Pagdating sa pagpiprito, isa sa pinaka-inaayawan ay ang pagtalsik ng mainit na mantika.
Iniiwasan ito kahit ng mga magagaling at sanay sa kusina, lalo na ang mga hindi sanay sa pagluluto.
Maraming dahilan kung bakit kinatatakutan at pinoproblema ito ng marami.
Una, nagdudulot ito ng kalat sa paligid ng kawali, sa stove surface, sa lababo, sa sahig, at kahit sa damit. Ang hirap pa namang linisin ng dumikit na mantika sa mga surfaces.
Pangalawa, mahapdi at masakit ito kapag tumama sa balat. Nag-iiwan din ito ng marka sa balat na nagtatagal ng mga araw o linggo kapag natuyo.
Pero may ilang hacks at tips na puwedeng gawin na kayang bawasan—kung hindi man lubusang tanggalin—ang sobrang lakas ng pagtalsik ng mantika.

TIPS TO PREVENT OIL SPLATTERING
Ano ba ang dahilan kung bakit tumatalsik ang mantika kapag nagpiprito?
Sagot: tubig
Kapag humalo ang tubig na nasa karne at gulay sa mainit na mantika, asahang tatalsik ang mantika.
Kaya ang isang tip na pwedeng gawin upang maiwasan ito ay punasan o i-pat dry ng paper towel ang ipipritong isda, baboy, manok, at gulay.
Kung wala namang paper towel, i-air dry ang ipipritong pagkain. Ilagay muna sa wire rack para matuyo sa hangin at lumabas ang liquid bago iprito.
Naiiwasan din ang pagtalsik ng mantika kapag nilalagyan ng harina o breading ang pagkain bago ito ilagay sa kumukulong mantika.
Read: TIPS: How to avoid sliced apples, other fruits from turning brown
SALTED OIL HACK
May ilang social media influencers at food vloggers na may hack para mapigilan ang tumatalsik na mantika kapag nagpiprito: ang salted oil.
Sa videos na ipinost ng mga ito, bubudburan muna nila ng asin ang kawali sa nakasinding kalan saka ilalagay ang mantika. Ang iba naman, inuna munang painitin ang mantika bago lagyan ng asin.
Pero either way, ang paglalagay ng asin sa mantika ay mapipigilan daw ang pagtalsik ng mantika.
Sa videos, makikitang hindi rin ganoon karami ang nilagay nilang asin sa kawali. Kahit anong uri raw ng asin ay pupuwede.
Naitampok ang hack na ito sa digital food site na allrecipes.com.
Sinunod ang payo ng TikTok star na si Barbara Costello, isang retired mom at grandma, na gumamit ng salted oil sa pagprito.
Sabi ni Barbara sa kanyang TikTok video: “Here's a little grandma hack: If you don't want your oil to splatter when you put something in a hot-oiled pan, add a little salt to it. It'll keep the splatter down.”
Para patunayan kung epektibo nga ito, nagsagawa ng experiment ang allrecipes.com. Ikinumpara ang pagpiprito ng iba’t ibang uri ng pagkain sa mantikang may asin (salted oil) at mantikang walang asin (unsalted oil).
Unang niluto ang breakfast sausage. Gaya ng inaasahan, naging makalat ang pagluluto gamit sa unsalted oil, samantalang naging mahina raw ang pagtalsik gamit ang salted oil.
Sunod, naggisa ng peppers at mushroom. Wala raw talsik sa salted oil.
Isinunod ang meatballs. Halos wala raw talsik sa salted oil. May panaka-nakang talsik pero hindi kasing dami ng talsik ng unsalted oil.
Ang verdict, effective ang hack na paglalagay ng kaunting asin sa mainit na mantika.
Paglilinaw sa artikulo: “Sure, adding salt to the pan didn't stop the oil splatter completely, but it did drastically decrease the amount.”

