Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa mga gamot at mga produktong hindi rehistrado sa ahensiya.
Naglipana raw ang napakaraming counterfeit products online, ani FDA Spokesperson Attorney Khay Ann Magundayao-Borlado, sa panayam ng DZMM Teleradyo ngayong January 29, 2026.
Ipinaliwanag din ni Borlado na kapag sinabing counterfeit, hindi ito rehistrado sa FDA, substandard kaya hindi tiyak ang effectiveness, at falsified, tulad daw ng mga nabibiling injection na tubig lang pala ang laman.
Pero bakit mahalaga na ang produkto ay FDA approved?
“Kasi po kapag iyan ay hindi registered, automatic na hindi po natin kayang i-guarantee na ito ay safe, effective, at quality,” sabi ng tagapagsalita.
Maaaring maging banta raw ito sa kalusugan at kaligtasan ng taong gagamit.
Read: Should we start worrying about Nipah virus? DOH speaks up
RED FLAGS TO WATCH OUT FOR
Narito ang ilang guidelines para makatiyak na rehistrado sa FDA ang produkto o serbisyo.
Prescription drugs – kapag ang gamot ay prescribed drug, tulad ng maintenance, hindi raw ito dapat nabibili sa online stores.
Kung ito man daw ay bibilhin online, mayroong physical store dapat ang botika.
“May drug stores na lisensiyado ng FDA na mayroong online ordering, pero required pa rin ipakita ang prescription,” sabi niya.
Kung online platform lamang daw ito na hindi humingi ng prescription, isa itong red flag.
Visuals, Dosage - Kailangan din daw maging mapagmatyag sa itsura ng pakete o itsura ng gamot, pati na rin ang dosage. Uso na rin kasi ngayon ang mga ibinebentang peke at tingi-tinging gamot.
Registered Pharmacies - dapat bilhin sa registered pharmacies ang gamot.
“Marami pong report na nakakarating sa amin na ang mga antibiotic na prescription drugs ay ibinebenta sa mga sari-sari stores.
“Hindi po allowed at hindi po lisensiyado ang ating mga sari-sari store para mag-dispense ng antibiotic o even mga gamot na kailangan ng reseta.
“Ang drug stores ay allowed magbenta at kailangan may license to operate ni FDA para masigurado complying sa Pharmacy Act.”
Cheap medicine - Dagdag pa ni Borlado, “Red flag kapag sobrang mura ng gamot compared doon sa alam naman natin na standard presyo niya.”
Read: How baking soda effectively absorbs odor
HOW TO REPORT NON-FDA-APPROVED PRODUCTS
Kailangang maging mapanuri ang publiko.
Mayroong verification portal ang fda.gov.ph para matukoy kung lisensiyado ng ahensiya ang pagkain, gamot, at drug stores.
Pagkabisita sa website ng FDA, i-type lang daw ang pangalan o brand at dito malalaman kung FD-approved ito o hindi.
“Kung sa isang gamot sa isang brand, pumunta po kayo sa aming verification portal, dito po sa FDA: verification.fda.gov.ph para po malaman natin kung ito po ay registered o hindi."
Sa mga may impormasyon naman tungkol sa counterfeit products, i-click lamang ang eSumbong sa website para malaman ng FDA kung sino at ano ang appropriate actions.
May online monitoring team din daw ang ahensiya.
"Kasi po, alam naman natin, marami sa atin convenient um-order sa online sa ‘Click,’ sa ‘Add to cart.’”
Aminado si Borlado na maraming produkto ang nasusupil subalit nagpapalit lamang sila ng pangalan at nakakabalik uli online.
Kung nais naman daw magsumbong ukol sa anumang katiwalian sa loob ng FDA ay maaaring mag-email sa ereport@fda.gov.ph.
MEANING OF 'NO APPROVED THERAPEUTIC CLAIMS'
Marami pa rin ang nalilito sa ibig sabihin ng “no approved therapeutic claims,” isang disclaimer na mababasa sa ibang produkto.
Ang kalituhan ng iba, bakit daw may ganito kahit FDA-approved?
Hindi ba't misleading ito?
Paglilinaw ni Borlado: “Pag sinabi nating ‘no approved therapeutic claims,’ ibig sabihin, hindi niya kini-claim na siya ay nakakagamot. Ito ay food o health supplement.
“Iba po kasi sa sinasabi na, ‘ito ay kayang gumamot ng mataas na sugar… ito ay gumagamot ng high blood.’
Iba po kasi iyon sa sinasabing ‘no approved therapeutic claims.'”
Ang sabi pa ng opisyal: “Kailangan po ma-inform po namin ang publiko na kapag nakakita po tayo ng ‘no approved therapeutic claims,’ ibig sabihin ito ay supplement lamang. Hindi nito sinasabi na siya ay nakakagaling.”
CRACKDOWN OF COUNTERFEIT PRODUCTS
Kilala ang Binondo sa Maynila bilang lugar kunsaan maraming botika o drug stores.
Lahat ba ng mga ibinebenta rito ay licensed?
Pag-amin niya: “Kami po ay gumawa ng saturation drive sa mga areas na iyan last November of 2025.
"May mga nakumpiska po kami sa Binondo na ibang mga unregistered products, kagaya ng mga supplements, gaya ng ibang kapeng pampapayat.”
May mga ganitong ulat din daw sa ibang probinsiya.
Pero sinabi ni Borlado na mayroon ding regional clusters o offices na katuwang nila para masupil ang counterfeit products.
Sa siyudad naman, mayroong inspectors na nakikipagtulungan para masupil ang counterfeit products.
At nag-remind muli si Borlado sa publiko na may kakayahan ang mga consumers na mag-report ng peke at walang lisensiyadong produkto sa website ng FDA.
