Mas healthy nga ba ang brown eggs kumpara sa white eggs?
Kaya nga ba mas mahal ang presyo nila?
Hindi raw ito totoo.
Ayon ito sa registered nutritionist at dietitian na si Jeaneth Aro, na kilala rin bilang coach ng Filipino Olympic medalists na sina Hidilyn Diaz at Carlos Yulo.
Paliwanag ng coach, nagiging brown ang itlog dahil sa genes at breed ng manok.
Sa madaling sabi, kapag mas mataas ang brown pigmentation ng manok, asahang brown ang magiging itlog nito.
Ang rason naman kung bakit mas mahal ang brown eggs ay dahil mas mahal ang cost of production nito. Mas maraming feeds kasi ang kailangan ng mga manok na nangingitlog ng brown eggs.
“At dahil mas mahal, somehow na-brand na rin na mas healthy at more natural ang brown eggs,” ani Aro sa kanyang YouTube video noong June 2023.
“Ang totoo ay parehas lang na healthy and nutritious ang brown at white eggs.”
Dagdag pa ni Aro, “Walang significant difference ang kanilang nutrient quality maliban na lang kung mas maganda ang farming environment at fortified with nutrients ang feeds na ipinakakain sa brown-egg laying hens.”
Pinagkumpara niya ang nutrition information ng white egg at brown egg batay sa USDA Food Composition Database.

Read: How long do eggs stay fresh? Here's what you need to know.
HOW ABOUT THE SPECIALTY EGGS?
Ipinaliwanag din ng dietitian ang impormasyon tungkol sa specialty eggs gaya ng organic eggs, free-range eggs, at nutritionally-enriched eggs.
Sila ay sumasailalim sa unique production methods kumpara sa regular eggs.
Ayon kay Aro, ang nutritionally-enriched eggs, tulad ng Omega-3 enriched eggs, ay mula sa mga manok na may high Omega-3 diet.
“Ang Omega-3 fats ay may anti-inflammatory at cardio-protective effect, ngunit kalimitang mababa sa diet ng tao,” ani Aro.
Lumabas daw sa pag-aaral na puwedeng mag-increase ang fats na ito sa katawan ng tao kapag kumain ng Omega-3 enriched eggs.
Organic eggs naman ang tawag kapag mula ito sa mga manok na pinakain ng organic feeds, at hindi binigyan ng antibiotics at hormones, gaya ng synthetic form ng estrogen na Diethylstilbestrol (DES).
Ipinaalala ni Aro na may international legislation ang Food and Agriculture Organization tungkol sa mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng anumang DES sa animal at poultry farming.
Sa pagpapatuloy ni Aro, “In terms of nutrient content, wala pang proof so far na lamang ang organic eggs sa regular eggs."
Cage-free eggs naman ang tawag kapag ang poultry house ng mga manok ay mayroong mas maayos na farming condition.
“Pero wala ding difference masyado ang nutrient quality ng cage-free eggs kung hindi naaarawan ang manok, di tulad ng free-range poultry.”
Free-range eggs ang tawag kapag galing sila sa mga manok na may mas malayang farming set-up kung kaya't naaarawan sila, at nagreresulta ito sa mas mataas na vitamin D content sa kanilang mga itlog.

Read: Is it safe to eat hard-boiled eggs with grayish yolks?
Batay rin sa paliwanag ng health at medical websites, gaya ng Medical News Today at U.S. Department of Agriculture, walang significant difference sa nutrition content sa pagitan ng white at brown eggs, puwera na lamang kung nutritionally-enriched ang diet ng mga manok at mas nasisikatan sila ng araw.
Dagdag ni Aro: “Ultimately, lahat ng klase ng itlog ay healthy at magandang source ng quality protein.
“Para sa akin, kung nagti-take ka naman ngayon ng vitamins and minerals supplement, at laging mataas ang intake ng protein and veggies, hindi na kailangan ang specialty eggs para lang mag-increase ang intake ng nutrients na meron sa kanila."
