Napaulat kamakailan na sa isinagawang pagsasaliksik ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ay natagpuang may salmonella ang sariwang manok na itinitinda sa Metro Manila.
Ang nakababahala pa, resistant ang nakitang salmonella sa antibiotics.
Ang sumunod na tanong, dapat bang mag-worry ang mamimili at umiwas munsa sa pagbili at pagkain ng manok?
Sa pinag-aralang 76 isolates o microorganisms na salmonella na nadiskubre sa mga hilaw na manok, 94.7 percent dito ay resistant na sa isang uri ng antibiotic, habang 76.3 percent ang resistant sa tatlo o higit pang uri ng antibiotics.
Resistant ang mga ito sa Ampicillin, streptomycin, nalidixic acid, at cephalexin, ayon sa ulat ng GMA News.
Ibig sabihin nito, kapag nakuha ng tao ang salmonella bacteria, magiging mahirap ang gamutan dahil nga resistant sila sa antibiotics.
Ang salmonella ay uri ng bacteria na namumugad sa intestinal tracts ng tao at mga hayop.
Kapag nakuha ang bacteria na ito, magkakaroon ng sakit na salmonellosis.
Read: PHP500K penalty for refusing to accept national ID, says Atty. Chel Diokno
FURTHER STUDIES
Ginawa ang pag-aaral sa raw chicken sa mga wet market at supermarkets sa Metro Manila, ayon sa panayam ni Jovito Ysulat Jr., Science research specialist ng DOST-FNRI, sa DZMM Teleradyo interview.
Aniya, 46% sa hilaw na manok ay may salmonella contamination.
Kapag pumasok ang salmonella sa katawan ng tao, kabilang sa mga sintomas ay lagnat, pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae o diarrhea.
“Pero kadalasan din po gumagaling din po agad yung pasyente sa loob lang ng ilang araw.
“Pero maaari rin po itong maging malubha kapag ito ay nakuha ng mga bata, matatanda, mga buntis, at may mahinang resistensiya.”
Kapag napunta raw sa dugo ang salmonella, kailangang mag-antibiotics.
Pero kung resistant ang bacteria sa antibiotics, mas delikado dahil sa posibilidad na kumalat ang infection sa bloodstream.

IS IT SAFE TO EAT CHICKEN?
Kung malaking porsiyento ng mga hilaw na manok ay may salmonella, ligtas pa ba itong kainin?
““Yes… nawawala po ang salmonella or namamatay po ang salmonella basta ito po ay naluluto nang maigi,” ani Ysulat.
“Kaya po kung tatanungin po tayo kung ligtas pa po bang kumain ng manok kahit meron po siyang contamination ng salmonella, ligtas pa rin po, as long as niluluto po siya nang maigi, at sinisigurado po natin na hindi na po ito hilaw, at lutong-luto…”
Tiyakin daw na hanggang sa pinakaloob ng manok ay naluto ito nang maigi.
Lumabas din sa pag-aaral nina Ysulat na walang natagpuang salmonella sa mga itlog, pero ipinapayo pa rin niyang lutuin din silang maigi.
Paniniyak ni Ysulat: “Basta po maluto nang maayos at mapaabot ng 74-degree Celsius ang heat, mapapatay ang salmonella."
Bukod dito, iwasan ang cross-contamination. Hugasang mabuti ang mga kitchen utensils bago gamitin para sa iba pang pagkain.
“For example po, ang food handler ay humawak ng hilaw na manok at inihawak din agad sa mga lutong pagkain, may pagkakataon na malipat po yung salmonella mula sa hilaw na pagkain papunta po sa luto na pagkain, kunsaan puwede po itong magdulot ng sakit,” ani Ysulat.
Maaari ring dumikit ang salmonella sa ginamit na mga kasangkapan sa paghahanda ng manok.
“At dapat po siguraduhin po natin kapag tayo ay hahawak na hilaw na mga manok, maghuhugas po tayo ng ating mga kamay, gayundin po ang ating ang ating pinaggamitan po na mga tulad ng chopping board, kutsilyo para matiyak na makaiwas sa salmonella at cross-contamination.”
Read: Branded drugs vs. generic drugs: Truths and misconceptions
HOW CHICKEN GETs SALMONELLA
Ipinaliwanag din ni Ysulat kung paano nagkakaroon ng salmonella ang manok.
Aniya, “normal” daw ito at nakukuha sa iniinom na contaminated water o mula sa lupa kapag ito ay tumutuka ng pagkain.
Kadalasan, ang salmonella ay namamalagi sa bituka ng manok.
Gayunpaman, wala raw makikitang sintomas sa manok kung ito ay may salmonella.
Sa panghuli, diin ni Ysulat: “Hindi po tayo dapat matakot na kumain ng mga manok, as long as niluluto po natin ito nang maigi."
