Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng mga kaso ng “super flu” sa Pilipinas noong 2025, pero lahat ng mga taong tinamaan ay gumaling.
Ikinababahala ngayon ng maraming Pinoy ang paglaganap nito, lalo pa't marami ang nagkakaroon ng trangkaso, na halos kapareho ang sintomas sa super flu.
"We’ve actually detected about, July-August [2025], about 17 cases that were determined of the new subclass of the super flu. All of them have recovered," sabi ni DOH Secretrary Ted Herbosa sa GMA Intergrated News report.
Ayon pa sa DOH, totoong maraming kaso ng super flu sa ibang bansa, lalo na sa North American countries at United Kingdom, na nakararanas ng winter.
Pero sa Pilipinas, wala raw dapat ikabahala.
Para maagapan ang pagkalat nito, hinihikayat ang publiko na mag-ingat, sabi ni Herbosa sa isang press briefing nitong January 7, 2026.
“Not alarming, but there is a new variant out there. So I think the warning that I will give is for Filipinos that will travel to the temperate countries, [like] North America and to the UK,” aniya sa ulat sa News5 Everywhere.
Ang payo niya: Magpa-flu vaccine.
Manageable naman daw ang super flu basta walang health conditions.
Sa ulat ng GMA News, sinabing nagkaroon ng 15-percent increase sa flu cases noong mid-December 2025 sa U.S., may mga kaso pa ng mga nasawi, kabilang ang 16-anyos na dalaga.
Sa parehong panahon, nagkaroon ng 55-percent increase sa bilang ng mga naospital sa U.K. dahil sa super flu at hinikayat ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar doon.
Sinabi ng authorities na mas delikado ang super flu dahil bago ito sa immune system.
Pero kaya raw itong labanan ng 2025 flu vaccine.
Ang pahayag pa ni DOH Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo, wala silang na-detect na bagong kaso ng super flu.
At hindi raw lalala ang trangkaso kapag nagkaroon ng super flu kung pagbabatayan ang World Health Organization risk assessment.
“Hindi po lampas or tumataas mula doon sa karaniwang ating trangkaso ang subclade K [super flu]. Pareho lang po siya. Wala ho tayong dapat ikabahala.”
Nauna nang sinabi ng pulmonologist na si Doctor Maricar Limpin sa isang interview na ang super flu ay mas tumatagal kesa sa regular flu.
Binanggit din ito ni Domingo.
“Nakikita natin na medyo nagtatagal talaga nang konti yung mga sintomas ng pasyente at mas nagiging maubo ang mga nagkakaroon ng infection na ito,” sabi ng pulmonologist.
Read: Pulmonologist warns public about “super flu”
Dagdag na paalala ni DOH Secretary Herbosa, “self-limiting illness” ang flu o trangkaso, pero mag-ingat lalo ang mga mayroong medical conditions tulad ng may cancer o kaya ang mga may edad na.
“If you’re sick, stay at home. If you are infected, you have upper respiratory infection, you should cover your face with a face mask, and then better stay at home."
WHY It IS CALLED SUPER FLU
Ipinaliwanag din ni Domingo kung bakit tinawag na super flu ang bagong subclass ng influenza o flu.
“Nabansagan lang siyang super flu dahil ang haba ng kanyang scientific name. Ako mismo, hindi ko ma-memorize…” Sa panayam niya sa Balitapatan ng DZMM ngayong January 8, 2026.
Ang variant nito ay influenza A H3N2 J241 subclade K.
“There is nothing to be afraid of the super flu, basta tayo ay mag-iingat,” paniniyak ni Domingo.

Posibleng mas naging conscious ang publiko dahil sa mga nararamdaman nilang sintomas—tulad ng dry throat, sumakit ang ilong, sumakit ang sinuses—na sanhi ng mas malamig na panahon.
Pero giit ng spokesperson, “Hindi po automatic na iyon ang pakiramdam ay super flu kaagad.”
Sabi pa ni Domingo, ang 170,000 cases ng flu noong 2025 ay halos walang pinagkaiba sa bilang ng flu cases noong 2024.
Ang incubation period ng flu ay mula tatlo, lima, hanggang pitong araw. Nakakahawa raw ito kapag may sintomas na.
Kaya ugaliin ang pagsusuot ng face mask kapag may sintomas, magpahinga, maghugas ng kamay, at kumain ng gulay at prutas para tumibay ang immune system.
At dapat daw bigyang-pansin ang mga matatanda at bata dahil iba ang sintomas na nararamdaman nila: Nawawalan sila ng gana at nakakaramdam ng pagkaantok.
