Ngayong panahon ng El Niño, pinangangambahan ang mga heat-related illnesses na hindi lang banta sa kalusugan kundi pati sa buhay ng tao.
Higit ito sa bungang-araw.
Kapag sobrang mainit, kailangang mag-ingat sa heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Apektado nito ang mga bilad sa tirik na raw, tulad ng construction workers at magsasaka.
Pero high risk din ang mga senior citizens, mga bata, mga atleta, at maging mga buntis, ani Dr. Arvin Dalumpines ng Internal Medicine ng University of Sto. Tomas, sa panayam ng DZMM Teleradyo nitong October 16, 2026.
Sa mga nag-eehersisyo—tulad ng walking at jogging—ang reminder ni Dr. Dalumpines, gawin ang exercise mula 6:00 A.M. hanggang 9:00 A.M.
Iwasan lumabas ng bahay mula 10:00 A.M. hanggang 3:00 P.M.
“Madalas pagkalipas ng alas nuwebe ng umaga, mas tumintindi ang sikat ng araw at tumitirik na talaga ang init ng sikat ng araw kaya iniiwasan natin talaga na lumabas beyond that time.”
Read: Ten outlets in two years: How 32-year-old Malaysian Adam Shamil grew Chunk & Dunk
SYMPTOMS and treatment
Inisa-isa rin ng medical expert ang ilan sa mga heat-related diseases o injuries, gaya ng sunburn, bungang-araw o heat rash, hilo, kawalan ng malay, at pulikat o paninigas ng muscles.
Heat cramps
Sabi ni Dr. Dalumpines, kapag nakakaranas nito, ang kalamnan ay "nagiging matiigas, nagko-contract bigla, namumulikat ang mga muscle natin.”
Ang dahilan: "matinding pagpapawis, nababawasan o nakukulangan ng tubig ang ating katawan, kasama yung mga electrolytes o yung mga asin sa loob ng ating katawan."
Hindi naman daw ito banta sa buhay ng tao.
Sabi ng doctor/content creator na si Dr. Dex Macalintal sa kanyang video, ang simpleng solusyon ay Oral Rehydration Solution (ORS), na pinaghalong one liter ng tubig, six-level teaspoons ng asukal, at one-half teaspoon ng asin.
Makakatulong ang pagpapahinga sa malilim at malamig na lugar at pag-inom ng tubig para ma-rehydrate.
Heat exhaustion
Ano naman ang heat exhaustion?
“Ito po yung matinding pagkahapo at pagkapagod dahil sa pagkabilad sa mainit na temperature,” ani Dr. Dalumpines
“Paminsan nakakaramdam ng pagkahilo pagkasakit ng ulo ng mga pasyente.”
Sabi naman ni Dr. Macalintal, ang heat exhaustion ay “red alert” na. Ilan sa sintomas nito ay malamig at malagit ang balat, nahihilo, at nagsusuka.
Payo niya, kapag inatake ng heat exhaustion ay magpahinga sa malilim at malamig na lugar, humiga at itaas ang mga, punasan ng basang bimpo ang leeg at kili-kili.
Babala pa niya, kapag napabayaan ang heat exhaustion ay puwede itong mauwi sa heat stroke na isang emergency situation.
Heat stroke
Ani Dr. Dalumpines, ang “pinakamatindi at pinakamapanganib na sakit" na puwedeng mangyari kapag tayo ay nabilad sa matinding init ay heat stroke.
“Ang temperature ng katawan natin ay lumalampas na 40-degree Celsius. Napakataas na po ng temperatura at hindi na kayang kontrolin ng katawan natin ang temperatura sa loob.”
Nagiging delikado raw ito dahil apektado ang utak ng pasyente.
Ilan daw sa indikasyon ng heat stroke ay pagkalito ng pasyente, hindi makausap nang maayos, hinang-hina.
Worst-case scenario, maaari umanong mangisay o kombulsiyonin ang pasyente dahil sa epekto nito sa utak.
Dagdag ni Dr. Macalintal, “Nagsa-shut down ang temperature control ng katawan, wala nang pawis, mainit at tuyo ang balat at nawawalan ng malay.” a
Ang pareho nilang payo: isugod agad sa emergency ang pasyente.
Ito naman ang first-aid treatment sa inatake ng heat stroke.
“Ilayo sa init, ipasok sa malilim, palamigin, punasan ng tuwalya na basa na may malamig na tubig. Spray-an ng tubig na malamig to bring their temperature down,” ani Dr. Dalumpines.
Pero diin niya, ang pinakamahalaga ay maisugod agad siya sa ospital.
Dagdag pa ni Dr. Macalintal, iwasang painumin ng tubig ang pasyente kung wala itong malay, “Baka po mabilaukan pa,” aniya.
Ang mga dagdag na paalala niya ngayong El Nino: proper hydration, kumain ng fruits and vegetable dahil may water content ang mga ito, proper hand washing, ehersisyo, at huwag kalimutan ang maintenance sa mga nagti-take nito.
Read: Doctors warn about RSV, a respiratory disease that targets kids
