a solution kasi hindi lang naman ikaw yung nasa negosyo.
“Kapag iniisip ko na mag-close, hindi lang ako, hindi lang main staff, especially yung kapatid ko na umuwi na for good. Pag kin-close ko ito, paano sila? Babalik ba sila?
“Ayaw ko na mahiwalay sa kapatid ko. So, ayaw kong bumalik siya. Ayaw kong mag-abroad ulit siya just to finance his family.
“So, sabi ko, ‘Hindi, itutuloy ko ito. Gagawan ko ng paraan.’ And kapag nasa negosyo naman at kasama mo yung family mo, magaan, e."
Importante rin daw na ikaw mismo ay sumisilip sa negosyo.
“And [third], pagiging hands-on sa negosyo. Hindi porke’t may mga tao naman, gagalaw na ang negosyo kahit wala ako, sitting pretty na lang ako sa bahay. Kailangan ko silang tingnan.”
Dagdag ni Fatimah, learn from the experience and mistakes.
“Hindi naman siya by the book, e. Hindi ko rin siya natutunan sa school kasi ang layo ng inaral ko sa school, more on numbers...
“So sabi ko, ‘Grabe pala talaga pag nagnegosyo ka, you give it your all. Hundred percent, hundred fifty percent pa nga, e.'
“Kasi may times talaga na minsan, di ako matutulog, gagawa ako ng business ideas, paano magsu-survive. Iyong mga ganun.
“'Tapos kinabukasan, isipin ko naman implementation na.
“Kaya sabi ko, kung iku-compare ko yung 2021 version of myself sa ngayon, na parang sobrang nag-grow ako, nag-grow ako dito sa negosyo na ito, na mas malakas din yung loob, mas confident...
“Feeling ko dati, shy talaga ako, e, na hindi ako confident.”
May realization din si Fatimah matapos ng kanyang mga karanasan.
“Ang tagal bago ako nag-start [mag-business]. ‘Tapos yung lagi kong dahilan sa tatay ko, ‘Ah, busy kasi ako sa work, e.'
“Pero ang totoo noon, natatakot ako. Natatakot akong mag-start kasi baka mag-fail, baka ma-disappoint siya, ganyan. Kaya lagi kong sinasabing, 'A, busy ako…’ ganun.
"But nung andoon na, sabi ko, ‘Kaya naman pala.' Siguro ginuide din niya ako. Kasi hindi ko talaga alam kung paano ko maiisip din, saka kung paano ko rin iraraos yung mga struggles na iyon pag naiisip ko ngayon.”
