Nakalabas na si GMA News reporter at Sumbungan ng Bayan host Oscar Oida mula sa halos dalawang linggong pagkakaratay sa Diliman Doctors Hospital sa Quezon City, pero patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang kanyang kalagayan.
Naospital si Oscar dahil sa leptospirosis.
Ang leptospirosis, ayon sa webmd.com, "is a rare bacterial infection we get from animals. It’s spread through their urine, especially from dogs, rodents, and farm animals. They may not have any symptoms, but they can be carriers."
Mahalagang maiparating sa publiko ang nangyari kay Oscar para malaman nilang hindi lamang nakukuha mula sa ihi ng mga daga sa tubig-baha ang mapanganib na bacterial disease na leptospirosis.
Maaari ring magkaroon nito mula sa mga kontaminadong pagkain, tubig o ihi na pumapasok sa mata, balat, bibig, at sugat.
Nagsimula ang kalbaryo ni Oscar, isang araw matapos ang kanyang coverage sa Payatas, Quezon City, noong February 15, 2022.
Pinuntahan niya ang mga kababaihang gumagawa ng mga basahan na itinampok ng Vogue magazine bilang woven textile na ginagawang T-shirt, tinatawag na "T-shirt waste loom," at ibinebenta sa halagang US$200 bawat isa.
Marami sa mga kababayan natin ang gumagawa ng woven textile mula sa mga lumang tela na tinatawag na sala-sala, ibinebenta bilang mga basahan at doormat sa napakamurang presyo na P15.00.
Ipinalabas sa Kapuso primetime news program na 24 Oras noong February 17, 2022 ang report ni Oscar na may pamagat na “Disenyong nahahawig sa hinabing doormat sa Pilipinas, tampok sa Vogue magazine sa Amerika.”
Sa isang bahagi ng kanyang pag-uulat, ipinakita siyang naghahabi ng sala-sala.

MJ MARFORI TALKS ABOUT OSCAR'S BATTLE WITH LEPTOSPIROSIS
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang asawa ni Oscar na si MJ Marfori, resident entertainment reporter ng TV5, tungkol sa matinding pagsubok na pinagdaanan nila.
Ayon kay MJ, malusog ang pangangatawan ni Oscar, wala itong anumang karamdaman at napakaingat sa tuwing lumalabas ng bahay dahil sa banta ng COVID-19.
Kaya nagtaka siya nang magkaroon ng mataas na lagnat ang asawa niya noong February 16.
Lahad ni MJ, “Yung coverage ni Oscar was February 15 pa. February 17, absent na siya sa trabaho, pero negative sa pitong antigen at isang RT-PCR test.
“Yung lagnat niya, 39.5 to 40.2 ang temperature pero hindi bumababa. Tapos nagsusuka na siya ng Friday, February 18.”
Nagdesisyon si MJ na dalhin si Oscar sa ospital pero nahirapan siyang maghanap dahil walang mga bakanteng kuwarto.
“Natulungan kami ng friend niya na doctor sa Diliman Doctors Hospital. Thank God, natutukan siya nang maayos dahil complete at proactive sila.
"Si Dr. Camilo na dating napapanood sa Pinoy MD ang head doctor niya," banggit ni MJ.
Ang hindi bumababang lagnat, pagsusuka, at pagdedeliryo ni Oscar ang mga dahilan kaya ipinasok na siya sa ICU ng ospital. Nagsimula ang dialysis treatment sa kanya noong Linggo, February 20.
Sumailalim si Oscar sa maraming klase ng pagsusuri para matukoy ang kanyang karamdaman.
Ang infectious disease doctor na si Dr. Daisy Tagara ang nagkumpirmang dinapuan ng leptospirosis ang Kapuso news personality.
Ayon kay MJ, “May nephrologist, neuro, cardio, pulmo, at infectious ang team of doctors ni Oscar.
"Si Dr. Tagarda ang nagsabing leptospirosis dahil 48 hours yung onset ng symptoms niya.
“According to the doctors, leptospirosis ang presentation ng symptoms ni Oscar so they treated it as such and the treatments were working.
"But he developed pneumonia kaya nagkaroon siya ng pulmo specialist na naggagamot sa kanya."
Lahad pa ng misis ni Oscar, "Ang sabi nila, highly likely na nakuha ni Oscar ang leptospirosis sa gawaan ng mga basahan for the feature story niya sa 24 Oras dahil nga sa feature story ng Vogue.
“Nag-demonstrate si Oscar [ng paggawa ng sala-sala] sa spiels niya so humawak siya ng basahan at sa pagkakaintindi ko, yun lang ang kanyang exposure.”
Hindi naman naiwasang matawa ni MJ dahil kahit nahihirapan si Oscar habang nakaratay ito sa ospital, ang report pa rin niya para sa 24 Oras ang kanyang iniisip.
“Natawa nga ako kasi akala niya, hindi pa umeere yung story niya nung time na hindi pa siya masyadong nakakapagsalita.
“Imagine, nag-cover siya sa Marawi siege, sa sangkatutak na bagyo, landslide, at never ending na patayan, pero nagkaroon siya ng sakit dahil sa basahan?
"Timing talaga ni God ang nagligtas sa kanya," pahayag ni MJ.
Lubos ang pasasalamat ng TV5 entertainment reporter sa Diyos, sa mga doktor at nurse na nag-alaga at sa lahat ng mga nagdasal para sa kaligtasan at paggaling ni Oscar.